“Isang Buhay na Puno ng Kagalakan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.
Isang Buhay na Puno ng Kagalakan
Alam ni Caroline ang kanyang layunin, at sabik siyang tuparin ito.
Gustung-gusto ni Caroline M. mula sa Tennessee, USA, na magpalaganap ng kagalakan. “Gusto ko na masaya ang mga tao,” sabi niya. “Ang layunin ko sa buhay ay tulungan ang mga tao na malaman kung gaano sila kamahal ni Jesus. Ang layunin ko rito sa lupa ay magpalaganap ng pag-asa, kaligayahan, at pagmamahal.”
Nasisiyahan si Caroline sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, pamumuhay ng natututuhan niya, at pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba. Alam niya na nagdudulot ng malaking kagalakan ang ebanghelyo dahil naranasan niya mismo ito.
Ang Galak na Nagmumula sa Pag-aaral ng Ebanghelyo
Masaya si Caroline sa ebanghelyo ni Jesucristo dahil “nagpapadama ito ng lubos na pagmamahal sa lahat.” Sabi niya: “Sinusunod ko si Jesucristo sa pamamagitan ng pagiging masunurin. Siya ang pinagmumulan ng kapayapaan at kaligayahan at pagmamahal—iyan para sa akin si Jesucristo. Namatay Siya para sa atin at nagbayad para sa ating mga kasalanan para maging katulad Niya tayo.”
Ang seminary ay isang paraan na natutuhan ni Caroline ang ebanghelyo, at magandang karanasan ito para sa kanya. “Gustung-gusto ko ang early morning seminary. Mas masigla ako kapag umaga.” Pumupunta ang mga estudyante sa bahay niya dahil ang nanay niya ang seminary teacher. “Kakaunti ang mga miyembro ng Simbahan sa lugar namin. Pero may ilang miyembro na kapareho ko ng paaralan at kasama ko sa seminary.”
Nasisiyahan siyang pag-aralan ang Lumang Tipan sa seminary ngayong taon. Isa sa mga paborito niyang kuwento ay ang salaysay tungkol sa Paglikha na nasa aklat ng Genesis. “Gustung-gusto kong basahin ang tungkol sa Paglikha dahil ipinapakita nito na nilikha ni Jesus ang mundong ito para sa akin. Talagang sumasaya ako kapag naiisip kong ginawa Niya iyon para sa akin.”
Ang Galak na Nagmumula sa Pamumuhay ng Ebanghelyo
Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagdudulot din ng malaking kagalakan kay Caroline. Mahal niya si Jesucristo at gusto niyang sundin Siya, na nakatulong sa kanya na maunawaan ang kahalagahan ng pagpapabinyag. “Alam ko na kailangan kong sumunod sa mga utos ng Diyos, na kailangan kong makipagtipan sa Kanya at sundin ang tamang landas.”
Sa pagpapabinyag, alam niya na susundin niya ang tamang landas—ang landas na ipinakita sa atin ni Jesus. Para sa kanya, ang pagpapabinyag ay “kamangha-mangha.” Sa pamamagitan ng pagnanais niyang gumawa at tumupad ng mga tipan at pagnanais na paglingkuran ang iba at maghatid sa kanila ng kagalakan, ipinapakita niya na gusto niyang sundin si Jesucristo.
Ang isa pang paraan na madalas maranasan ni Caroline ang kagalakan ng ebanghelyo ay sa pamamagitan ng mga aktibidad ng Simbahan. Gustung-gusto niyang pumunta sa mga klase at aktibidad ng Young Women dahil nasisiyahan siya roon. “Pinapangiti at pinapatawa ako ng Young Women.”
Nasisiyahan din siyang pumunta sa Young Women camp. “Kapag nasa Young Women camp ako, nakapaligid sa akin ang lahat at nadarama ko ang Espiritu. Ipinapaalala nito sa akin ang araw na bininyagan ako.”
Nadarama rin ni Caroline ang kagalakan mula sa ebanghelyo sa kanyang pang-araw-araw na buhay. “Tuwing tumutugtog ako ng piyano o gitara, tuwing hinihiling ko sa Diyos na tulungan ang isang tao, tuwing nalulungkot ako, tuwing nakikinig ako sa nakasisiglang musika—ipinapakita sa akin ng lahat ng iyan na mahal ako ng Tagapagligtas dahil naririnig ko Siya.”
Ang Galak na Nagmumula sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Noong nasa Young Women camp si Caroline, nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan na siya ay anak ng Diyos, na may layunin Siya para sa kanya sa buhay na ito, at ang layunin niya ay maghatid ng kagalakan at pagmamahal sa iba. “Maraming tao ang nagsabi sa akin na gustung-gusto nila ang patotoo ko.”
Ang isang espesyal na bagay tungkol sa partikular na patotoong ito ay malinaw siyang narinig ng lahat at naintindihan ang sinasabi niya. Naging masaya ito dahil hindi palaging ganoon ang nangyayari. Si Caroline ay may Down syndrome, at sabi niya karaniwan na sa mga tao ang mahirapan sa pag-intindi ng lahat ng sinasabi ng taong may Down syndrome.
Malakas ang Espiritu nang magpatotoo siya. Pagkatapos nito, maraming tao ang nagsabi na ang pakikinig sa patotoo ni Caroline ay isa sa mga pinakasagradong karanasan sa kanilang buhay. Alam niyang malinaw na pinagtibay ng Espiritu ang katotohanan ng sinasabi niya.
Nalaman mismo ni Caroline na nagpapasaya ang paglilingkod sa iba! Tinulungan siya ng Espiritu Santo na madama ang kagalakang mula sa ebanghelyo at ang kagalakan ng pagsunod kay Jesucristo, at nais niyang madama rin ng iba iyon. Sa pagpapalaganap ng kaligayahan at pagmamahal sa iba, inihahatid niya ang Espiritu sa kanilang buhay. At sa pagbabahagi ng mga bagay na nagpapasaya sa kanya, inaanyayahan niya sila na lumapit kay Cristo.