2022
Bakit mahalaga ang mga pamantayan ng Simbahan? Paano ako magkakaroon ng patotoo tungkol sa mga ito?
Disyembre 2022


“Bakit mahalaga ang mga pamantayan ng Simbahan? Paano ako magkakaroon ng patotoo tungkol sa mga ito?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Bakit mahalaga ang mga pamantayan ng Simbahan? Paano ako magkakaroon ng patotoo tungkol sa mga ito?”

Pinasisigla at Pinatitibay Tayo ng mga Ito

binatilyo

“Mahalaga ang mga pamantayan dahil pinasisigla at pinatitibay tayo ng mga ito. Hinihikayat din tayo nito na gumawa ng mga tamang pasiya, na tumutulong sa atin na mas mapalapit kay Cristo. Maaari tayong magkaroon ng patotoo tungkol sa mga pamantayan sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral ng buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, na nagpapakita ng mahahalagang alituntunin at pamantayan na dapat nating sundin.”

Samuel C., 15, Brazil

Pinangangalagaan Tayo ng Panginoon

“Ang mga pamantayan ng Simbahan ay napakahalaga sa ating pisikal at mental na kalusugan. Nais ng Panginoon na maging malusog at masaya tayo, at gumawa Siya ng mga pamantayan para pangalagaan tayo! Upang magkaroon ng patotoo sa mga katotohanang ito, kailangan nating ipagdasal na malaman kung ang mga ito ay totoo, magbasa ng mga banal na kasulatan, at sumunod sa mga kautusan. Nais ng Panginoon na magkaroon tayo ng patotoo sa mga katotohanang ito.”

Dana S., 12, Argentina

Alamin ang mga Pagpapala

“Ang mga pamantayan ng Simbahan ay mahalaga dahil tinutulungan tayo ng mga ito na pagbutihin ang ating sarili at maging katulad ng Panginoong Jesucristo. Nagkaroon ako ng patotoo tungkol dito nang alamin ko ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga pamantayan ng Simbahan. Ipinapaalala nito sa akin ang banal na layunin ng bawat pamantayan at naghihikayat sa akin na manatili sa landas ng tipan.”

Christian R., 18, Utah, USA

Ang mga Pamantayan ay Nagdudulot ng Kaligayahan

dalagita

“Ang mga pamantayan ng Simbahan ay mas naglalapit sa atin kay Cristo. Tinutulungan tayo ng mga ito na iayon ang ating sarili sa plano ng Ama sa Langit, na nagdudulot sa atin ng walang-hanggang kaligayahan. Kapag pinili nating sundin ang mga pamantayang ito, mapapalakas natin ang ating pananampalataya kay Cristo at magiging higit na katulad Niya.”

Kenison M., 17, Virginia, USA

Manampalataya, at Magtiwala sa Kalooban ng Diyos

dalagita

“Kung pipiliin kong sundin ang mga pamantayan ng Simbahan, magkakaroon ako ng patotoo tungkol sa mga ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Alam natin mula sa Eter 12:6 na ‘wala [tayong] matatanggap na patunay hangga’t hindi natatapos ang pagsubok sa [ating] pananampalataya.’ Kung sapat ang ating pananampalataya na magtiwala na ang mga pamantayang ito ay kalooban ng Diyos para sa atin, makatatanggap tayo ng patotoo tungkol dito sa itinakdang panahon ng Diyos.”

Camilla P., 17, Hawaii, USA

Sundin at Magtiwala

“May mga pamantayan ang Simbahan upang tulungan tayong manatili sa landas ng tipan. Kahit hindi natin palaging nauunawaan kung bakit mahalaga ang isang partikular na pamantayan, magkakaroon tayo ng patotoo tungkol dito sa pamamagitan ng pagsunod sa pamantayang iyon at pagtitiwala sa ating Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa mga lider ng ating Simbahan.”

Anwyn T., 16, Florida, USA