“Paano Ko Maibabahagi ang Aklat ni Mormon?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.
Paano Ko Maibabahagi ang Aklat ni Mormon?
Narito ang paraan kung paano nagsama-sama ang mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo upang bigyan ng bagong tinig ang Aklat ni Mormon.
Naaalala ba ninyo ang pagtugtog sa piano ni Pangulong Nelson ng awiting “Pag-asa ng Israel” sa pandaigdigang Music Festival ng mga Kabataan noong Marso 17, 2021? Sa pagtawag sa atin na mga kabataang batalyon ng Panginoon, inanyayahan niya tayo na hayaang gabayan tayo ng Espiritu habang tumutulong tayo sa pagtipon sa Israel sa mga huling araw na ito.
Tulad ng ginawa ng marahil marami sa inyo, inisip ko kung ano ang magagawa ko bilang isang 15-taong-gulang para masunod ang paanyaya ng propeta, lalo na sa gitna ng isang pandemya sa buong mundo.
Isang taon bago iyon, inanyayahan din ni Pangulong Nelson ang mundo na #PakingganSiya, na ang ibig sabihin ay makinig sa mga salita ng Panginoong Jesucristo. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Nagkaroon ako ng ideya na tulungan ang mga tao na marinig ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Aklat ni Mormon sa isang bagong paraan: bilang podcast na inirekord ng mga tinedyer.
Bukod pa sa mga recording ng Aklat ni Mormon na ginawa ng mga propesyonal at makukuha mula sa Simbahan, naisip ko na magandang marinig ang aklat na binabasa sa araw-araw ng mga tinedyer na katulad ninyo at ko, kung paano natin ito nararanasan. Hindi palaging perpekto ang pagbabasa namin, at hindi alam ng lahat kung paano bigkasin nang tama ang bawat salita. Pero ayos lang iyan dahil wala naman ni isa sa atin ang perpekto. Ang totoo nagustuhan ko na hindi perpekto ang ilang recording—parang nakikinig lang ako sa pagbabasa ng isa sa mga kaibigan ko.
Maraming kailangang gawin sa proyekto. Ang pag-request, pag-edit, pagtipon, at pag-host ng podcast ng mga recording mula sa 250 iba’t ibang tao ay talagang malaking trabaho. Ang resulta ay ang recording ng buong teksto ng Aklat ni Mormon na nagtatampok sa mga mambabasa mula sa 15 estado ng Estados Unidos at 10 bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang mga recording ay maaaring mapakinggan sa website na www.teensreadthebook.com at sa lahat ng pangunahing podcast listening platform sa ilalim ng Teens Read the Book [Binabasa ng mga Tinedyer ang Aklat].
Gustung-gusto kong marinig ang iba’t ibang tinig at punto ng mga kabataang nagpadala ng mga recording. Dahil alam nilang maririnig ang kanilang mga tinig sa iba’t ibang panig ng mundo, maraming mambabasa ang nagsikap nang husto na magawa nang tama ang mga recording nila. Ang ilan, tulad ni Thomas mula sa New Zealand (na nagbasa ng 3 Nephi 20) o ni José mula sa Peru (na nagbasa ng 3 Nephi 23), ay nagpraktis nang ilang oras o araw bago mag-record. Isang grupo ng 10 kabataan mula sa South Korea ang nahirapang magsalita ng Ingles dahil hindi ito ang kanilang katutubong wika. Ang naging solusyon nila ay magtulungan, bawat isa ay nag-record ng tig-iilang talata at pagkatapos ay pinagsama-sama ang mga ito para mabuo ang 2 Nephi 28 at 29.
Nang simulan ko ang proyekto ang mithiin ko ay tulungan ang mga tao na madama ang Espiritu at mas mapalapit kay Jesucristo. Ang makita ang mga kabataan, na karamihan ay hindi ko kilala, na tumugon sa aking paanyaya ay nagpakita kung gaano kalalim ang nadarama nila tungkol sa Aklat ni Mormon. Ang kanilang mga salita ay na-download na ngayon at napakinggan na nang libu-libong beses. Tinutulungan nito ang mga tao na madama ang Espiritu ng Diyos.
Isang returned missionary ang sumulat sa akin na nitong mga nakaraang buwan ay kanyang “ipinagdarasal na magkaroon ng isang bagong paraan ng pagbabasa [ng Aklat ni Mormon] o ng panibagong paraan ng pag-aaral. Ang proyektong ito ay sagot sa aking mga dalangin.”
Nagpapasalamat ako sa mga nag-ambag sa proyektong ito at sa paraan na nadama ko ang tulong ng Panginoon sa paggawa nito. Karangalan kong maging bahagi ng mga kabataang batalyon ng Panginoon, kasama ang iba pang nagmamahal sa Aklat ni Mormon. Natutuhan ko rin na kapag tumutugon tayo sa mga paanyaya ng propeta ng Panginoon, gagabayan ng Espiritu ang ating mga pagsisikap.
Para sa akin, alam ko na matutulungan tayo ng Aklat ni Mormon na madama ang Espiritu at mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang ilan sa pinakamasasayang sandali sa buhay ko ay noong palagi akong nagbabasa ng Aklat ni Mormon. Sana’y marinig nating lahat na kabilang sa mga kabataang batalyon ng Panginoon ang tinig ng Panginoon at madama ang Kanyang lakas sa pamamagitan ng mga salita ng Aklat ni Mormon.
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.