2022
Pasko sa Israel
Disyembre 2022


“Pasko sa Israel,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pasko sa Israel

Nag-iisa kami at malayo sa aming tahanan, ngunit ilang araw bago sumapit ang Pasko, may kumatok sa pintuan namin.

cake na may prutas sa itaas

Noong Agosto 1977 lumipat kaming mag-asawa sa Rehovot, Israel, kasama ang aming tatlong anak, na pare-parehong wala pang anim na taong gulang. Hindi pamilyar ang wika, kakaunting tao ang nagsasalita ng Ingles, ang pagkain ay naiiba sa nakagawian naming kainin, at ang pamimili ay mahirap gawin. Marami kaming natutunan sa loob ng dalawang taon na nakatira kami roon.

Mabilis na lumipas ang panahon, at hindi nagtagal ay Disyembre na. Para sa karamihan sa mga tao sa bansa, ang Disyembre 25 ay isang pangkaraniwang araw lang. Ngunit para sa aming pamilya at sa maliit na bilang ng iba pang mga Kristiyano na naninirahan sa Israel, ito ay araw ng Pasko.

Nakilala namin ang isang mabait na mag-asawang Judio, sina Israel at Millie Jachobson. Nagpunta si Israel sa bansa bilang isang refugee mula sa kanyang katutubong Lithuania, at si Millie naman ay mula sa South Africa. Sila ay halos 70 taong gulang at nakatira sa isang maliit na apartment mga isang milya ang layo mula sa amin. Si Israel ay nagtatrabaho sa Weizmann Institute of Science, kung saan ay nagtatrabaho rin ang asawa ko. Mabait sila sa amin, at madalas na inaanyayahan kami sa kanilang apartment upang ipagdiwang ang iba’t ibang pista opisyal ng mga Judio.

Habang naghahanda kami para sa Pasko noong taong iyon, nais naming madama ng aming mga anak ang kahalagahan ng pagdiriwang ng pagsilang ng Tagapagligtas. Nakakita ako ng ilang brown na papel na pambalot at ginupit ito nang hugis Christmas tree. Kinulayan ito ng aming mga anak ng mga berdeng krayola. Pagkatapos ay nagdikit kami ng kendi sa aming paper tree bilang mga palamuti at idinikit ito sa dingding. Hindi namin inaasahan na maraming regalo ang mailalagay sa ilalim ng aming paper tree noong taong iyon. Nadama namin ang pag-iisa at malayo sa mga kakilala namin at mga bagay na pamilyar sa amin.

Isang gabi ilang araw na lang bago sumapit ang Pasko, may kumatok sa pintuan namin. Nang buksan namin ang pinto, nakita namin si Israel Jachobson na nakatayo roon, may hawak na cake. Alam nilang mag-asawa na mga Kristiyano kami at ang pagsilang ni Jesucristo ay mahalaga sa amin. Ginawa nila ang inakala nilang pinakamainam at ginawan kami ng cake para tulungan kaming ipagdiwang ang kaarawan ng Tagapagligtas. Nakaaantig na karanasan ito para sa aming buong pamilya.

Noong Paskong iyon masaya kaming bumisita sa Betlehem at sa mga bukirin sa paligid nito. Ngunit walang higit na nakaantig sa amin kaysa sa maalalahaning pagreregalo ng isang matalinong lalaki na nagngangalang Israel Jachobson at ng kanyang mabait at mapagmahal na asawang si Millie.