“Pagsisikap na Maging Katulad ni Cristo sa loob at labas ng Soccer Field,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Disyembre. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at ng Aaronic Priesthood Quorum
Pagsisikap na Maging Katulad ni Cristo sa loob at labas ng Soccer Field
“Bilang disipulo ni Jesucristo, sinisikap ko na maging katulad Niya.”
Noong lumalaki ako, ang paglalaro ng soccer ay nagbigay sa akin ng kumpiyansa at kaligayahan. Kaya mahirap para sa akin nang magsimulang matalo sa mga laro ang soccer team ko. Palagi kaming panalo noon, ngunit ngayon nawawalan na ng kumpiyansa ang aming team. Nagkaroon din ako ng injury at hindi nakapaglaro ng ilang laro at praktis. Nadismaya ako sa sarili ko dahil hindi ako makapaglaro sa antas na inaasahan sa akin ng iba.
Isang gabi bago maglaro, sinabi sa akin ng mga coach na isang teammate ko ang papalit sa akin. Hindi ako nagulat, pero pinanghinaan ako ng loob. Naging kakumpetensya ko ang teammate na ito sa parehong posisyon at mabigat ang loob namin sa isa’t isa.
Habang minamasdan ko ang hirap na paglalaro ng team namin, nakita kong tinanggal sa laro ang teammate ko na pumalit sa akin. Naglakad siya palabas ng field, na talagang dismayado. Nadama kong dapat ko siyang kausapin. Nilapitan ko siya at pinalakas ang kanyang loob. Nagulat siya, dahil hindi naman kami nagpapansinan noon. Habang papalayo ako, nakadama ako ng kagalakan at kapayapaan. Mula noong araw na iyon, hindi na kami magkakumpitensya kundi magkaibigan.
Nalaman ko na kahit sa soccer, maaari kong sikaping tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Bilang isang atleta, hindi ko talaga makokontrol ang mga injury, haba ng oras ng laro, pagkapanalo, o pagkatalo. Pero makokontrol ko ang aking pag-uugali at kung paano ko pinakikitunguhan ang iba. Palaging makakatulong ang halimbawa ng Tagapagligtas, at maaari kong piliing sundin Siya. Ang pagiging disipulo ni Cristo ay laging mangangailangan ng kasipagan, sakripisyo, at katapatan. Ngunit kapag nangangako tayong sundin si Cristo, may higit na kapayapaan, kagalakan, at layunin sa buhay.
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.