2022
“Lumapit kay Cristo”—Paano Talaga Natin Ginagawa Iyan?
Disyembre 2022


Mga Young Adult

“Lumapit kay Cristo”—Paano Talaga Natin Ginagawa Iyan?

Noon pa man ay hinihikayat na tayong hanapin si Cristo at humugot ng lakas sa Kanya para sa ating buhay, ngunit hindi ko alam noon kung paano lubos na tatanggapin ang paanyayang iyon.

ang Tagapagligtas na nakatingala

Look to God and Live [Umasa sa Diyos at Mabuhay], ni Dan Wilson, sa kagandahang-loob ng Havenlight

Mahirap na panahon ito sa mundo ngayon. Bagama’t maraming mabubuting bagay sa paligid natin, kung minsan ay nakikita ko ang aking sarili na natatakot at napapagod. Ang pagharap sa kalupitan ng mundo at sa mga kalamidad na tila kabi-kabila ay nakakapagod.

Mabuti na lamang, pinagpala tayong malaman na ang Tagapagligtas ay maaaring pagmulan ng kapanatagan sa madidilim na panahon. Marahil ito ang isang dahilan kung bakit paulit-ulit tayong inaanyayahan ng mga banal na kasulatan na “l[umapit kay Cristo]” (3 Nephi 9:14), na “magsilapit sa [Kanya]” (Doktrina at mga Tipan 88:63), at “Pumarito ka, sumunod ka sa [Kanya]” (Lucas 18:22). Madalas din nating natatanggap ang mga paanyayang ito sa pangkalahatang kumperensya at sa simbahan.

Bagama’t palagi kong sinisikap na tanggapin ang mga paanyayang ito, kung minsan ay iniisip ko kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng lumapit kay Cristo. Paano ko aanyayahan at matatamo ang Kanyang nakatutubos, nagpapagaling, at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan? Talaga bang nakakonekta ako sa kanya? Mayroon bang ilang lihim na pormula? Ngunit nang pagnilayan ko ang ilan sa mga naranasan ko noon, nalaman ko na may huwaran na makatutulong sa akin—at sa bawat isa sa atin—na lumapit kay Cristo.

Piliing maniwala sa Kanya

“Naniniwala ako kay Cristo; mapaano man ang buhay ko.”

Ito ang paborito kong linya mula sa paborito kong himnong, “Ako’y Naniniwala kay Cristo” (Mga Himno, blg. 76). Umiiyak ako tuwing naririnig ko ito! Isinulat ko pa nga ang mga titik na ito sa isang sticky note sa aking desk para makita ko araw-araw.

Isinulat ko ang mga titik na ito sa madilim na panahon sa aking buhay, noong nahaharap ako sa maraming hamon, dahil ipinaalala nito sa akin ang dalawang bagay: (1) ang Tagapagligtas ay totoo, at (2) dahil sa Kanya, wala akong dapat ikatakot. Gustung-gusto ko ang kapangyarihan ng mga simpleng katotohanang ito. At sa kasimplihan ng mga ito, nakikita ko na ang pagbaling kay Cristo ay maaari ding maging simple.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Piliing maniwala kay Jesucristo. …

“Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito.”1

Ang makapangyarihang mensaheng ito ay nagpapaalala sa akin na madalas nating ginagawang sobrang komplikado ang pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo. Nadadapa tayo at nagkakamali habang nagsisikap tayong alamin kung paano Siya hahanapin kapag humahantong na ang pananampalataya sa pagpili: sa pagpiling maniwala sa Kanya.

Kapag naiisip ko ang paglapit sa Tagapagligtas, madalas kong pagnilayan ang salaysay tungkol sa babaeng may sakit sa dugo (tingnan sa Marcos 5:25–34). Literal niyang inabot ang Tagapagligtas nang may pananampalataya, nananalig nang buong puso na mapapagaling siya ng Tagapagligtas kung mahahawakan lang niya ang Kanyang damit. At totoo nga, na noong hawakan niya Siya, agad niyang naranasan ang himala ng pagpapagaling.

Mangyari pa, hindi lahat ng ating mga kapighatian at kalungkutan ay agad mapapawi kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas. Ngunit tulad ng naranasan ng babaeng ito, na nanampalataya na Siya ay totoo, na kusang-loob Niyang isinakripisyo ang Kanyang buhay para sa atin, at na handa Siyang samahan tayo ay makahihikayat sa atin na lumapit sa Kanya at magsimulang madama ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay.

Hinihipo ni Jesus ang mukha ng isang babaeng nakaupo

Patuloy Siyang Hanapin

Ngunit hindi ito isang pagpiling ginagawa natin nang minsan lang—kailangan nating patuloy na hanapin Siya upang matamo natin ang Kanyang biyaya at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan sa buong buhay natin. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history.”2

Maaari din nating patuloy na hanapin Siya sa pamamagitan ng pag-anyaya sa Espiritu sa ating buhay. Sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, maaari tayong magkaroon ng miyembro ng Panguluhang Diyos na nananahan sa ating kalooban at mas lubos tayong makakaugnay sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Hindi ba’t kamangha-mangha iyan? Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang pinakamahalagang katotohanan na pagtitibayin sa inyo ng Espiritu Santo ay si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos.”3

Ang mga paggagambala ng mundo ay maaaring maging dahilan para madali nating makalimutan ang maliliit na gawaing naglalapit sa atin sa Tagapagligtas. Ngunit napapansin ko ang matinding pagkakaiba sa buhay ko kapag ako ay “[n]aglalaan ng panahon para sa Panginoon”4 araw-araw at kapag hindi ako naglalaan.

