2014
‘Ang Napakalawak na Imperyong Iyon’: Ang Pag-unlad ng Simbahan sa Russia
Pebrero 2014


Mga Pioneer sa Bawat Lupain

“Ang Napakalawak na Imperyong Iyon”

Ang Pag-unlad ng Simbahan sa Russia

Ang mga Banal sa mga Huling Araw na Russian ay sumalig sa pundasyon ng propesiya para maitatag ang Simbahan sa kanilang bansa.

Nasaksihan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Russia ang isang mahalagang pangyayari noong 2011 nang inorganisa sa Moscow ang unang stake sa kanilang bansa. Mahigit isang libong miyembro ng Simbahan, missionary, at kaibigan ang tuwang-tuwang nagtipon upang sang-ayunan ang kanilang mga bagong lider at nagpasalamat na maibibilang ang kabisera ng kanilang bansa sa mga stake ng Sion na laganap sa iba’t ibang panig ng mundo. Tumindi ang pag-asam nang tawagin at sang-ayunan si Yakov Boyko bilang stake president kasama sina Vladimir Astashov at Viktor Kremenchuk bilang kanyang mga tagapayo.

Labis na katuwaan ang nadama ng buong kongregasyon nang ipakilala si Vyacheslav Protopopov bilang stake patriarch, ang unang katutubong Russian patriarch sa Russia. Nagtaasan ang mga kamay nang basahin ang kanyang pangalan para sa boto ng pagsang-ayon, at muntik nang magpalakpakan ang ilan sa galak. Sa unang pagkakataon, tinanggap ng mga Russian priesthood leader ang mga susi at awtoridad na tinatamasa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga stake sa iba’t ibang panig ng mundo. Nagsimula ang isang bagong kabanata sa kasaysayan ng Simbahan sa Russia nang ang mga Russian na mismo ang namuno sa Simbahan sa Moscow.

Propesiya

Ang landas tungo sa mahalagang araw na ito sa kasaysayan ng Simbahan sa Russia ay mababakas pabalik sa mga unang araw ng Panunumbalik. Noong 1843 tinawag ni Propetang Joseph Smith sina Elder Orson Hyde ng Korum ng Labindalawang Apostol at George J. Adams na magmisyon sa Russia “para ipangaral ang kabuuan ng Ebanghelyo sa mga tao ng napakalawak na imperyong iyon, at kalakip [nito] ang ilan sa pinakamahahalagang bagay hinggil sa pag-unlad at pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw, na hindi maipapaliwanag sa panahong ito.”1 Gayunman, ang Pagpaslang sa Propeta noong 1844 ay nakaantala sa mga planong tapusin ang misyon, at ang mga plano ng Propeta tungkol sa tadhana ng ebanghelyo sa “napakalawak na imperyong iyon” ay hindi natupad.2

Paghahanda

Gayunpaman, sa 168 taong pagitan ng unang tawag sa misyon na iyon at ng paglikha ng unang stake sa Russia, tumulong ang mga Banal sa mga Huling Araw na iba’t iba ang pinagmulan na maihanda ang daan upang maibahagi ang ebanghelyo sa mga taga-Russia. Noong 1895, dumating ang Swedish missionary na si August Höglund sa St. Petersburg para turuan si Johan Lindlöf, na sumulat sa Scandinavian mission at humingi ng mga missionary matapos malaman ang tungkol sa Simbahan sa kanyang bayang tinubuan na Finland. Dalawang araw matapos makilala si Elder Höglund at makausap ito hanggang gabi, hiniling ni Johan at ng kanyang asawang si Alma na mabinyagan sila. Noong Hunyo 11, 1895, sinamahan sila ni Elder Höglund sa pampang ng Neva River. Nang hindi sila makakita ng tahimik at tagong lugar na pagbibinyagan, lumuhod at nagdasal ang grupo para humingi ng tulong sa Panginoon. Himalang nagsimulang lisanin ng mga bangka at mga tao ang lugar. Pagkatapos ng binyag, sinabi ni Sister Lindlöf, “Ang saya-saya ko! Alam kong pinatawad na ako ng Panginoon.”3 Sa gayon sina Johan at Alma ang naging unang mga convert na nabinyagan sa Russia.

