2022
“Lagi Tayong Patuloy na Matututo”
Disyembre 2022


“Lagi Tayong Patuloy na Matututo,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Pagpapala ng Self-Reliance

“Lagi Tayong Patuloy na Matututo”

Malaki ang nagawang kaibahan ng edukasyon para sa pamilya Carvalho, na itinuring ang edukasyon bilang angkla sa kanilang buhay.

Larawan
salansan ng mga aklat

Noong 18 taong gulang si Raimundo Carvalho, namatay ang kanyang ama. Ang kanyang ama ay dating nagtrabaho bilang labandero ng ibang mga pamilya. Ngayo’y wala na ang kaunting kitang iyon.

“Ako ang panganay, ang nag-iisang anak na lalaki, na may apat na nakababatang kapatid na babae. Dahil diyan, kinailangan kong tulungan ang aking ina sa pagtataguyod sa pamilya,” paggunita niya. “Dumanas kami ng maraming problema at napakahirap talaga namin.”

Si Raimundo ay natutong gumawa ng sapatos. Gayunman, hindi nagtagal, tila imposible na pagsabayin ang pag-aral at pagtatrabaho para sapat na maibigay ang tulong na kailangan ng kanyang ina. “Ang pangangalaga sa pamilya ang dapat unahin,” sabi niya. “Natapos ko ang mga klase ko noong taong iyon at tumigil na ako sa pag-aaral.”

Sa kanyang kalooban, alam niya na babalik siyang muli sa paaralan. Pero kailan at paano?

Patuloy siyang nagtrabaho, at nakaraos ang pamilya.

“Pagkatapos ay nakilala at pinakasalan ko ang magandang babaeng ito,” sabi niya, na nakangiti sa kanyang asawang si Eréroythe. “At bumuo kami ng sarili naming pamilya. Ngayon ay may tatlo na kaming anak at tatlong apo.”

Si Eró, na palayaw ng kanyang asawa, ay hinikayat si Raimundo na bumalik sa pag-aaral. “Pero dahil sa mga responsibilidad ko bilang asawa at ama,” sabi ni Raimundo, “alam kong hindi ko maipagpapatuloy ang edukasyong gusto ko noong panahong iyon. Hindi ko kinalimutan ang pangarap ko—ipinagpaliban ko lang ito. Naging isang bagay ito na gagawin ko sa hinaharap.”

Ang magagawa niya, napagtanto niya, ay hikayatin ang kanyang asawa at mga anak sa kanilang pag-aaral.

“Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan,”1 sabi niya. “Sinasabi rin nila na dapat nating palakihin ang ating mga anak sa liwanag at katotohanan2 at dapat tayong maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.3 Ang mga alituntuning ito ay naging mga pamantayan para sa aming pamilya.”

Pagsisikap na Makapag-aral Ngayon

Ngayon, si Raimundo ay 62. At ano ang nangyari sa pangarap na ipinagpaliban niya? Sa wakas ay matutupad na ito. Kamakailan ay nagtapos siya sa hayskul. Higit pa rito, naghahanda siyang pumasok sa kolehiyo. “Kailangan kong kumuha ng mahirap na pagsusulit para makapasok,” sabi niya. “Pero gusto kong makita ng mga tao, matanda at bata, na maaari silang magtakda ng mithiin at makamit ito.”

Ang asawa at mga anak ni Raimundo ay nag-aaral din.

“Nang magsimula ako sa kolehiyo ilang taon na ang nakararaan,” sabi ni Eró, na 57 taong gulang, “walang sinuman sa pamilya ang nakapagtapos ng anumang mataas na edukasyon. Ngunit naniwala ako na kapag nadaig ang limitasyong ito, pupunuin ng edukasyon ang aming tahanan. Dahil dito ay magiging mas mabuti ang mga bagay-bagay sa hinaharap. Pagluluto ang pinagkakakitaan ko, at nagluluto ako dahil mahilig akong magluto. Pero naisip ko na may iba pa akong puwedeng matutuhan, at gusto rin ng anak kong si Dielle na mas matuto pa.”

Sumali sila sa isang self-reliance group ng Simbahan, at iminungkahi ng facilitator na mag-apply sila ng pautang sa Perpetual Education Fund. “Inaprubahan ang mga pautang,” sabi ni Eró. “Kaya, nag-enrol kami sa unibersidad para mag-aral ng gastronomy. Pareho ang kinuha naming kurso, kaya mag-ina kaming pumapasok sa paaralan. Maghapon kaming magluluto ng pagkain para kumita, pagkatapos ay papasok kami sa unibersidad sa gabi.” May mga araw na nagsisimula nang magtrabaho si Eró nang 5:00 n.u.,at magtatrabaho siya buong araw, pagkatapos ay papasok na sa klase nang alas-8:00 ng gabi.

Inaamin niyang nakakatulog siya kung minsan. “Mahirap talaga,” sabi niya. “Pero kailangan mo lang magtiwala na tutulungan ka ng Panginoon, at magpatuloy ka.”

