Notebook ng Kumperensya ng Oktubre 2013
Habang nirerepaso ninyo ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2013, magagamit ninyo ang mga pahinang ito (at ang mga Notebook ng Kumperensya sa susunod na mga isyu) para matulungan kayong pag-aralan at ipamuhay ang mga itinuro kamakailan ng mga buhay na propeta at apostol at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan.
“Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko; … maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).
Pangako ng Propeta
“Hindi natin mapipilit ang mga anak ng Diyos na piliin ang landas tungo sa kaligayahan. Hindi iyan magagawa ng Diyos dahil sa kalayaang ibinigay Niya sa atin.
“Mahal ng Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak ang lahat ng anak ng Diyos anuman ang piliin nilang gawin o kahinatnan. Tinubos ng Tagapagligtas ang lahat ng kasalanan, gaano man ito kabigat. Kahit kailangang magkaroon ng katarungan, ipinagkakaloob ang awa kung hindi nito maaagawan ang katarungan. … Lagi tayong humuhugot ng lakas ng loob sa katiyakan na minsan ay nadama natin ang kagalakang magkasama-sama bilang miyembro ng mahal na pamilya ng ating Ama sa Langit. Sa tulong ng Diyos maaari nating madamang muli ang pag-asa at kagalakang iyan.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Sa Aking mga Apo,” Liahona, Nob. 2013, 71, 72.
Mga Salita ng Propeta Tungkol sa mga Hamon sa Isipan at Damdamin
“Paano kayo pinakamainam na makatutugon kapag kayo o ang mga mahal ninyo sa buhay ay nakararanas ng matinding depresyon? Higit sa lahat, huwag mawalan ng pananampalataya sa inyong Ama sa Langit, na nagmamahal sa inyo nang higit pa sa kaya ninyong maunawaan. … Huwag na huwag ninyo itong pagdudahan, at huwag ninyong tigasan ang puso ninyo. Tapat na ipagpatuloy ang mabubuting gawain na naghahatid ng Espiritu ng Panginoon sa inyong buhay. Humingi ng payo sa mga mayhawak ng susi para sa inyong espirituwal na kapakanan. Humingi ng mga basbas ng priesthood at pahalagahan ito. Makibahagi sa sakramento linggu-linggo, at kumapit nang mahigpit sa nakasasakdal na mga pangako ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Maniwala sa mga himala. Nakita ko nang dumating ang marami sa mga ito nang ang lahat ay nagpapahiwatig na wala nang pag-asa. Ang pag-asa ay hindi kailanman nawawala. Kung hindi man dumating kaagad o nang lubusan o hindi na talaga dumating ang mga himalang iyon, alalahanin ang sariling halimbawa ng pagdurusa ng Tagapagligtas: kung hindi lumampas ang mapait na saro, inumin ito at maging matatag, na nagtitiwalang darating ang mas masasayang araw. …
“… Pinatototohanan ko ang araw na iyon kung saan ang ating mga mahal sa buhay na alam nating may mga kapansanan sa mortalidad ay tatayo sa ating harapan na niluwalhati at maringal, sakdal-ganda sa katawan at isipan.”
Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40–41, 42.