2022
Ano ang alam natin tungkol kay Maria, ang ina ng Tagapagligtas?
Disyembre 2022


“Ano ang alam natin tungkol kay Maria, ang ina ng Tagapagligtas?,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Tuwirang Sagot

Ano ang alam natin tungkol kay Maria, ang ina ng Tagapagligtas?

Si Maria at ang sanggol na si Jesus

Be It unto Me [Mangyari sa Akin], ni Liz Lemon Swindle

Ang dalagang si Maria, na piniling maging ina ni Jesucristo, ay mula sa Nazaret at inapo ni David. Ipinropesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan na ang Mesiyas ay darating sa pamamagitan ng maharlikang angkan ni David (tingnan, halimbawa, sa Isaias 11:1). Bilang tanging magulang ni Jesus sa lupa, ibinigay sa Kanya ni Maria ang angkang iyan.

Gayundin, tulad ng sinabi ng anghel na si Gabriel kay Maria, “Ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo” (Lucas 1:28). Pinagpala si Maria ng Panginoon dahil siya ay karapat-dapat, mapagpakumbaba, matapang, at tapat. At ipinakita niya ang mga katangiang ito sa buong buhay niya.

Mapagpakumbabang tinanggap ni Maria ang ipinagagawa sa kanya ng Diyos (tingnan sa Lucas 1:38). At buong tapang siyang sumulong at nagtiwala sa Diyos, kahit na ang mga pangyayari sa kanyang pagbubuntis ay maaaring magdulot sa kanya ng kahihiyan dahil wala pa siyang asawa (tingnan sa Lucas1:46–55). Matapat din niyang sinunod ang Diyos. Ipinagdalantao niya si Jesus, pinalaki Siya, tinuruan Siya. Sa pagtatapos ng Kanyang mortal na buhay, siya ay kasama Niya. Nanatili siyang kasama ng Kanyang mga Apostol matapos Siyang bumangong muli at magtungo sa langit (tingnan sa Mga Gawa 1:14). Dahil sa kanyang kabutihan, siya ay lubos na pinagpala.