Ilang taon pagkaraan, dahil nahikayat ng pagsapi ng mga Lindlöf at ng mga pagbabago sa lipunan na ipinlano ng pamahalaan ng Russia, pinasimulan ni Elder Francis M. Lyman (1840–1916) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga planong magpadala ng mga missionary sa Russian Empire. Noong 1903, habang naglilingkod bilang pangulo ng European Mission, naglakbay sa Russian Empire si Elder Lyman at inilaan ang lupain para sa pangangaral ng ebanghelyo. Nag-alay siya ng mga panalangin sa St. Petersburg at sa Moscow noong Agosto 6 at 9, na hinihiling sa Panginoon na basbasan ang mga pinuno ng lupain at ang maraming tao ng imperyo, “na kung kaninong mga ugat ay masaganang nananalaytay ang dugo ni Israel.”4 Ipinagdasal din niya na “nawa ang puso ng mabubuti at tapat ay maghangad ng katotohanan, at magsumamo sa Panginoon na magsugo ng mga lingkod na puno ng karunungan at pananampalataya upang ipahayag ang Ebanghelyo sa Russian sa kanilang sariling wika.”5

Ipinadala ni Elder Lyman ang missionary na si Mikhail Markov sa Riga, Latvia—na noon ay bahagi ng Russian Empire—at sumulat siya sa headquarters ng Simbahan na nagpapahayag ng kanyang pag-asam na tatawag kaagad ng mga missionary na ipadadala sa Russia. Gayunman, nadama ng mga pinuno ng Simbahan sa Salt Lake City na kailangan nilang pag-isipan ito nang mas mabuti bago magpadala ng mga missionary sa Russia, kung saan labag sa batas ang mangaral ng anuman na salungat sa kinaugalian sa Russia. Hindi nagtagal at nilisan ni Brother Markov ang Riga sa utos ng mga lokal na opisyal.6 Kalaunan, ang mga tensyon sa lipunan at pulitika sa Russia, na lalo pang pinatindi ng Unang Digmaang Pandaigdig, ay humantong sa sunud-sunod na rebolusyon at isang digmaang sibil na naglumok sa Russia sa karahasan. Dahil sa pagkabuo ng Soviet Union at sa sumunod na Cold War, lalo pang naging imposibleng magpadala ng mga missionary sa Russia.

Gayunman, kahit sa panahon ng Soviet, patuloy na naghanda ang mga Banal sa mga Huling Araw para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa Russia. Isa sa mga taong iyon si Andre Anastasion, isang dayuhan mula sa Odessa, Ukraine, na nagsimulang isalin ang Aklat ni Mormon sa wikang Russian matapos mabinyagan noong 1918. Matapos bumisita sa Moscow noong 1970, isinulat ni Andre, “Dalawang beses noong gabi tumayo ako sa Red Square at nagsumamo sa Panginoon na buksan ang daan para madala ang Ebanghelyo sa mga Russian, na nakita ko sa lahat ng dako na magkakasama, gusgusin, malungkot, yuko ang mga ulo.”7 Ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon sa wikang Russian, batay halos sa pagsasalin ni Andre, ay inilathala noong 1981. Darating ang panahon na maraming Russian ang tatanggap sa mensahe ng Aklat ni Mormon, at magiging mga pioneer sa kanilang sariling lupain para tumulong na matupad ang mga inaasam at ipinagdarasal ng iba para sa kanila.

