Ang Pag-aani
“Ang Espiritu Santo … ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).
Noong bata pa ako sa Japan, ginusto kong matuto ng English. Pero mahal magpaturo ng English, at wala akong sapat na pambayad.
Isang araw nakakita ako ng dalawang kabataang lalaki na namimigay ng mga flyer para sa libreng pag-aaral ng English. Mga missionary sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Agad akong nagpalista sa English class nila.
May nadama akong kakaiba sa mga missionary. Masayahin sila at maganda ang pananaw. Tinanong ko sila tungkol sa kanilang simbahan, at naantig ang puso ko. Hindi ko ito naunawaan noon, pero Espiritu pala ang nadama ko. Hindi nagtagal ay ginusto kong magpabinyag.
Ayaw ng mga magulang ko na magpabinyag ako sa isang simbahang iba sa kanila. Pero pumunta sa bahay namin ang mga missionary at magiliw na kinausap ang mga magulang ko. Inantig ng Espiritu ang puso ng aking mga magulang, at pinayagan nila akong mabinyagan.
Isang araw ng Linggo sa buwan ng Oktubre, inatasan akong magbigay ng mahalagang bahagi sa isang programa sa simbahan. Pero noong Oktubre kinailangang magpakasipag ng buong pamilya ko para maani ang palay sa palayan ng aking ama. Kasama na roon ang pagtatrabaho sa araw ng Sabbath.
Nagdasal ako sa Ama sa Langit, at may ipinasok na ideya ang Espiritu sa aking isipan. Puwede kong sikaping tapusin ang pag-aani bago sumapit ang Linggo. Gigising ako nang maaga at magtatrabaho tuwing umaga bago pumasok sa eskuwela. At tuwing hapon paglabas ng eskuwela ay magtatrabaho ako hanggang dumilim.
Pero pagsapit ng Sabado ng gabi kalahati pa lang ang naaani. Natulog akong dismayado dahil hindi ko nakamtan ang mithiin ko. Linggo ng umaga gumising ako nang maaga para pumunta sa palayan. Pumunta sa kuwarto ko ang aking ama at, habang magiliw na nakangiti, tinanong ako kung bakit hindi ako magsisimba. Puspos ng galak ang puso ko. Makakasimba ako at mapapanatili kong banal ang araw ng Sabbath!
Nagpapasalamat akong malaman na kapag nakinig tayo sa tinig ng Panginoon at sumunod sa Kanya, lagi Niya tayong pagpapalain at gagabayan.