“Paghahanap kay Cristo sa Pasko,” Liahona, Dis. 2022.
Welcome sa Isyung Ito
Paghahanap kay Cristo sa Pasko
Gusto namin ang Kapaskuhan dahil sa maringal na pinagmulan nito. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “kailangan tayong magtuon sa Tagapagligtas,” na ang pagsilang ay ipinagdiriwang natin (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41).
Sa isyung ito, sa kanyang mensahe na “Ang Ipinangakong Mesiyas,” inanyayahan tayong lahat ni Pangulong Henry B. Eyring na hanapin si Cristo sa mga pagdiriwang natin ng Pasko: “Sa gitna ng ating paggunita, nagpapasalamat tayo sa Diyos para sa maluwalhating kaloob na ‘tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan’ (Isaias 9:6)” (tingnan sa pahina 4).
Ang pag-aaral ng Lumang Tipan sa taong ito ay nagbigay-inspirasyon din sa atin na hanapin si Cristo sa lahat ng ating ginagawa. Napansin namin ang mga simbolo ng ating Tagapagligtas mula sa Lumang Tipan nang tumingin at makinig kami nang may espirituwal na mga mata at tainga. Anong magagandang simbolo ng ating Tagapagligtas ang nakita ninyo sa inyong pag-aaral?
Naniniwala kami na ang paghahanap kay Cristo sa ating mga kaugalian sa Pasko, tradisyon, at pagdiriwang ay lumilikha ng walang-hanggang patotoo at di-malilimutang mga alaala. Tinutulungan tayo nitong maranasan ang buong diwa ng kagalakan at pagmamahal na matatagpuan sa Pasko. Umaasa kami na ang mga ideya sa Pasko na ibinabahagi namin sa mga pahina 8–9 ay maaaring makatulong para mapagtuunan ninyo si Jesucristo. Nawa’y hangarin nating lahat na magkaroon ng patotoo tungkol sa ipinangakong Mesiyas sa mga tanawin, tunog, at pagdiriwang ng Pasko sa taong ito at sa tuwina.
Maligayang Pasko, mahal naming mga kaibigan!
Larry at Lisa Laycock, Utah, USA