Sa kabila ng anumang problema na maaaring kinakaharap ko, kapag palagi akong nagdarasal, sumusunod sa mga pahiwatig, nag-uukol ng oras na basahin ang mga banal na kasulatan, tumutulong sa aking mga ninuno na gumawa ng mga tipan sa templo, at nagsisisi sa aking mga kasalanan, nakadarama ako ng lubos na kagalakan, tapang, tiwala, at, sa huli, kaligtasan sa buhay. Nadarama ko rin ang Espiritu, na tumutulong sa akin na madamang konektado ako kay Cristo.

Kilalanin ang Kanyang Kapangyarihan

Kamakailan ay naghanap ako sa isang journal ko na maraming taon ko nang iningatan para pagnilayan ang mga pagkakataon na umasa ako sa Tagapagligtas. Nabasa ko noong mawalan ako ng pag-asa nang masaksihan ko sa pamilya ang pagkalulong sa addiksyon, mawalan ng trabaho, dumaan sa mga panahon na walang kasiguruhan at kalungkutan, at magkaproblema sa aking pisikal at mental na kalusugan. Nabasa ko ang tungkol sa ilan sa pinakamahihirap na sandali sa buhay ko, nang madama kong nadurog ang aking espiritu dahil sa bigat ng aking mga hamon.

Ngunit habang pinagninilayan ko ang mga karanasang ito, napaluha ako nang ipakita sa akin ng Espiritu kung paano ako pinanatag at ginabayan ni Cristo sa aking mga pagsubok—hanggang sa ngayon! Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay ko, nakahanap ako ng labis na kagalakan. Naranasan ko ang nakapagpapagaling na balsamo ng pagpapatawad, nasaksihan ang mga himala, at natutuhan ko kung paano kumapit nang mahigpit sa pag-asa bawat araw—at alam kong iyon ay dahil sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Talagang tinutulungan Niya tayong madaig ang imposible.

Kung minsan maaari tayong maghintay ng nakapupuspos na katibayan ng Tagapagligtas sa ating buhay. Ngunit sa paggawa natin ng maliliit na pagsisikap na kumilos nang may di-perpektong pananampalataya, nang paisa-isang hakbang sa Kanyang patnubay, maaari nating makita na binibiyayaan Niya tayo ng kagalakan, lakas, at kabuhayan—at na kasama natin Siya sa tuwina. At kapag kinilala natin ang Kanyang kapangyarihan sa ating buhay, makikita natin na talagang lumalapit tayo kay Cristo.

Itinuro ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu, “Isang nag-iibayong pag-unawa na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay personal na angkop sa atin at tutulungan ang bawat isa sa atin na makilala Siya.”5 At totoo iyon! Ang pagninilay sa katibayan ng nakapagpapagaling at nakapagbibigay-kakayahan na kapangyarihan at perpektong pagmamahal ng Tagapagligtas sa buhay ko ay nakatulong sa akin na mapalalim ang aking pasasalamat sa Kanya at katapatan na maging higit na katulad Niya.

babaeng young adult na nagninilay habang nakabukas ang mga banal na kasulatan sa kanyang harapan

Larawang kuha ni Catherine Frost

Pagtanggap sa Paanyaya

Ang paanyayang “lumapit kay Cristo” ay tunay na kasingsimple ng tunog nito. Para sa akin, nagsisimula ito sa pagpiling maniwala sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagpapatuloy na hanapin Siya sa maliliit na paraan upang mapanatili sa aking piling ang Kanyang Espiritu, at paghahanap ng katibayan ng Kanyang kapangyarihan sa aking buhay.

Inaanyayahan ko kayo—lalo na sa Kapaskuhang ito—na tuklasin kung paano makatutulong sa inyo nang personal ang paglapit kay Cristo. Ang isa sa mga gawain ng Espiritu ay “[ipa]alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).

Ang Tagapagligtas ay matiyagang naghihintay sa atin na sumunod sa Kanya noon pa man. At kapag ginawa natin ito, iuunat Niya ang Kanyang mga kamay at tutulungan tayong maging higit pa sa kung ano tayo ngayon.

Oo, ang mundo ay lalong nagiging maligalig, at ang hinaharap ay tila nakakatakot at walang katiyakan. Ngunit ipinaalala rin sa atin ni Pangulong Nelson kung ano ang tiyak: Kapag matibay na nakatayo ang inyong espirituwal na pundasyon kay Jesucristo hindi kayo kailangang matakot.”6

At talagang pinaniniwalaan ko iyan nang buong puso ko.