Mga Pioneer

Noong 1989, dumalaw sina Yuri at Liudmila Terebenin ng St. Petersburg (na noon ay Leningrad) at ang anak nilang si Anna, sa mga kaibigan nila sa Budapest, Hungary. Inanyayahan sila ng isang kaibigan na Banal sa mga Huling Araw sa simbahan, kung saan nila nadama ang Espiritu at nagpasiya silang magpaturo sa mga missionary. Kalaunan ay nabinyagan sila. Kahit ang mga Terebenin lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa St. Petersburg noong una, hindi sila nag-isa nang matagal. Ibinabahagi na noon ng mga miyembro ng Simbahan mula sa Finland ang ebanghelyo sa mga Russian, kabilang na si Anton Skripko, na naging unang Russian na nabinyagan sa Russia.

Noong panahong iyon, ang Russia ay dumaranas ng pagbabago sa pulitika, at ang mga Amerikanong nakatira at nagtatrabaho sa Moscow ay nagsimulang tulungan ang kanilang mga kaibigan at kakilalang Russian. Nakilala ni Dohn Thornton si Galina Goncharova noong 1989, at relihiyon ang naging paksa ng kanilang pag-uusap. Paggunita ni Brother Thornton kalaunan, “Nang ibigay ko [kay Galina] ang Aklat ni Mormon at ang polyeto tungkol kay Joseph Smith, di kapani-paniwala ang nangyari. [Parang] lahat ng ilaw sa silid noong sandaling iyon ay nakatutok sa aklat. Pinuspos kami ng Espiritu at nagsimula [siyang] umiyak.”8 Sinabi sa kanya ni Galina na nadama niya na ang aklat ay nagmula sa Diyos. Nagsimula siyang magsimba at nabinyagan siya noong Hunyo 1990, at naging unang kasaping nabinyagan sa Moscow.

Nang sumapi sa Simbahan ang mga Russian mula sa St. Petersburg, Vyborg, Moscow, at iba pang lungsod, isang bagong kabanata ang nabuksan sa kasaysayan ng Simbahan sa Russia. Noong Abril 26, 1990, nag-alay ng panalangin ng muling paglalaan si Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawa para sa Russia sa St. Petersburg, na muling pinagtitibay ang paglalaang ginawa ni Elder Lyman halos isang siglo na ang nakalipas at hinihiling sa Panginoon na iparating ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga tao.

Noon ding tagsibol ng 1990, dinala ni Tamara Efimova ng St. Petersburg ang mga missionary sa bahay niya matapos silang makilala sa bahay ng isang kaibigan. Alinlangan ang kanyang amang si Vyacheslav Efimov, noong una na makakaya siyang turuan ng mga binatang ito ng anumang bago tungkol sa Diyos. Gayunman, humanga siya sa kanilang mensahe ng ebanghelyo. Isinulat niya: “[Ito] ay nagbigay sa akin ng pagkakataong matanggap ang mga sagot sa aking sariling mga katanungan at, higit sa lahat, maunawaan na mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin—tayo ay kanyang mga anak at binigyan niya tayo ng isang Tagapagligtas, ang kanyang Anak na si Jesucristo, at bawat isa sa atin ay mabubuhay na mag-uli.”9 Pagsapit ng Hunyo, nabinyagan sina Vyacheslav, Galina (kanyang asawa), at Tamara. Mula 1995 hanggang 1998, naglingkod si Brother Efimov bilang unang katutubong mission president sa Russia.

Pag-unlad

Pinamunuan ng mga lider na may “karunungan at pananampalataya,” bilang katuparan ng mga panalangin sa paglalaan ni Elder Lyman noong 1903, patuloy na lumago ang Simbahan matapos pumasok ang mga missionary sa Russia noong mga unang buwan ng 1990. Tinanggap ng matatapat na Russian ang responsibilidad na maglingkod sa kanilang mga kaibigan at kapitbahay. Habang itinatatag ang mga district sa maraming lungsod, tinuruan, binigyang-inspirasyon, at sinuportahan ng mga lider na tulad ni Fidrus Khasbiulin ang mga Banal. Si Brother Khasbiulin, na sumapi sa Simbahan noong 1994, ay naglingkod bilang unang branch president sa Rostov-na-Donu, mula 1995 hanggang 1997, nang tawagin siyang pangulo ng Rostov Russia District. Noong district president siya, binigyang-diin niya ang pagpapatatag sa mga pamilya at tinutukan ang paglilingkod sa mga kabataan, sa pagtulong sa kanila na maghandang magmisyon at makasal sa templo kalaunan.10

