2022
Paglilingkod sa Ngalan ni Jesucristo
Disyembre 2022


Digital Lamang

Paglilingkod sa Ngalan ni Jesucristo

Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.

Gusto kong maging kahalintulad ng pagmamahal at paglilingkod ng Tagapagligtas ang paglilingkod at pagmamahal na ibinibigay ko.

Larawan
mga kamay na nagbabalot ng mga Pamaskong regalo

Ang lola ko ang pinakamahusay magregalo. Ang mga regalo niya ay pinag-isipan nang mabuti, at bawat regalo niya ay nakabalot sa magandang pambalot na may nakataling laso na bagay na bagay dito. Ang pagpunta sa bahay niya tuwing Pasko ng umaga ay parang paglalakad papunta sa pagawaan ni Santa. Ang regalo niya ang regalo na kasasabikan mong matanggap sa Pasko at maging sa bawat kaarawan. Gayunpaman, hindi ko maalala ang lahat ng regalong ibinigay niya sa akin. Ang espesyal ay ang paraan ng pagbibigay niya sa mga iyon.

Noong huling bahagi ng 2016, natuklasan na may kanser si Lola. Ang babaeng ito na napakahusay magregalo tuwing Pasko ay maoospital sa paborito niyang araw ng taon. Nag-alala ako kung paano iyon makakaapekto kay Lola, kaya nadama ko na dapat kong tawagan ang nanay ko at tanungin siya kung paano ko matutulungan si Lola sa kanyang mga regalo. Dahil kilala ko si Lola, alam ko na matagal na siyang nakapagplano para sa Pasko at malulungkot siyang hindi maisagawa ang mga iyon. At totoo nga, sinabi ni Inay na nakabili na ng mga regalo si Lola.

Kami ang inutusan ng lolo ko na balutin at ihanda ang mga regalo para sa bawat isa sa labintatlong apo at asawa, pati na sa mga regalo para sa mahigit dalawampu’t pitong apo-sa-tuhod. Maingat kong pinili ang mga gift bag, tissue paper, at mga sobre.

Tiningnan ko ang isang kard mula sa nakaraang taon para maalala ang kanilang taunang mensahe: “Nagmamahal nang Walang Hanggan, Lola at Lolo.” Sa pahintulot nina Lolo at Lola, ginawa ko ang lahat para likhaing muli ang kanilang mensahe. Sinikap kong balutin ang mga regalo na tulad ng ginawa ni Lola. Gusto kong maging perpekto ang lahat—na gawin iyon na tulad ng gagawin niya.

Noong nangangalahati na ako sa tumpok ng mga bag, glitter, at card, ibinulong sa akin ng Espiritu, “Bahagi ito ng kahulugan ng taglayin sa iyong sarili ang pangalan ng isang tao. Bahagi ito ng kahulugan ng gawin ang mga bagay-bagay sa ngalan ng isang tao.” Sa pagsisikap na magbigay na tulad ni Lola, mas napalapit ako sa kanya. Naisip ko pang lalo ang kahulugan ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.

Sa binyag, nakipagtipan akong taglayin sa aking sarili ang pangalan ni Jesus at “lagi [S]iyang aalalahanin” (Moroni 4:3). Bawat linggo sa oras ng sakramento, pinaninibago ko ang tipang iyon at nagsisimula akong muli. Mas personal sa akin ang paanyayang iyan ngayon. Mas nauunawaan ko kung paano kinapapalooban ng pamumuhay nang tulad Niya ang pagtataglay natin ng pangalan ni Cristo.

Alam ko kung paano nagbigay si Lola dahil nakatanggap ako ng kanyang pagmamahal at pagkamaalalahanin nang napakaraming beses. Alam ko kung paano nagmamahal at nagbibigay ang Ama sa Langit at si Jesus dahil palagi kong nasasaksihan ang Kanilang mga pagpapala sa buhay ko.

Tumatanggap ako ng biyaya ni Cristo. Nais kong gawin ang gagawin Niya. Gusto ko na ang buhay ko, ang paglilingkod na ibinibigay ko, at ang pagmamahal na ibinabahagi ko ay maging katulad ng sa Kanya—na madama na parang nagmula iyon sa Kanya. Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod kay Lola at, sa paggawa niyon, na mas maunawaan ang mga kaloob na naibigay sa akin ng Tagapagligtas.

Print