2022
Ang Inyong Ipinangakong Mesiyas
Disyembre 2022


“Ang Inyong Ipinangakong Mesiyas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Ang Inyong Ipinangakong Mesiyas

Nangako ang mga propeta na darating si Jesucristo upang maghatid ng kagalakan at pag-asa sa inyo.

Pagsilang

Mga Pamilya ng Betlehem, nina Kelsy at Jesse Lightweave

Napakaganda ng panahong ito ng taon. Habang papalapit ang Kapaskuhan, inaasam natin ang magagandang ilaw, mga nagpapasayang dekorasyon, at masasarap na pagkain. Ang Pasko ay isang panahon na puno ng pamilya at mga kaibigan, awitin at kuwento, at pagbibigay at pagtanggap ng mga regalo.

Saan man kayo nakatira, ang napakaganda at kakaibang mga tradisyon sa Pasko na ipinagdiriwang ninyo ay may espesyal na diwang nakapaloob sa mga ito dahil ang Pasko ay pagdiriwang ng isa sa pinakamasasayang pangyayari sa buong kasaysayan—ang pagsilang ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang Mensahe ng mga Propeta

Bago naganap ang pagsilang ng Tagapagligtas, nagpatotoo ang mga propeta na si Jesucristo ang magiging ipinangakong Mesiyas, “ang pinahiran,” at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay tutubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan at kamatayan at magbibigay-daan sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Ang buhay at misyon ni Jesucristo ang pinakamahalagang mensahe ng mga propeta noon pa man. Itinuro ni Abinadi: “Hindi ba’t nagpropesiya si Moises … hinggil sa pagparito ng Mesiyas, at na tutubusin ng Diyos ang kanyang mga tao? Oo, at maging lahat ng propeta ay nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig—hindi ba sila nangusap ng higit-kumulang hinggil sa mga bagay na ito?” (Mosias 13:33).

Ngayon, inaalala natin nang may pasasalamat sa ating puso ang pagsilang ng sanggol sa isang abang sabsaban, na ibinalot sa lampin, at inihiga sa sabsaban. Ang Kanyang pagsilang ay lubos na mahalaga dahil sa mga bagay na mararanasan at dusang daranasin Niya upang hindi lamang Niya mailigtas ang mundo mula sa kasalanan at kamatayan kundi maghatid din ng kagalakan at pag-asa sa inyo.

Mga Propesiya at mga Pangako

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng magagandang propesiya tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas at ng mga pangako tungkol sa kung sino Siya at kung ano ang gagawin Niya para sa ating lahat.

Adan

Iniutos kay Adan na mag-alay ng hain bilang “kahalintulad ng sakripisyo ng Bugtong na Anak ng Ama, na puspos ng biyaya at katotohanan” (Moises 5:7). Ang mga sakripisyong ito ay “nakatuon sa yaong dakila at huling hain [ng] … Anak ng Diyos” (Alma 34:14).

Mga larawang-guhit ni Apryl Stott

Isaias

Ipinropesiya ni Isaias: “Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata … at ang kanyang pangalan ay tatawaging “Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6).

Lehi

Anim na raang taon bago isinilang ang Tagapagligtas, itinuro ni Lehi na ang Diyos ay magbabangon ng “isang Mesiyas, o, sa ibang salita, isang Tagapagligtas ng sanlibutan” (1 Nephi 10:4).

Nephi

Ipinakita ng isang anghel kay Nephi ang isang pangitain kung saan “tumingin [siya] at namasdan … ang birhen, may dalang isang bata sa kanyang mga bisig.

“At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama!” (1 Nephi 11:20–21).

Haring Benjamin

Itinuro ni Haring Benjamin, 124 na taon bago isinilang ang Tagapagligtas, ang tungkol sa Kanyang mahalagang misyon sa lupa:

“Sapagkat masdan, ang panahon ay darating, at hindi na nalalayo, na taglay ang kapangyarihan, ang Panginoon … ay bababa mula sa langit … at hahayo sa mga tao, gagawa ng mga makapangyarihang himala, tulad ng pagpapagaling ng may karamdaman, pagbuhay ng patay, pagpapalakad ng pilay, ang bulag nang makatanggap ng kanilang paningin, at ang bingi upang makarinig, at pagpapagaling ng lahat ng uri ng sakit” (Mosias 3:5).

Abinadi

Ipinahayag ni Abinadi: “Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim; oo, at isang buhay rin na walang hanggan, na hindi na maaaring magkaroon pa ng kamatayan” (Mosias 16:9).

Si Maria at ang sanggol na si Jesus

Ipinangako ito ng isang anghel kay Maria: Ngayon … magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin ninyo siya sa pangalang Jesus.

“Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan” (Lucas 1:31–32).

Mga Pangakong Natupad para sa Inyo

Kapag ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo, ipinagdiriwang din natin ang lahat ng ipinangako ng mga propeta na natupad ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang mga turo at Pagbabayad-sala.

Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin at gawan ng mabuti ang isa’t isa. Binigyan Niya tayo ng mga kautusan, at kung susundin natin ang mga ito, madarama natin ang Kanyang perpektong pagmamahal nang mas lubusan at malalim at balang-araw ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Ang Kanyang mga turo at halimbawa ay gumagabay at nagpapalakas sa atin sa nararapat na pamumuhay.

Pagkatapos ay inialay ni Jesus ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kusang-loob Niyang ibinuhos ang Kanyang dugo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 27:2), iniaalay ang kaloob na pagsisisi at mga pagpapala ng kapatawaran (tingnan sa Alma 34:15–17; 42:22–24). At sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ibinigay Niya sa atin ang kaloob na imortalidad. Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay “[dumanas] ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” (Alma 7:11). Ginawa Niya ito upang personal Niyang madama at malaman ang mga tuksong dumarating sa atin, ang ating mga paghihirap, ating pagdurusa, at kung paano tayo tutulungan.

Laging tandaan na kusang-loob na naranasan ng Tagapagligtas ang lahat ng ito para sa inyo dahil mahal Niya kayo. Siya ang Inyong Tagapagligtas. Anuman ang kinakaharap ninyo, nariyan Siya para tulungan at palakasin kayo. Sa pamamagitan ni Isaias, itinuro ng Tagapagligtas, “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo … aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan” (Isaias 41:10).

Jesucristo

On Earth as It Is in Heaven [Dito sa Lupa katulad ng sa Langit], ni Justin Kunz

Hanapin ang Mesiyas

Kasama ng mga sinauna at makabagong propeta, nagagalak akong magpatotoo tungkol sa pagsilang, buhay, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Siya ang ipinangakong Mesiyas at noon pa man, at sa tuwina ay, “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”1

Kasama ni Moroni, inaanyayahan ko “kayo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman” (Eter 12:41).

Alalahanin nating lahat ang ginawa ng ating Tagapagligtas para sa atin at mahalin at paglingkuran Siya sa Paskong ito at sa tuwina.