“Pagkilos nang may Pananampalaya kay Jesucristo” Liahona, Dis. 2022.
Para sa mga Magulang
Pagkilos nang may Pananampalaya kay Jesucristo
Minamahal na mga Magulang,
Si Jesucristo ang Mesiyas, at naglaan Siya ng maraming paraan para magkaroon tayo ng patotoo tungkol sa Kanyang papel na ginagampanan at kapangyarihan sa ating buhay. Ang isyung ito ng magasin ay makatutulong sa inyo na turuan ang inyong mga anak tungkol sa pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at kung paano natin kikilalanin ang mga pagpapalang ipinagkaloob Niya at ng Ama sa Langit sa atin. Maaari ninyo ring gamitin ang sumusunod na mga ideya para matulungan kayong mapahusay ang pag-aaral ng Pumarito Ka Sumunod Ka sa Akin at magsimula ng mga talakayan tungkol sa kahalagahan ng pagbabayad ng ikapu.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Ang Kaloob na Tagapagligtas
Sa pahina 4, ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring ang mensahe ng kagalakan at kasayahan sa Pasko dahil sa pinakadakilang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos—ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Basahin ang kanyang artikulo at talakayin kung bakit ang Tagapagligtas ay isang kaloob sa inyong buhay.
Pagkilos ayon sa Natututuhan Natin
Paano tayo magiging mas epektibo sa pagkilos ayon sa mga bagay na natututuhan natin sa ating pag-aaral ng ebanghelyo? Sa pahina 10, basahin ang mga ideya mula sa Sunday School General Presidency kung paano tayo magiging mas “mga tagatupad ng salita” (Santiago 1:22).
Mga Pagpapala ng Ikapu
Sa pahina 40, inilarawan ni Elder Moisés Villanueva kung paano siya, bilang 10-taong-gulang na convert sa Simbahan, ay nagkaroon ng patotoo tungkol sa ikapu sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanyang ina na tapat na nagbabayad ng ikapu. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagkilala sa mga banayad na pagpapala—kapwa temporal at espirituwal—na dumarating dahil sa pagbabayad ng ikapu. Bilang pamilya, maaari ninyong basahin ang mga bahagi ng kanyang artikulo at talakayin ang mga banayad na pagpapalang nagmumula sa pagbabayad ng ikapu.
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Paalala tungkol kay Cristo
Kabilang sa Lumang Tipan ang mga simbolo ng Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala na tumutulong sa atin na malaman ang tungkol sa Kanya.
-
Papiliin ang bawat tao ng isa sa mga sumusunod na simbolo ni Cristo na ginamit sa Lumang Tipan:
-
Kordero (Exodo 12:5; 1 Pedro 1:18–20).
-
Manna (Exodo 16:4, 12–21, 31; Juan 6:30–40).
-
Tubig (Exodo 17:1–6; Jeremias 2:13; Juan 4:7–14).
-
Ahas na tanso (Mga Bilang 21:4–9; Juan 3:14–15).
-
Bato (1 Samuel 2:2; 2 Samuel 22:2–3; Isaias 28:16).
-
Sanga (Isaias 11:1–2; Jeremias 23:5; 33:15).
-
Liwanag (Psalm 27:1; Isaias 60:19; Juan 8:12).
-
-
Gamit ang papel o iba pang mga suplay, gumawa ng isang palamuti na kahugis ng piniling simbolo at idispley ito sa isang espesyal na lugar para alalahanin ang Tagapagligtas.
-
Pag-aralan ang mga reperensya sa banal na kasulatan na nakalista sa bawat simbolo sa itaas.
Talakayan: Ano ang itinuturo ng bawat simbolo tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang kahulugan ni Jesucristo sa inyong buhay?
Para sa karagdagang pag-aaral tungkol sa paksang ito, maaari ninyong basahin o pakinggan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson sa kumperensya noong Abril 2017 na “Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay” (Liahona, Mayo 2017, 39–42).