2022
Ang Pamaskong Regalo na Ayaw Kong Ibigay
Disyembre 2022


“Ang Pamaskong Regalo na Ayaw Kong Ibigay,” Liahona, Dis. 2022.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Pamaskong Regalo na Ayaw Kong Ibigay

Siguro hindi kami gustong makita ng lalaki, pero nagpasiya pa rin kaming magdala ng regalo.

lalagyan na puno ng popcorn

Noong nasa misyon ako sa North Carolina, USA, binisita namin ang isang lalaking tila mabait noong una ngunit kalaunan ay ipinagpilitang mali ang Aklat ni Mormon. Nagsabi rin siya ng iba pang mga negatibong pananaw tungkol sa Simbahan. Hindi naging maganda ang lesson namin. Nagbigay kami ng pangwakas na panalangin at umalis.

Matagal-tagal din akong nakaramdam ng di-maganda sa lalaking ito na hindi nararapat para sa isang missionary, pero kalaunan ay nalimutan ko na siya. Hanggang sa sumapit ang Pasko.

Bilang pamasko, may ilang miyembro ng Simbahan na nagbigay sa amin ng dalawang malaking supot ng popcorn na may flavor. Binuksan namin ang isang supot at nagsimulang kumain, pero nagsimula naming maisip ang lalaking binisita namin.

Habang nakasulyap kami sa pangalawang supot, naalala namin na mag-isa lang na namumuhay ang lalaking ito. Inisip namin na baka gusto rin niya ng popcorn, pero naalala namin kung gaano siya kanegatibo. Siguro bumisita siya sa pamilya niya, at kahit nasa bahay man siya ay hindi niya kami gugustuhing makita. Tutal, popcorn naman namin ito.

Gayunman, hindi mawaglit sa amin ang una naming naisip. Isinantabi namin ang lahat ng mga pagdadahilan at nagpasiyang ibigay sa kanya ang pangalawang supot ng popcorn.

Pagkatapos magsimba nang Linggong iyon, nagpunta kami sa bahay niya at kumatok sa pinto. Nagsimula na akong magdalawang-isip, pero bumukas ang pinto.

“Maligayang Pasko!” sabi namin. Isang malaking ngiti ang sumilay sa kanyang mukha, at pinapasok niya kami sa loob.

“Brother, may regalo kami sa iyo,” sabi namin. Pagkatapos ay ibinigay namin sa kanya ang malaking supot ng popcorn. Mas lalo pa siyang nangiti at pinaupo kami sa sopa. Habang nag-uusap kami, natanto ko na bihira lang akong makakita noon ng isang tao na napakasaya.

Nalaman namin na wala siyang kapamilya na nakatirang malapit sa kanya. Nagplano siyang gugulin ang Pasko nang mag-isa. Ang nakabalot na mga regalo na nakita ko sa ilalim ng kanyang maliit na Christmas tree ay mga kahon lang pala na walang laman at pangdekorasyon lamang.

“Hindi ko inisip na may magmamalasakit sa akin,” sabi niya. “Hindi ko inisip na makakatanggap ako ng regalo ngayong taon.”

Nang umalis kami, hindi ko mapigilan ang sobrang kagalakan. Ni hindi ko man lang nga gusto noon ang taong ito, pero ngayon ay totoong mahal ko na siya.

Ang Pasko ay hindi tungkol sa iyo o sa akin. Tungkol ito kay Jesucristo, ang pinakadakilang regalo sa lahat, at tungkol sa pagbabahagi ng Kanyang pagmamahal sa iba. Kapag minamahal at tinutulungan natin ang iba, nagagalak tayo dahil nalulugod ang Ama sa Langit sa pagpili nating sundin ang Kanyang Anak.