2014
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Mabuting Pastol
Pebrero 2014


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Mabuting Pastol

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Itinuro ni Jesucristo, ang Mabuting Pastol:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan? …

“Sinasabi ko sa inyo, na … magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi” (Lucas 15:4, 7).

Kapag naunawaan natin na si Jesucristo ang Mabuting Pastol, madaragdagan ang ating hangaring tularan ang Kanyang halimbawa at paglingkuran yaong mga nangangailangan. Sinabi ni Jesus: “Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako. … At ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa” (Juan 10:14–15). Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, wala ni isa sa atin ang lubhang maliligaw ng landas na hindi natin makikita ang ating daan pauwi (tingnan sa Lucas 15).

Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Responsibilidad nating pangalagaan ang kawan. … Bawat isa nawa’y tumanggap ng tungkulin.”1

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 23; Isaias 40:11; Mosias 26:21

Mula sa Ating Kasaysayan

Sinabi ni Elizabeth Ann Whitney, na dumalo sa unang miting ng Relief Society, tungkol sa pagpapabinyag niya noong 1830: “Pagkarinig ko sa Ebanghelyo na ipinangaral ng mga Elder, alam ko na iyon ang tinig ng Mabuting Pastol.”2 Sinunod ni Elizabeth ang tinig ng Mabuting Pastol at nabinyagan at nakumpirma.

Maririnig din natin ang tinig ng Mabuting Pastol at maibabahagi ang Kanyang mga turo sa iba. Sinabi ni Pangulong Monson, “Tayo ang mga kamay ng Panginoon dito sa lupa, na inutusang maglingkod at tulungan ang Kanyang mga anak.”3

Tulad ng paghahanap ng isang pastol sa isang tupang nawawala, maaaring hanapin ng mga magulang ang isang anak na nalihis ng landas. Sabi ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Sa nagdurusang mga magulang na naging mabuti, masikap, at madasalin sa pagtuturo sa kanilang suwail na mga anak, sinasabi namin sa inyo, binabantayan sila ng Mabuting Pastol. Batid at nauunawaan ng Diyos ang matindi ninyong hapis. May pag-asa.”4

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Mga Tahanang Banal, mga Walang Hanggang Pamilya,” Liahona, Hunyo 2006, 70.

  2. Elizabeth Ann Whitney, sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society (2011), 152.

  3. Thomas S. Monson, “Ano ang Nagawa Ko Ngayon para sa Isang Tao?” Liahona, Nob. 2009, 86.

  4. James E. Faust, “Ang mga Nawawalay Kanyang Hinahanap Din,” Liahona, Mayo 2003, 68.