2022
Isang Liwanag na Hindi Kailanman Maglalaho
Disyembre 2022


Digital Lamang

Isang Liwanag na Hindi Kailanman Maglalaho

Ang matanto na taglay ko sa loob ko ang liwanag ni Cristo ay nakatulong sa akin na mapansin ang liwanag na nakapalibot sa akin sa labas.

isang babaeng nakaharap sa sikat ng araw na pumapasok sa bintana

Noong nakaraang taon, nakaranas ako ng dagdag na pagkabalisa at depresyon. Bagama’t palagi akong may problema sa kalusugang pangkaisipan, mas malala iyon sa pagkakataong ito. Kalaunan ay humingi ako ng tulong sa doktor, pero mahalagang bahagi rin ng aking paggaling ang paghingi ko ng tulong sa aking Tagapagligtas.

Habang nagdarasal ako para sa kaginhawahan, nakatanggap ako ng pahiwatig na maghanap ng liwanag sa mundo sa aking paligid. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. May mga pagkakataon na parang ang liwanag na natagpuan ko ay isang kislap na agad naglaho. Maraming beses, naisip ko na nakatayo ako sa kadiliman habang naghihintay sa susunod na pagsikat ng araw, batid na muli lang iyong maglalaho sa gabi. Ang liwanag ay parang panandalian at pansamantala.

Pagkaraan ng ilang buwan nito, napag-isipan ko nang malalim: ‘May liwanag sa kalooban ko.’ Itinuturo sa Doktrina at mga Tipan 88:13 na ang liwanag ni Cristo ay “nasa lahat ng bagay” (tingnan din sa talata 7). Hindi ko kailangang hanapin ang naglalahong mga sinag ng liwanag bawat araw. Maaari kong taglayin ang liwanag sa lahat ng oras.

Unti-unti kong nakita ang sarili ko na nagbabahagi ng isang parte ng banal na liwanag ng aking Ama sa Langit at ni Jesucristo, at natanto ko na mayroon akong liwanag na hindi maglalaho kailanman. Nang humingi ako ng tulong sa aking Tagapagligtas, natuklasan ko mismo na “dahil ang sansinukob ay puno ng liwanag ni Cristo, maaari tayong espirituwal na matuto, umunlad, at lumago.”1

Kapag pinag-iisipan ko ang Liwanag ni Cristo, naiisip ko na lahat tayo ay may kakayahang dagdagan ang liwanag na taglay na natin at na mahihikayat natin ang iba na gawin din iyon.