“Ang mga Bintana ng Langit” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang mga Bintana ng Langit
Buong buhay akong pinagpala dahil sa pagsunod sa batas ng ikapu.
Nang maging miyembro ang mga magulang ko ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, walang kasiguruhan ang kita ang tatay ko. Noong panahong iyon, tulad ngayon, maraming naghihirap sa Pilipinas. Mahirap makahanap ng trabaho.
Kaya nagdasal siya at sinabi sa Diyos na may patotoo siya tungkol sa batas ng ikapu ngunit kailangan niyang makahanap ng trabaho para maipamuhay niya ito. Nangako siya sa Ama sa Langit na magbabayad siya ng tapat na ikapu habambuhay.
Nagkaroon nga ng trabaho ang tatay ko. Nagtrabaho siya bilang tagalinis sa Coca-Cola manufacturing plant. Nang magsimula siyang magbayad ng ikapu, nagsimulang magbago ang kanyang buhay.
Pinagpala nang Sagana
Dati-rati kinailangan naming maglakad papunta sa simbahan dahil wala kaming sapat na pamasahe para sa pampublikong transportasyon. Nagsimulang mabago ang kalagayang iyon. Nagsikap nang husto ang tatay ko sa kanyang trabaho at unti-unting tumaas ang posisyon, hanggang sa maging sales manager. May pamasahe na kami maliban pa sa pagkain. Ang isang tunay na himala ay nakatapos ng kolehiyo ang lahat ng anim na anak ng aking mga magulang.
Hinggil sa partikular na himalang iyon, ikinagulat iyon pati ng mga kasamahan sa trabaho ng aking tatay. “Paano mo napag-aaral ang lahat ng anak mo sa kolehiyo?” tanong nila. “Pareho lang ang halagang kinikita natin. Parang imposible!”
Ngingiti lang ang tatay ko at magsasabing, “Pinagpala ako dahil sa pamumuhay ng ebanghelyo. Pinagpapala ako dahil nagbabayad ako ng ikapu.”
Mga Pangako at Proteksyon
Itinuro ng propeta sa Lumang Tipan na si Malakias, “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig … at sa gayo’y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan” (Malakias 3:10).
Nasaksihan ko kung paano kami pinagpala ng aking pamilya sa temporal at espirituwal dahil sa pagsunod sa kautusang ito. Nagkaroon ako ng ilang karanasan sa buhay kung saan naprotektahan ako mula sa pisikal o espirituwal na mga panganib. Naniniwala ako na pinrotektahan ako ng Panginoon dahil tapat ako sa pagbabayad ng aking ikapu.
Kapag Mahirap Magbayad ng Ikapu
Sa Pilipinas, nakita ko ang kahirapan saan mang dako. Pinag-usapan namin ng maraming miyembro ng Simbahan ang tungkol sa kahalagahan ng pagbabayad ng ikapu at mga handog, kahit hindi ito madali.
Naaalala ko ang isang lalaking kasasapi pa lang sa Simbahan. Ako ang kanyang stake president nang panahong iyon. “President, paano ako makakabayad ng ikapu?” tanong niya. “Kulang pa ang kita ko para makabili ng sapat na pagkain.”
Ang butihing kapatid na ito ay namamasada ng tricycle na de-motor. Pinagtatrabahuhan niya nang husto ang bawat kinikita niya. “Kailangan ng pananampalataya,” sagot ko sa kanya. “Ngunit ipinapangako ko sa iyo na kapag ipinamuhay mo ang batas ng ikapu, pagpapalain ka ng Panginoon.”
Ginawa nga niya ito. Makalipas ang ilang buwan, nakipagkita akong muli sa kapatid na ito. Sinabi niya sa akin na talagang biniyayaan siya ng Panginoon ng lahat ng kailangan niya.
Minsan ay bumisita si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) sa Pilipinas at nabagabag sa kahirapang nakita niya roon. “Naniniwala ako nang buong puso,” sabi ni Pangulong Hinckley, na kung “tatanggapin nila ang ebanghelyo at ipamumuhay ito, babayaran ang kanilang mga ikapu at mga handog, kahit kaunti lang ang mga ito, tutuparin ng Panginoon sa kanila ang Kanyang pangako noong una, at magkakaroon sila ng kanin sa kanilang mga mangkok at damit sa kanilang likuran at kanlungan sa kanilang uluhan.”1
Maraming beses kong nakita na natupad ang pangakong iyon.
Ang Epekto ng mga Handog
Gusto kong magbahagi ng isang saloobin tungkol sa mga handog. Maaaring hindi maunawaan ng ilang kabataan ang pambihirang kabutihang dulot ng mga handog-ayuno, tulong-pantao, at iba pang mga donasyon. Ngunit nasaksihan ko mismo ang epekto ng mga donasyong iyon sa Pilipinas.
Nakakita ako ng mga pamilyang naisalba mula sa matinding pagkagutom dahil sa mga handog-ayuno. Dagdag pa rito, maraming kabutihang nagagawa sa pamamagitan ng pagkakawanggawa at iba pang mga handog. Ang pagbibigay ng halaga ng isang pagkain para sa tulong-pantao, halimbawa, ay maaaring magpakain sa isang pamilya sa ibang panig ng mundo sa loob ng isang araw o mahigit pa.
Kapag ipinamuhay ninyo ang batas ng ikapu at mga handog, pinatototohanan ko tulad ni Malakias na bubuksan ng Panginoon ang mga bintana ng langit at “ibubuhos … sa inyo ang isang pagpapala.”
Kailangan lamang manampalataya kay Jesucristo.