Mga Templo

Hindi hinayaan ng mga Russian na Banal sa mga Huling Araw na makahadlang sa kanila ang kawalan ng templo sa sarili nilang bansa para makibahagi sa mga ordenansa sa bahay ng Panginoon. Sa loob ng mahigit 15 taon, ang pinakamalalapit na templo ay ang Stockholm Sweden Temple at ang Freiberg Germany Temple, bagama’t patuloy na dumadalo ang mga miyembro sa Russian Far East sa Seoul Korea Temple. Hindi sila makapunta nang madalas sa templo dahil mahirap kumuha ng visa, malayo, at mahal ang pamasahe.

Noong Disyembre 1991, ang pamilya nina Andrei at Marina Semionov ng Vyborg ang naging unang pamilyang Russian na nabuklod sa templo. Sabi ni Brother Semionov, “Natatanging kagalakan ang dumating sa buhay namin matapos kaming mabuklod hanggang sa kawalang-hanggan sa Stockholm Sweden Temple.”11 Sa loob ng ilang taon sinamahan niya ang bawat grupo mula sa Russia na pumupunta sa templo sa Sweden.

Kalaunan, nagsimulang mag-organisa ng mga grupo ang mga mission leader para makapunta roon. Ang una sa grupong iyon mula sa Moscow ay nagbiyahe papuntang Stockholm noong Setyembre 1993. Ang mga pagpuntang ito sa templo ay naging tampok na bahagi ng katapatan ng mga miyembrong Russian sa iba’t ibang dako ng bansa.

Unang pinuntahan ng pamilya Vershinin mula sa Nizhniy Novgorod ang Stockholm Sweden Temple noong 2000. Matapos magbiyahe patungong St. Petersburg, sumama sina Sergey, Vera, at ang kanilang anak na si Irina sa isang grupo ng mga Russian na Banal sa mga Huling Araw mula sa iba’t ibang lungsod at nagbiyahe sakay ng bus at bangka para makarating sa templo. Sa templo, nakibahagi si Irina sa mga binyag para sa mga patay at nabuklod sa kanyang mga magulang. “Nagkaroon kami ng patotoo at maraming pagpapala sa biyahe na ito,” paggunita niya. “Mumunting patotoo ang mga ito na natanggap ng bawat isa sa amin. Ngunit lahat ng ito ay tumulong at nagtulak sa amin na umunlad pa sa espirituwal.”12

Sa huli, nagkaroon ng templong mas malapit sa Russia nang ilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang Helsinki Finland Temple noong 2006. Pagkatapos noong 2010, nagalak ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong Russia nang inilaan ni Pangulong Thomas S. Monson ang Kyiv Ukraine Temple, ang una sa dating Soviet Union, at dahil dito naging mas madali para sa matatapat na Russian na Banal sa mga Huling Araw na makatanggap ng mga pagpapala ng templo.

Isang Simbahang Russian

Ang paglalaan ng templo sa Ukraine ay nagpalakas sa pag-asa ng mga miyembrong Russian na magiging matatag ang kinabukasan ng Simbahan sa kanilang bansa. Matapos ang paglalaan, sinabi ni Vladimir Kabanovy na taga-Moscow na “patuloy na lalago ang Simbahan—nakikinita ko ang mga stake ng Sion dito [sa Russia].”13 Wala pang isang taon kalaunan, nagkatotoo ang pangitaing iyon nang iorganisa ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Moscow Russia Stake. Nang sumunod na taon, noong Setyembre 2012, inorganisa ni Elder Nelson ang pangalawang stake, sa St. Petersburg.

