“Panindigan ang Tama,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Disyembre, 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at ng Aaronic Priesthood Quorum
Panindigan ang Tama
“Tutulong akong ihanda ang mundo para sa pagbabalik ng Tagapagligtas”
Isang araw, kumakain kami ng kaibigan ko sa isang restaurant nang marinig namin ang ilang tao malapit sa amin na nag-uusap tungkol sa relihiyon. Binanggit ng isang babae na may nakilala siyang dalawang lalaking nagbibisikleta na nag-alok na kausapin siya tungkol sa Diyos. Matapos silang makausap nang ilang linggo, tinanggap niya ang kanilang paanyaya na magpabinyag bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Isang kaibigan ang nagsimulang magtanong ng mga kumplikadong tanong at hinikayat siyang magbago ng isip. Mukhang hindi siya komportable, inamin na hindi niya alam ang lahat ng sagot, ngunit sinabi niya na pakiramdam niya ay tama pa ring mabinyagan. Sinabi niya sa kanila na ang gusto lang niya ay ang kanilang suporta.
Masasabi namin ng kaibigan ko na nag-aalala na siya ngayon. Hindi namin mabalewala ang pahiwatig sa amin na magsalita.
Bago kami umalis, nilapitan namin sila at sinabing, “Ayaw sana namin kayong gambalain, pero narinig namin na nagpasiya kang magpabinyag! Mga miyembro kami ng Simbahan at gusto naming malaman mo na ginagawa mo ang pinakamagandang desisyon sa buhay mo. Patuloy kang magbasa at magdasal tungkol sa Aklat ni Mormon.”
Makalipas ang isang taon, nakikinig ako sa isang lesson sa simbahan nang nagkuwento ang guro tungkol sa kanyang kasintahan. Isang araw, nagdasal siya para malaman kung dapat siyang mabinyagan. Nang gabi ring iyon, nagpunta siya sa isang restaurant kasama ang ilang kaibigan. Nagsimula silang magsalita tungkol sa relihiyon at sa desisyon niyang magpabinyag. Sinabi sa kanya ng kanyang mga kaibigan na iwasan ang mga missionary at huwag magpabinyag.
Nakadama siya ng pagkadismaya sa kawalan nila ng suporta. Pagkatapos ay nilapitan siya ng dalawang tao at sinabing mga miyembro sila ng Simbahan. Hinikayat nila siyang magpabinyag at patuloy na magbasa at magdasal. Sinabi sa kanya ng kasintahan ng titser na ang paglapit ng dalawang estrangherong iyon na malakas ang loob na nagbahagi ng kanilang patotoo ay sagot sa kanyang mga dalangin.
Lubos akong nagpapasalamat na nakinig kami ng kaibigan ko sa pahiwatig na magsalita at panindigan ang tama.
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.