Mga Propeta sa Lumang Tipan
Noe
“Kasunod [si Noe] ni Adan sa awtoridad sa Priesthood; tinawag siya ng Diyos sa katungkulang ito, at siya ang ama ng lahat ng nabubuhay sa kanyang panahon.”1—Propetang Joseph Smith
Ibinigay sa akin ng aking ama ang pangalang Noe, na ibig sabihin ay “kapahingahan,” dahil naniniwala siya na maghahatid ako ng kaaliwan sa aking pamilya. Nabuhay ako sa panahong puno ng kasamaan na laganap ang karahasan, poot, at iba pang mga kasalanan.2
Ang Diyos, na binalaan ako na malilipol sa baha ang masasama, ay inutusan ako na gumawa ng barko at magtipon ng pagkain at mga hayop. Sa tulong ng tatlong anak ko at sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, ginawa ko ang barko sa sumunod na 120 taon. Ni walang pagbabadya na uulan.3
Nangaral din ako ng pagsisisi, sa pag-asang ang ilan ay makikinig at makakaligtas sa Baha. Mula sa pagdala kay Enoc sa langit hanggang sa Baha, maraming matatapat na tao ang dinala sa langit nang hindi nakaranas ng kamatayan, ngunit ang iba ay ayaw magsisi.4
Nang sa huli ay sumakay sa arka ang aking pamilya, sinarhan namin ang pinto at hindi ito binuksang muli hanggang sa tumigil ang ulan at matuyo ang lupa, pagkaraan ng halos isang taon.5 Paglabas namin sa arka, nakipagtipan ang Diyos na hindi na muling babahain ang mundo. Isang bahaghari ang lumitaw sa kalangitan bilang sagisag ng Kanyang pangako. Iniutos Niyang magpakarami ang aming pamilya at na patuloy naming ipamuhay ang ebanghelyo, at ako ang naging pangalawang ama ng sangkatauhan.6
Pagkalipas ng daan-daang taon, bilang anghel na si Gabriel,7 ipinahayag ko sa saserdoteng si Zacarias na siya ang magiging ama ni Juan Bautista, at nagpakita ako kay Maria at sinabi ko sa kanya na siya ang magsisilang sa Tagapagligtas.8
Makikita sa buhay ko, kahit sa mahihirap na sandali, na hindi kayo mag-iisa kailanman kung susundin ninyo ang Diyos. Kalaunan ay huhupa ang mga baha sa buhay, at makikita ninyo ang kagandahan ng ebanghelyo sa inyong buhay, tulad ng bahaghari sa kalangitan.