Mga Young Adult
Pagtatayo ng Ating Saligan sa Pamamagitan ng Maliliit at mga Karaniwang Bagay
“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Mayroon akong palamuting bituin na plastik sa kwarto ko na inuwi ko galing sa aking misyon. Gustung-gusto ko ang hitsura nito kapag umiilaw. Nakasabit ang munting bituing ito sa dingding para makita ko gabi-gabi kapag matutulog ako at una kong makikita paggising ko.
Kamakailan napansin ko na hindi na gaanong nakadikit sa dingding ang bituin ko, pero hindi ko ito masyadong inisip. Tiwala ako na hindi ito malalaglag kahit isang piraso ng teyp lang ang nagdidikit dito.
Pagkatapos isang umaga wala sa dingding ang aking bituin—nalaglag ito. Nagpasiya akong gamitan ito ng mas maraming teyp. Sa pagkakataong ito gumamit ako ng limang piraso—isang piraso para sa bawat bahagi ng bituin—upang matiyak na hindi na ito muling malalaglag.
Noon ko natanto na ang aking munting maningning na bituin ay katulad ng bawat isa sa atin, at ang teyp na nagdidikit dito ay maaaring kumatawan sa ating mga espirituwal na gawi. Ang liwanag na nasa atin ay lubos na nakabatay sa mga bagay na ginagawa natin upang palakasin, o patibayin, ang ating mga patotoo. Bawat piraso ng teyp na ipinandidikit ko sa bituin ay nagpapaalala sa akin sa Alma 37:6: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”
Naisip ko rin kung paano ko napansin na malapit nang malaglag ang bituin ko nang ilang araw, pero wala akong ginawa para idikit ito hanggang sa tuluyang nalaglag na ito. At gayundin sa ating mga patotoo—kung magiging kampante tayo at kalilimutang gawin ang maliliit at espirituwal na gawain na makatutulong na mapanatiling malakas ang ating pananampalataya, maaaring humina ang ating patotoo.
Ngayon ay ipinapaalala sa akin ng bituin gabi-gabi na itanong sa aking sarili ang ilang bagay: Gaano karaming “espirituwal na teyp” ang isinuot ko ngayon? Sapat ba ang tibay ng pananampalataya ko para mailigtas ako sa espirituwal na pagbagsak? Nakikita ba ng iba ang Liwanag ni Cristo sa akin?
Kapag pinag-iisipan ko ang mga tanong na ito, nakikita ko kung paano ko mas mapapalakas ang aking patotoo kay Jesucristo. Nahikayat akong pag-isipan kung kaya ko bang pag-aralan nang mas malalim ang aking mga banal na kasulatan, magdasal nang mas palagian, magpunta sa templo nang mas madalas, o maglingkod sa aking tungkulin nang mas epektibo. Pinagninilayan ko kung ano ang mga tanong ko para sa Panginoon at kung paano ko matatagpuan ang katotohanan. At ginagabayan akong gumawa ng maliliit na pagbabago para mas lubos na maanyayahan ang Espiritu sa aking buhay.
Palagi tayong pipilitin ng kaaway na ilihis sa paggawa ng maliliit at espirituwal na bagay na ito o kaya’y kumbinsihin tayo na sapat na ang kaunting pagsisikap para manangan tayo sa ating mga patotoo. Ngunit ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na kailangan nating masigasig na patibayin ang ating pananampalataya: “Sumasamo ako sa inyo na maglaan ng panahon para sa Panginoon! Patibayin at gawing hindi matitinag sa pagdaan ng mga panahon ang inyong pundasyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na magpapahintulot na tuwina ninyong makasama ang Espiritu Santo.”1
Tulad ng mga ekstrang piraso ng teyp na nakatulong para hindi malaglag ang aking munting bituin, ang paglalagay ng mga piraso ng “espirituwal na teyp” at pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu ay tutulong sa atin na manatiling malapit sa Tagapagligtas, ang pundasyon ng ating pananampalataya, at malabanan ang hatak ng kaaway. Binigyang-diin ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang kahalagahan ng maliliit na bagay: “Ang kagaanan ng paraan o kadalian ng iniutos na gawain ay hindi nangangahulugang hindi mahalagang kamtin ang mabuti nating hangarin.”2
Tulad ng nakasaad sa Alma 37:6, matutulungan tayo ng Diyos na magkamit ng mga dakilang layunin sa pamamagitan ng maliliit nating pagsisikap na mas mapalapit kay Cristo. Mapag-iibayo Niya ang ating mga simpleng gawi tulad ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdalo sa templo para bigyan tayo ng lakas na kailangan natin upang madaig ang kaaway at iba pang mga balakid sa ating buhay. Kung gagawin natin ang maliliit at simpleng bagay na ito, maaari tayong maging matatag sa ating pananampalataya. Tulad ng munting bituin ko, ang ating pundasyon kay Cristo ay mananatiling matibay habang patuloy tayong sumusulong sa landas ng tipan.
Ang awtor ay naninirahan sa Pescara, Italy.