Larawan
mag-asawa sa araw ng pagtatapos

Sina Raimundo at Eró Carvalho noong araw na natanggap ni Eró ang kanyang degree sa gastronomy.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Carvalho

Ngayon ay kapwa nakatapos na ang mag-ina. Hindi na nagtatrabaho si Eró sa isang restawran. May sarili na siyang negosyo at sa bahay na nagtatrabaho. “Pareho pa rin kaming nagluluto, pero mas kwalipikado kami at mas maraming pagkakataong umasenso. Sapat na ang kita namin para mabayaran ang aming mga utang, at kumukuha si Dielle ng master’s degree sa event management!”

Larawan
dalagang nakangiti

Si Dielle ay kumukuha na ngayon ng master’s degree.

Ipinaliwanag din ni Eró, “Ang aming anak na si Odirlei, bagama’t nakakulong, ay nagtatapos ng online degree sa accounting at tinanggap sa isang napakagaling na federal university agronomy program. Naghihintay siya ng desisyon ng hukom na maaaring magtulot sa kanya na makadalo nang personal sa mga klase. Hinihikayat namin siyang gamitin ang kanyang oras sa pag-aaral, maging kwalipikado, para kapag nakalabas na siya nang permanente, magkakaroon siya ng mas magandang buhay. Natutuhan niya na ang edukasyon ay nagbibigay ng pagkakataong lumikha ng bagong realidad, at alam niya na alam ng Diyos kung ano ang maaari niyang kahinatnan.”

Ipinahayag ni Eró, “Malaki ang nagagawang kaibhan ng edukasyon para sa aming pamilya. Hindi lamang ito kaalaman; ito ay angkla sa aming buhay.” At binanggit ni Raimundo na ang kanyang ina, na hindi halos nakapag-aral, ay natutong magbasa at sumulat sa kanyang katandaan.

Larawan
aklat na nakabukas

“Ang pag-aaral at pananampalataya ay naging mga pamantayan para sa aming pamilya,” sabi ni Raimundo.

Isa pang Uri ng Kaalaman

Alam din nina Raimundo at Eró ang tungkol sa isa pang uri ng edukasyon—espirituwal na kaalaman.

“Mga 30 taon na ang nakararaan,” sabi ni Raimundo, “hindi kami aktibo sa Simbahan. Pero sinabi ng bishop namin na iinterbyuhin niya kami ni Eró. Inanyayahan niya kaming dumalo sa klase tungkol sa walang hanggang kasal, at dahil sa klaseng iyon, bumalik kami sa Simbahan at magkasama kaming nag-aral at natuto at nagpatatag ng aming patotoo. Makalipas ang isang taon, nabuklod kami sa aming pamilya sa São Paulo Brazil Temple.”

Ngayon ay nakapaglingkod na sila sa kanilang ward at stake nang ilang dekada, “at pinag-aaralan pa rin namin ang ebanghelyo, at mas marami pa rin kaming natututuhan,” sabi ni Raimundo.

“Kahit tumanda na tayo,” sabi ni Eró, “kailangan nating patuloy na matuto. Partikular na kailangan natin na magpatuloy na magtamo ng espirituwal na kaalaman. Lahat ng ito ay bahagi ng plano na pang-walang hanggan.”

Sinabi ni Raimundo na gustung-gusto niya ang siping ito mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Likas sa ating mga tao na unahin ang pag-aaral at pagtatamo ng kaalaman. Gusto natin at dapat na maging mahusay tayo sa ating pag-aaral at trabaho. Pinupuri ko kayo sa pagsisikap ninyong magtamo ng edukasyon at maging mahusay sa inyong trabaho. Inaanyayahan ko kayo na maging mahusay rin sa mga doktrina ng ebanghelyo.”4

At gustung-gusto rin ni Raimundo ang banal na kasulatang ito:

“Anumang alituntunin ng katalinuhan ang ating matamo sa buhay na ito, ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli.

“At kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.”5

“Ang banal na kasulatang iyon ay naghihikayat sa akin,” sabi niya. “Nagdudulot ito sa akin ng kaligayahan na malaman na marami pang darating. Gumigising ako nang maaga at pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay nasisiyahan akong magtrabaho dahil may natutuhan ako nang maaga sa umaga.”

Ibahagi ang Natutuhan Mo

Hindi pa katagalan, tinawag sina Raimundo at Eró upang payuhan ang mga young single adult ng kanilang rehiyon.

“Napakaganda niyon!” Sabi ni Eró. “Tinatanggap namin ang kanilang positibong lakas, at binibigyan namin sila ng karunungan. Para itong perpektong koneksyon. Hindi kami pinaghihiwalay ng edad. Pinagsasama-sama kami ng pagnanais na humusay. Nalaman namin na matuturuan nila kami ng mga kasanayang hindi pa namin natututuhan. At bilang kapalit, mabibigyan namin sila ng karanasan sa buhay at matutulungan silang maunawaan kung paano mas madaragdagan ng edukasyon ang kakayahan nilang maging self-reliant. Narito kami para suportahan ang isa’t isa at matuto sa isa’t isa.”

“Napakaganda ng pagkakataong mayroon kami ngayon,” sabi ni Raimundo, “para tulungan ang mga kabataan na makita kung paano sila matutulungan ng edukasyon na maging self-reliant. Ngunit umaasa ako na matutulungan din namin silang maunawaan na ang kaluwalhatian ng Diyos ay katalinuhan. Palagay ko lahat tayo ay may hangaring matuto. Naniniwala ako na lagi tayong patuloy na matututo.”

Print