2022
Maililigtas Tayo ng Tagapagligtas
Disyembre 2022


“Maililigtas Tayo ng Tagapagligtas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Maililigtas Tayo ng Tagapagligtas

Makararanas ka ng maraming problema sa buhay. Ngunit ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak, si Jesucristo, upang tulungan ka.

Jesucristo

The Light of Christ [Ang Liwanag ni Cristo], ni Regan Reichert

Nagkaroon ka na ba ng problema na tila napakahirap lutasin? Maaaring dulot ito ng pagkakamali mo—o talagang dulot ito ng pagkakamali mo. Maaaring ito ay dahil sa isang taong mahalaga sa iyo. O siguro’y dulot lang ito ng pamumuhay sa isang di-perpektong mundo. Sa buhay, hindi nawawalan ng problema. Kung minsan, talagang napakahirap niyan.

Ang mabuting balita ay na hindi natin kailangang kayanin ang mga problema natin nang mag-isa. Inako ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan, ating kalungkutan, at ating mga kahinaan (tingnan sa Alma 7:11–13). Alam Niya kung ano ang pinagdaraanan natin at kung ano ang kailangan natin. Kapag nagtiwala tayo sa Kanya at tinanggap ang Kanyang kalooban, maililigtas Niya tayo mula sa anumang problemang nararanasan natin.

Inililigtas Niya Tayo …

Mula sa Kasalanan

Nadama ng isang dalagitang nagngangalang Thricia ang pagkabagabag ng konsiyensya, kahihiyan, at pagiging hindi karapat-dapat matapos makagawa ng pagkakamali. Nagsimula siyang makinig sa musika ng Simbahan, manood ng mga video ng Simbahan, at pag-aralan ang mga mensahe ng ebanghelyo nang mas mabuti, ngunit ganoon pa rin ang naramdaman niya. Kalaunan ay nagpasiya siyang kausapin ang kanyang branch president. Nang makipagkita siya rito, nadama niya ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa kanya. Ngayon ay nagpapasalamat siya na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, mapapatawad siya sa kanyang mga kasalanan at makatatanggap ng tulong upang madaig ang kanyang mga kahinaan. “Ang pinanghahawakan ko ngayon ay lagi ko Siyang kasama sa paglalakbay na ito,” sabi niya.

Bawat isa sa atin ay nagkakamali at nagkakasala. Ngunit makatutulong ang Tagapagligtas. Hindi ibig sabihin ay aalisin Niya ang lahat ng ibubunga ng ating mga ginawa, ngunit matutulungan Niya tayo kapag nanalangin tayo sa Ama sa Langit para sa kapatawaran at nagsikap na gawing tama ang mga bagay-bagay.

Ang Tagapagligtas ay nagtigis ng dugo at namatay para sa iyong mga kasalanan sa Getsemani at sa Krus. Kapag pinili mong magsisi at sundin Siya, “bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe” (Isaias 1:18).

Si Jesucristo kasama ang babaeng nahuling nangangalunya

Neither Do I Condemn Thee [Hindi Rin Kita Hinahatulan], ni Eva Timothy

Mula sa Galit

Kung minsan nakararanas tayo ng mga problema dahil sa masasamang pagpili ng ibang tao. Nagsimulang magkuwento ng kasinungalingan ang matalik na kaibigan ng isang dalagita tungkol sa kanya sa iba pang mga batang babae sa kanyang ward. Kahit makatwirang ikagalit iyon ng dalagita, pinilili niyang maging mabait, at tinulungan siya ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas.

Malamang ay naranasan mo ring magalit. Marahil ay “nanghihiram” sa iyo ang nakababata mong kapatid na lalaki ng mga bagay na hindi sa kanya o walang tigil ang panunukso sa iyo ng ate mo. O marahil may mga naranasan ka na mas mabigat na dahilan na ikinagagalit mo, tulad ng kapabayaan o pang-aabuso.

