2014
Paghahanda na Maging Walang-Hanggang Pamilya
Pebrero 2014


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Paghahanda na Maging Walang-Hanggang Pamilya

Walang magic recipe para magtagumpay ang pagsasama ng mag-asawa, ngunit ang mga sangkap ay hindi nagbabago.

Naobserbahan naming mag-asawa nang may kalungkutan at pagtataka ang pagdaan ng ilan sa aming mga kaibigan sa proseso ng diborsyo. Ang unang nadama namin ay takot na baka mangyari iyon sa amin kung maharap kami sa mahihirap na hamon sa aming pagsasama. Nang dumating nga ang matinding problema sa aming pagsasama, nagpasiya kaming bigyan ng huling pagkakataon ang aming sarili—ngunit gagawin namin ito sa tamang paraan. Matagal-tagal din naming sinikap na lutasin ang aming mga problema sa pagsasaalang-alang sa mga kuru-kuro at damdamin ng isa’t isa. Pansamantalang umigi ang aming relasyon, ngunit pagkaraan ng kaunting panahon ay laging nagbabalik ang aming mga problema.

Nagsimula lamang magbago ang aming relasyon nang matanto namin na kailangan namin ang tulong ng Panginoon sa aming pagsasama. Natanto namin na hinding-hindi namin malulunasan, ni malulutas, ang aming mga alitan nang kami-kami lang. Nang isantabi namin ang aming pagmamataas, may ginawa kami na hindi pa namin nagagawa kailanman. Kinalimutan namin ang aming mga opinyon at hiniling sa Panginoon kung ano ang nais Niyang gawin namin. Nang ibilang namin Siya noon lamang nagsimulang bumuti ang aming pagsasama—nang paunti-unti at sa Kanyang paraan at sa Kanyang sariling takdang panahon.

Maraming taon na ang lumipas mula nang lumuhod kami sa altar ng Santiago Chile Temple, at naharap kami sa maraming hamon at paghihirap. Sa paggunita sa nakaraan, masasabi namin na lahat ng napagdaanan namin ay naging para sa aming kabutihan. Ang paghihirap ay nagturo sa amin na maging mapagpakumbaba at mas nagpalakas sa amin. Patuloy pa rin kaming natututo kung paano isaayos ang aming buhay—kapwa kami natututong magtulungan nang may pagmamahal at pag-unawa bilang pantay na magkatuwang—at sulit ang aming pagsisikap.

Walang magic recipe para magtagumpay ang pagsasama ng mag-asawa. Ang mga sangkap ay matatagpuan, tulad ng dati, sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kaya, bilang pamilya, sumulat kami ng isang pagpapahayag na ginagamit namin kaagapay ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak na inilabas ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Ang aming pagpapahayag, na pinamagatang “Paghahandang Maging Walang-Hanggang Pamilya,” ay nagsisimula sa mga salitang ito: “Kami, ang pamilya Castro Martínez, ay nagpapatotoo na ang kasal ay inorden ng Diyos at na ang mga ugnayan ng pamilya ay maaaring maging walang hanggan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kung susundin namin ang mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.”

Kasunod nito ang 17 alituntunin na sa aming palagay ay naglalaman ng mga pangunahing pinahahalagahan sa ebanghelyo na magbibigay sa amin ng pinakamagandang pagkakataon para magtagumpay ang pagsasama naming mag-asawa at ang aming pamilya. Ang aming listahan ay hindi na bago; kabilang dito ang mga bagay na tulad ng personal at pampamilyang panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, lingguhang family home evening, pagdalo sa mga miting tuwing Linggo, regular na pagpunta sa templo, pakikitungo sa isa’t isa nang may pagmamahal at paggalang, at paglilingkod. Nauunawaan din namin na ang mga alituntunin mismo ay walang anumang epekto—kailangan naming ipamuhay ang mga ito.

Nang isantabi namin ang aming pagmamataas at sinunod namin ang Panginoon at ang Kanyang kalooban sa aming pagsasama, natuwid ang aming landas tungo sa pagiging walang-hanggang pamilya.

Ang awtor ay naninirahan sa Valparaíso, Chile.

Tala

  1. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.