2014
Bakit Mahalaga ang Pagpili
Pebrero 2014


Bakit Mahalaga ang Pagpili

illustration of boy with possible choices behind him.

Ang personal kong mga mithiin

Mga paglalarawan ni Allen Garns

Araw-araw ay may gagawin kayong mga pagpili. Ang ilan sa mga pagpiling iyon ay walang gaanong kinalaman sa inyong walang-hanggang kaligtasan (“Anong kulay ng kamiseta ang isusuot ko?”), at ang ilan sa mga ito ay napakahalaga sa inyong walang-hanggang kaligtasan (“Susuwayin ko ba ang utos na ito?”). Kung minsan ay maiisip ninyo, “Talaga bang mahalaga ang aking mga pagpili?” O maaaring maisip pa ninyo, “Kung walang nakakaalam sa ginagawa ko, talaga bang may naaapektuhan sa mga desisyon ko?” Ang sagot ay oo! Talagang mahalaga ang mga desisyon.

Bakit Mahalaga ang mga Ito

Para maunawaan kung bakit mahalaga ang inyong mga pagpili, balikan natin ang buhay bago tayo isinilang. Nang ilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan, hindi lahat ay sumang-ayon. Tumutol si Lucifer sa plano at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3). Dahil dito, siya ay naging si Satanas at siya at yaong mga sumunod sa kanya ay pinalayas sa langit at pinagkaitan ng pagkakataong umunlad sa pamamagitan ng pagparito sa mortalidad. Ang kalayaan ay napakahalaga sa plano ng Diyos kaya pinalayas sa langit ang mga naghangad na wasakin ito!

Ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong pumili para sa ating sarili dahil iyan lamang ang paraan para tayo matuto, umunlad, at maging higit na katulad Niya. Ang isa sa mga layunin ng buhay ay ang matutong gamitin nang matalino ang ating kalayaan. Ngunit hindi tayo binigyan ng kalayaan para lang gawin ang gusto natin. Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, “Habang narito sa lupa, sinusubukan kayo upang makita kung gagamitin ninyo ang inyong karapatang pumili para ipakita ang pagmamahal ninyo sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan.”1 Ang pagpiling sundin ang mga kautusan ay nagpapakita sa Diyos na mahal natin Siya at handa tayong sumunod sa Kanya. Ang mga pagpiling ginagawa natin—pati na ang ating saloobin sa paggawa ng mga desisyong iyon—ay malaking bahagi ng pagsubok sa mortalidad.

Pagpili ng Mabuti

Paulit-ulit kayong naturuan na ang pagpiling suwayin ang mga utos ng Diyos ay may masamang ibinubunga. Ngunit naisip ba ninyo na totoo rin iyan sa pagpili ng mabuti? Itinuturo sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Bagama’t malaya kayong piliin ang gusto ninyong gawin, wala kayong layang piliin ang mga resulta nito. Mabuti man o masama, kusang darating ang mga resulta ng mga pagpiling ginagawa ninyo.”2

Kaya ano ang mga bunga ng pagpili ng mabuti? Marahil ay makakagawa kayo ng mahabang listahan ng mga pagpapalang nagmumula sa pagpili ng mabuti. Ang isang magandang lugar na mahahanapan ng mga pagpapalang ito ay sa mga banal na kasulatan at sa inyong buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Halimbawa: “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (D at T 14:7); “Ang paggalang sa Sabbath ay lalong magpapalapit sa inyo sa Panginoon at sa inyong pamilya”3; o “Kapag sinunod ninyo ang [Word of Wisdom], mananatili kayong ligtas sa mga nakapipinsalang pagkalulong at makokontrol ninyo ang inyong buhay.”4 Tila malalaking pagpapala ang mga iyon, at mas marami pa kayong makikita.

Sinabi ng Panginoon na tayo ay “nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban,” at nangako Siya na maaari nating “isakatuparan ang maraming kabutihan” kapag ginawa natin iyon (D at T 58:27). Kaya hindi lang natin dapat iwasan ang masasamang bagay kundi aktibo rin nating hangaring gawin ang mabubuting bagay.

Kung minsan ay lubha tayong nag-aalala tungkol sa lahat ng bagay na hindi natin nararapat gawin kaya nalilimutan natin na ang pagsunod ay kinabibilangan din ng paggawa ng mga bagay na nararapat nating gawin. Marahil ay nauunawaan ninyo na ang pagpiling labagin ang mga kautusan ay may masamang epekto sa inyong buhay, ngunit nauunawaan din ba ninyo na ang pagpiling gumawa ng mabubuting bagay ay may mabuting epekto sa inyong buhay at sa buhay ng iba?

Mamuhay nang May Layunin

Kaya paano ninyo matitiyak na mabuti ang pinipili ninyo? Una, isipin kung ano ang gusto ninyo sa inyong buhay. Gusto ba ninyo ng buhay na walang hanggan? Gusto ba ninyong mabuklod sa templo? Gusto ba ninyong maglingkod sa full-time mission? Gusto ba ninyong magtapos sa kolehiyo at magkaroon ng magandang trabaho? Kung gayon, paano ninyo ito matatamo? Tulad ng mga tagapagtayo na kailangan ng isang plano para makagawa ng skycraper, kailangan ninyo ng isang plano para maging matwid ang inyong pamumuhay.

Isulat ang ilan sa inyong mga mithiin at kung paano ninyo planong makamtan ito. Ilagay ang listahang iyan kung saan ninyo ito makikita nang madalas. Pagkatapos kapag kailangan ninyo talagang pumili, maaari ninyong isipin ang inyong listahan para matiyak na hindi ninyo ipagpapalit ang pinakagusto ninyo sa isang bagay na gusto ninyo ngayon. Ang pagtatakda ng mga mithiin ay ginagawa ring sadya at kusa ang inyong mga pagpili sa halip na pabigla-bigla, kaagad-agad, o batay sa mga sitwasyon.

Paano talaga ito naisasagawa? Sabihin natin na isa sa inyong mga mithiin ang maglingkod sa full-time mission. At tuwing umaga mapipili ninyong gumising nang maaga para sa early-morning seminary o matulog nang isang oras pa. Alin sa mga pagpipiliang iyon ang tutulong sa inyo na maabot ang inyong mithiin? O siguro mithiin ninyong mabasa ang buong Aklat ni Mormon bago matapos ang school year. Pagkatapos, kapag nakauwi na kayo mula sa paaralan o bago matulog, mapipili ninyo kung magbabasa kayo ng mga banal na kasulatan o gagawa ng ibang aktibidad, tulad ng panonood ng paborito ninyong palabas sa TV. Ano ang pipiliin ninyo? Ang mga pagpiling gaya nito ay nasa harapan ninyo araw-araw. Ang pagsasaisip sa inyong mga mithiin ay tutulong sa inyo na gumawa ng mga desisyong aakay sa inyo sa mga bagay na talagang gusto ninyo.

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 2.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 2; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 31.

  4. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 25.