Kapag nakadarama ka ng galit, manalangin sa Ama sa Langit. Makinig sa mga pahiwatig na natatanggap mo, at magtiwala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas na iligtas ka. Tulad ng pag-ako Niya sa iyong mga kasalanan, nagbayad-sala Siya para sa mga ginawa ng iba na nakasakit sa atin. Matutulungan Niya tayong kalimutan ang ating galit at magkaroon ng kapayapaan sa paglipas ng panahon.

Mula sa Takot

Isang bagong sister missionary ang natatakot sa maraming bagay—pagpunta sa isang bagong lugar, pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa ebanghelyo—at pagsakay sa eroplano. Kaya natakot siya nang umalog ang eroplanong sinakyan nila. Ngunit sa sandaling iyon naalala niya ang Tagapagligtas, at kahit natatakot pa rin siya, napayapa siya sa pananampalataya niya sa Kanya. “Pinayapa ni Jesucristo ang karagatan, at talagang mapapayapa Niya ang takot ko sa mga eroplano,” sabi niya.

Maaaring natatakot ka sa matataas na lugar, o sa mga gagamba, o sa pagbibigay ng mga mensahe sa Simbahan. O marahil nababalisa o natatakot ka sa mabibigat na problema tulad ng sakit, pagtatalo ng pamilya, o paghihirap sa inyong komunidad.

Anuman ang dahilan ng iyong takot, tandaan na mahal ka ng Tagapagligtas at nauunawaan ka. Maaaring matakot ka pa rin kung minsan, ngunit ang pananampalataya mo kay Jesucristo ay magtutulot sa Kanya na pakalmahin ang iyong maunos na karagatan at pawiin ang iyong takot.

Mula sa Kalungkutan

Napakalungkot ni Chase nang magdiborsyo ang kanyang mga magulang. Isang araw, umiiyak siya at nagdarasal sa Ama sa Langit. Habang nagdarasal siya, nakadama siya ng kapayapaan at alam niya na nagmamalasakit si Jesucristo sa kanya at alam ang pinagdaraanan niya.

Lahat tayo ay may mga panahon ng kalungkutan. Ngunit dinala ng Tagapagligtas sa Kanyang sarili ang mga pasakit, paghihirap, tukso, karamdaman, at kamatayan upang Kanyang “malaman nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:11–12). Alam Niya ang mismong nadarama mo at kung paano ka tutulungan.

Maaaring hindi mawala ang iyong mga problema, ngunit Kanyang “pagagaanin ang mga pasaning ipinataw sa [iyong] mga balikat” at “palalakasin [ka] upang mabata [mo] ang [iyong] mga pasanin nang may kagaanan” (Mosias 24:14–15).

Jesucristo

He Is Risen [Siya’y Nagbangon], ni Dan Wilson

Mula sa Kamatayan

Si Cherry ay 12 taong gulang nang mamatay ang kanyang ina. Hindi pa miyembro ng Simbahan si Cherry at nadama niya na wala nang kabuluhan ang kanyang buhay. Nawalan siya ng pag-asa at nakadama ng kalungkutan at pag-iisa. Naisip pa nga niyang magpakamatay. Pagkatapos ay nalaman niya ang tungkol sa ebanghelyo, at naghahanda na siya ngayon na mabinyagan para sa kanyang ina sa templo. Alam niya na dahil namatay ang Tagapagligtas at nabuhay na mag-uli, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw. Hindi kamatayan ang wakas ng lahat.

Ang pagkawala ng isang mahal sa buhay ay isa sa pinakamahihirap na bagay na maaari nating pagdaanan. Ngunit ang Tagapagligtas ay naghahatid ng pag-asa. Kapag umasa tayo sa Kanya, makakaasa tayo ng kawalang-hanggan na mas masaya kaysa inaakala natin.

Oo, ang buhay ay puno ng mga problema—maliliit, malalaki, at ilang tila napakahirap lutasin. Ngunit ibinigay ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak bilang solusyon sa kanilang lahat. Habang nagsisikap kang sundin si Jesucristo, bibigyan ka Niya ng lakas na magtiis at ililigtas ka Niya muli’t muli.