2022
Maging Ilaw ng Sanglibutan sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Kapaskuhan
Disyembre 2022


“Maging Ilaw ng Sanglibutan sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Kapaskuhan” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Maging Ilaw ng Sanglibutan sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa Kapaskuhan

Ibinahagi ng mga kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo kung paano nagiging espesyal ang Kapaskuhan kapag naglilingkod sa iba.

Mayroong ilang mas mabisang paraan sa pag-alala sa Tagapagligtas sa Kapaskuhan bukod pa sa pagsunod sa Kanyang halimbawa at paglilingkod sa iba. Madarama mo ang kapayapaan at pagmamahal ni Cristo habang ibinibigay mo ang iyong oras at mga talento. Narito ang ilang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo na pinagpagpala ng paglilingkod na ibinigay nila sa kapaskuhan.

Pasko sa Isang Bagong Lupain

Si Brandon (16), Jake (15), Melissa (12), at Grace (9) ay tumira sa Uruguay ng tatlong taon nang tawagin ang kanilang mga magulang bilang mga lider ng Uruguay Montevideo Mission. Mainit at maalinsangan ang Disyembre sa Uruguay, ibang-iba sa malamig at maniyebeng mga Pasko na nakasanayan nila. Kahit mahirap ang malayo sa tahanan at pamilya ng tatlong Pasko, nakadama sila ng kaligayahan habang pinaglilingkuran nila ang mga tao sa paligid nila. Tuwing Kapaskuhan, ang pamilya at mga missionary ay nagsusuot ng pulang kamiseta na may nakatatak na “Maging Ilaw ng Sanglibutan” habang naglilingkod sila sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Nagpunta kami sa mga parke at dalampasigan sa Montevideo kasama ang mga missionary at nilinis ang basura at mga kalat mula sa nagdaang mga bagyo,” sabi ni Jake. Naalala ni Brandon, “Noong unang Pasko namin sa Uruguay, nagdikit kami ng mga kendi sa mga pass-along card na “Maging Ilaw ng Sanglibutan” para ipamigay. Sa paglubog ng araw, nagtitipon ang maraming tao sa dalampasigan, kaya perpektong lugar iyon para bigyan sila ng kendi at kard, kahit hindi kami gaanong marunong magsalita ng Espanyol.”

pamilya sa Kapaskuhan

Larawang kuha ni Julie Olsen

Para sa magkakapatid na ito, ang paglilingkod ay nagpadama sa kanila ng kapanatagan at tinulungan silang magtuon sa Tagapagligtas at sa tunay na kahulugan ng Pasko.

Sabi ni Jake, “Ang paglilingkod para sa Ilaw ng Sanglibutan ay nagpaespesyal sa Pasko. Kahit sanay kami sa maniyebeng Pasko, naramdaman namin ang Kapaskuhan sa kabila ng mainit na panahon sa Uruguay dahil sa paglilingkod.” Sang-ayon dito si Melissa. “Dahil sa paglilingkod hindi ko na naisip ang mga bagay na hinahanap-hanap ko sa bahay namin,” sabi niya. “Ang pagpapasaya sa iba ay nagpasaya sa amin at nakatulong na mas maging komportable at panatag kami.”

Pagpapapalaganap ng Kagalakang mula kay Cristo

Si Jana B. mula sa Baden-Württemberg, Germany, ay mahilig ding magpalaganap ng kagalakan sa Pasko sa pamamagitan ng mga simpleng paglilingkod.

“Noong una, nagbibigay kami sa mga kapitbahay namin ng mga regalong gawang-kamay tulad ng sabon, kandila, o cookies,” sabi ni Jana. “Pagkatapos, unti-unti, nagsimula ring magbigay ng mga regalo sa Pasko ang mga kapitbahay. Ngayon ay isang tradisyon na ito. Ngayong taon gumawa kami ng cookies para sa aming mga kapitbahay kasama ang mga missionary at nakipag-usap sa aming mga kapitbahay para maghatid sa kanila ng kapayapaan at kagalakan. Hindi natin palaging isinasama sa mga ginagawa natin ang ating mga kapitbahay at kung minsan ay nalilimutan natin na lagi silang nariyan para sa atin. Kapag binigyan natin sila ng mga regalo sa Pasko, para itong pasasalamat sa pagtulong nila sa atin sa buong taon.”

magkapatid

Nakahanap din si Jana ng oras na mapaglingkuran ang kanyang pamilya.

“Ang lola ko ay 90 taong gulang at mag-isa lang sa kanyang bahay,” sabi niya. “Mahirap para sa kanya na lumabas nang basta-basta. Noong nakaraang Pasko marami kaming ginawa para paglingkuran siya, lalo na dahil iyon ang unang Pasko niya na wala na si Lolo. Laging masayang-masaya ang lola ko kapag pumupunta kami. Ipinapakita nito sa kanya na mahal namin siya.”

Higit sa lahat, alam ni Jana na ang paglilingkod ay makatutulong sa kanya na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas at alalahanin ang tunay na kahulugan ng Pasko.

“Kapag ipinagdiriwang mo ang Pasko sa pamamagitan ng pagpapasaya sa mga tao, mapapaalalahanan ka tungkol kay Jesucristo, at maibabahagi mo ang kagalakan ng Kanyang mensahe sa iba,” sabi ni Jana.

Ang Sarili Mong Paglilingkod sa Kapaskuhan

Ngayong Pasko, isipin ang mga tao sa paligid mo na maaari mong pakitaan ng kabaitan. Maaari mong ipagluto ng hapunan ang iyong pamilya o anyayahan ang isang kaibigan sa isang aktibidad ng mga kabataan. Maaari kang mag-alaga ng sanggol ng isang kapitbahay, mag-ukol ng oras sa isang kaibigan sa paggawa ng isa sa kanilang mga paboritong bagay, magdala ng makapal na kumot sa ospital ng mga bata, o magbigay ng mga laruan at damit sa isang organisasyong pangkawanggawa.

Hindi magtatagal makikita mo na ang pagpapasaya sa iba ay kadalasang nagiging pinakamagandang regalo na maibibigay mo rin sa iyong sarili! Kung hindi ka pisikal na malapit sa isang taong mahal mo, tandaan na ang teknolohiya ay makatutulong sa iyo na mapaglingkuran din siya. Subukang i-post kung bakit mahal mo siya sa social media, kantahan siya sa isang video call, o magpadala sa koreo ng isang pakete ng mga liham at snowflakes na yari sa papel. Ang iyong paglilingkod ay maaaring magbigay-liwanag sa buhay ng isang tao.