Paano Punuin ang Inyong Aklat ng Buhay
Mula sa Church Educational System fireside na ibinigay noong Nobyembre 1, 1992.
Narito ako upang magtanong sa inyo tungkol sa mga walang-hanggang alaalang nililikha ninyo sa inyong buhay. Sinusundan ba ito ng mga salitang “Sana ginawa ko iyon,” o masasabi ba ninyong, “Natutuwa ako’t ginawa ko iyon”?
Sa paggunita sa nakaraan, kung makakapili tayo ng isang alituntunin na lalong makakaragdag sa mga alaalang “Natutuwa ako’t ginawa ko iyon,” ano kaya iyon? Iyon ay ang alituntunin ng pagsunod.1
Lahat tayo ay sumusulat araw-araw sa ating aklat ng buhay. Paminsan-minsan ay sinusuri natin ang isinusulat natin doon. Anong uri ng mga alaala ang mag-uumapaw sa inyong isipan kapag sinuri ninyo ang mga isinulat ninyo? Ilang pahina ang maglalaman ng “Sana ginawa ko iyon”? May nakasulat ba roon tungkol sa pagpapaliban at kabiguang samantalahin ang mga natatanging pagkakataon? May makikita ba kayong nakasulat na kawalan ng malasakit sa pamilya, mga kaibigan, o maging sa mga hindi kakilala? May nakasulat ba roon tungkol sa pagsisisi dahil sa nagawang kasamaan at pagsuway?
Mabuti na lang, bawat araw ay may malinis at maputing pahina kung saan ang mga isinulat na “Sana ginawa ko iyon” ay magagawang “Natutuwa ako’t ginawa ko iyon” sa pamamagitan ng pagkilala, taos-pusong pagsisisi, at pagsasauli. Ang mga nadamang kalungkutan sa mga nagawa noon o lumagpas na mga pagkakataon ay mahihigitan ng mga alaalang puno ng katuwaan, sigla, at kagalakan sa buhay.
Kapag sinuri ninyo ang mga alaalang isinulat ninyo sa inyong aklat ng buhay, makikita ba ninyo ang mga bagay na ipinagbilin ng Panginoon sa pagiging masunurin sa Kanyang mga batas? Mayroon kaya roong mga sertipiko ng binyag, ordinasyon sa Aaronic at Melchizedek Priesthood para sa mga kabataang lalaki at mga sertipiko ng Pagkilala sa Pagdadalaga para sa mga kabataang babae, at, mangyari pa, isang liham ng marangal na release mula sa full-time mission? Mayroon kaya roong mga current temple recommend, resibo sa ikapu, sertipiko ng kasal na isinagawa sa banal na templo, at pagtanggap sa mga tungkulin sa priesthood at auxiliary?
Ang payo ko sa inyo ay punuin ang inyong alaala at inyong aklat ng buhay ng pinakamaraming aktibidad na “Natutuwa ako’t ginawa ko iyon” na maisuisulat ninyo (tingnan sa Mosias 2:41).
Maging tapat at magkaroon ng disiplina na maghangad ng magagandang karanasang hahantong sa kalayaan at buhay na walang hanggan. Pinatototohanan ko sa inyo na ang Diyos ay buhay. Sa pagsunod sa Kanyang batas, masusumpungan natin ang tunay na kaligayahan dito sa mundo at mga walang-hanggang pagkakataon sa buhay na darating.