“Pinalakas ng Halimbawa ni Maria,” Liahona, Dis. 2022.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinalakas ng Halimbawa ni Maria
Ipinaalala sa akin ni Maria na sa halip na mag-alala, maaari kong piliing magtiwala sa Diyos at sa Kanyang plano para sa akin.
Alam ng sinumang nakapaglingkod na sa misyon na ang inaasahang tawag sa telepono para sa paglipat ay nakababalisa. Ang inaasahang matawagan ng bago kong mission president ay nakababalisa para sa akin.
Inisip ko kung saan ako maglilingkod at kung sino ang magiging bagong kompanyon ko. Inisip ko rin kung ano kaya ang ugali ng bagong mission president ko at kung paano niya gagawin ang mga bagay-bagay.
Isang umaga habang papalapit ang mga paglilipat, nabasa ko ang salaysay tungkol sa pagpapakita ni anghel Gabriel kay Maria. Nagulat ako sa patotoong ibinahagi sa kanya ni Gabriel: “Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.” (Lucas 1:37). Namangha rin ako sa mapagpakumbabang tugon ni Maria: “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita” (Lucas 1:38).
Tiyak na labis na natakot si Maria sa hinaharap. Ano ang gagawin ni Jose? Ano ang iisipin ng iba? Subalit nagpasakop si Maria sa Diyos at sa Kanyang plano para sa kanya.
Natanto ko na nang harapin ko ang sarili kong takot, gusto kong maging katulad ni Maria. Gusto kong sabihin sa sarili kong paraan, “Narito ako na alipin ng Panginoon.” Gusto kong gawin ang anumang ipinagagawa sa akin ng Diyos at humayo saanman Niya ako tawagin. Napanatag ako sa paalala ni Gabriel na sa Diyos, lahat ng bagay ay posible.
Sa buong linggong iyon, tuwing pumapasok sa isip ko ang mga pagkabalisa, iniisip ko si Maria. Ang kanyang halimbawa ay nagbigay sa akin ng tapang at lakas na isantabi ang aking mga alalahanin.
Ipinakita ng ating Tagapagligtas ang ganito ring saloobin ng pagpapakumbaba at lakas nang sabihin Niya sa Halamanan ng Getsemani, “Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari; ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo” (Marcos 14:36; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa sandaling iyon, kinilala ng Tagapagligtas na lahat ng bagay ay posible sa Diyos. Ngunit tulad ng Kanyang ina, nagpasakop at nagtiwala Siya sa kalooban ng Kanyang Ama.
Nagkaroon ako ng magagandang karanasan sa bago kong kompanyon sa bago naming area. Ngayo’y nahaharap ako sa mas nakakatakot na pangyayari na walang nakaaalam. Ngunit kapag naaalala ko si Maria—at ang aking Tagapagligtas—naalala ko na sa halip na mabalisa, mapipili kong magtiwala sa Diyos at sa Kanyang plano para sa akin. Kapag iniutos Niyang gawin ko ang isang bagay na mahirap, mahaharap ko ang gawaing iyon nang may pananampalataya dahil walang imposible sa Kanya.