Bagama’t ang mga sandaling ito ay kumakatawan sa mga ibinunga ng 20 taong pagbubunsod ng paglilingkod at pag-unlad ng mga Russian na Banal sa mga Huling Araw, simula lamang ito ng isang bagong kabanata sa kasaysayan ng Simbahan sa kanilang bansa. Matapos bumisita noong Hunyo 2012 sa mga Banal sa Europe East Area (na kinabibilangan ng Russia), nagpatotoo si Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang gawain doon: “Naliligiran ng Kanyang Espiritu ang lugar na ito. Makikita natin ang mga bagay na hindi natin inakala kailanman.”14 Kapag ang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa Russia ay patuloy na naglingkod, ipinamuhay at tinanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo, at nagtuon sa templo, maoorganisa ang iba pang mga stake at patuloy na uunlad ang Simbahan sa kanilang bansa. Marahil ay nakikita natin ang katuparan ng nakita ni Propetang Joseph Smith para sa kaharian ng Diyos sa mga huling araw sa napakalawak na imperyong ito.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 6:41. Hindi malinaw kung anong “mahahalagang bagay” ang tinutukoy ng Propeta “na hindi maipapaliwanag sa panahong ito”; maaaring ang tinutukoy niya ay ang Russia mismo, ang misyon, o mensahe ng mga missionary.

  2. Ipinasiya ni George J. Adams na hindi tanggapin ang pamumuno ni Brigham Young bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol pagkamatay ni Joseph Smith at nilisan ang Simbahan.

  3. August Hoglund sa Scandinavian Mission President, Hulyo 9, 1895, Scandinavian Mission manuscript history, Church History Library, Salt Lake City, sinipi sa Kahlile Mehr, “Johan and Alma Lindlof: Early Saints in Russia,” Ensign, Hulyo 1981, 23.

  4. Joseph J. Cannon, “President Lyman’s Travels and Ministry: Praying in St. Petersburg for the Land of Russia,” Millennial Star, Ago. 20, 1903, 532.

  5. Joseph J. Cannon, “President Lyman’s Travels and Ministry: The Visit to Moscow, the City of Churches,” Millennial Star, Ago. 27, 1903, 548.

  6. Tingnan sa William Hale Kehr, “Mischa Markow: Missionary to the Balkans,” Ensign, Hunyo 1980, 29.

  7. Liham ni Andre Anastasion sa Kapulungan ng Labindalawang Apostol, Nob. 8, 1970, Church History Library, Salt Lake City.

  8. Dohn Thornton, “The Beginnings of the Moscow Branch,” sa Papers and Photographs Relating to the Beginning of the Church in Moscow, Russia (1990–92), Church History Library, Salt Lake City.

  9. Vyacheslav Efimov, sa Gary L. Browning, Russia and the Restored Gospel (1997), 73.

  10. Tingnan sa Allison Thorpe Pond, ipinasa-pasang kasaysayan ni Fidrus Khabrakhmanovich Khasbiulin, Ago. 18, 2010, Church History Library, Salt Lake City.

  11. Andrei Semionov, sa Gary Browning, “Pioneering in Russia,” Liahona, Abr. 1998, 36.

  12. Mula sa interbyu kay Irina Borodina, Mar. 6, 2013.

  13. Vladimir Kabanovy, sa Jason Swenson, “Russia’s first stake a powerful symbol of country’s growth,” Church News, Hulyo 9, 2011, ldschurchnews.com.

  14. D. Todd Christofferson, sa video sa “Spirit Attentive to Eastern European Pioneers,” Prophets and Apostles Speak Today, lds.org/prophets-and-apostles/unto-all-the-world/spirit-attentive-to-eastern-europe-pioneers.

  15. Melvin J. Ballard, sa Conference Report, Abr. 1930, 157.

  16. Boyd K. Packer, ayon sa itinala ni Dennis B. Neuenschwander sa isang miting ng simbahan sa St. Petersburg, Nob. 18, 1995.