2022
Kumonekta
Disyembre 2022


“Kumonekta,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Kumonekta

Svyataslava A.

15, Moscow, Russia

dalagita

Larawang kuha ni Katerina Gracheva

Ang pangalan ko ay Svyataslava, at ako ay taga Moscow, Russia.

Para sa akin, ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Ama sa Langit. Kapag nagdarasal ako, masasabi ko sa Kanya ang aking mga alalahanin at kagalakan. Maaari ko Siyang pasalamatan at tanungin tungkol sa mga bagay-bagay.

Isang araw, matapos ang pag-proxy ko sa ilang gawain sa templo, pumasok ako sa waiting room. Kadalasan ay maraming tao roon, pero nang pumasok ako, walang tao rito. Sinamantala ko ang pribado at tahimik na sandali para manalangin. Pinasalamatan ko ang Ama sa Langit para sa mga karanasan ko. Tinanong ko Siya tungkol sa mga bagay na mahalaga sa akin. Sa pagtatapos ng aking panalangin, naalala ko ang aking lola-sa-tuhod, na nami-miss ko nang husto, at tinanong ko ang Diyos kung maaari kong madama ang yakap ng lola ko.

Nang matapos akong manalangin, pumasok ang kaibigan ko sa silid at niyakap ako. Agad kong naisip ang aking lola-sa-tuhod at naalala ko ang kanyang mapagmahal na yakap. Sabay kaming naiyak nang madama namin ang Espiritu Santo. Pinagtibay nito sa akin na naririnig at kilala ako ng Panginoon. Alam kong Siya ay buhay at mahal Niya ako.