2022
Kapag Naiiba ang Paskong Ito
Disyembre 2022


“Kapag Naiiba ang Paskong Ito,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Dis. 2022.

Kapag Naiiba ang Paskong Ito

Ang kapayapaan sa Pasko, o anumang oras ng taon, ay kadalasang nakadepende sa kung ano ang pinagtutuunan natin.

Pagsalakay sa Pearl Harbor

Mga paglalarawan ni Jim Madsen

Mula sa mga salita ng isang Apostol, sinabi ni David, “Ang takot ay isang pangunahing sandata ni Satanas upang gawing malungkot ang sangkatauhan.”1

binatilyo sa pulpito

Si David Ikegami, isang deacon mula sa Oahu, Hawaii, ay inatasang magsalita sa isang mission conference sa araw ng Linggo. Pitong buwan na ang nakararaan nang maranasan niya ang isa sa mga pinakamalungkot na Pasko—hindi lamang para sa kanyang pamilya, kundi para sa buong bansa. Pinili niyang magsalita laban sa takot.

Pamilyar sa kanya ang paksa tungkol sa takot. Ang taon ay 1942. Ilang buwan bago iyon, nasalanta ang magandang islang tinitirhan ng pamilya ni David nang bombahin ng Japan ang Pearl Harbor. Isang araw matapos ang nakapanlulumong pagsalakay na iyon, sumali ang Estados Unidos sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nilukob ng takot para sa hinaharap ang buong lupain. At ang isa pang nagpalala ng mga bagay-bagay, ang mga Hapones-Amerikano, tulad ng pamilya Ikegami, ay pinakitunguhan nang masama dahil sa kanilang lahi matapos ang pambobomba sa Pearl Harbor. Hindi naging simple o madali ang buhay para sa binatilyong ito.

Kung gayon paano siya nakahanap ng kapayapaan? Isang paraan ay ang pagtuon niya sa paglilingkod. Sumama siya sa isang grupo na tumulong sa paggawa ng mga daanan at paghawan ng matitinik na puno ng kiawe mula sa mga daanan patungo sa mga kampo ng militar. Ang kanyang pamilya ay tumulong naman sa pangangalap ng pondo para matulungan ang mga sundalo ng U.S. Ginamit ang mga pondong ito sa pagbili ng mga aklat at mga screen at projector ng mga pelikula upang makatulong sa pagpapataas ng moral.

Pagkatapos ay binanggit muli ni David ang sinabi ni Elder John A Widstoe, “May kaligtasan saanman mamuhay nang karapat-dapat ang mga tao ng Panginoon upang angkinin ang sagradong titulo na mga mamamayan ng Sion ng ating Panginoon.”2

Nakahanap ng kapayapaan si David sa pamamagitan ng pagtutuon kay Jesucristo.3

Pagsasadula ng pagsilang ni Cristo

Kapayapaan sa Pasko

Ang paghahanap ng kapayapaan ay mahalaga anumang bahagi ng taon. Ngunit sa buong taon ay kadalasang maraming tradisyon, mga inaasahang pangyayari, at aktibidad na maaaring salungat sa kapayapaang inaasam nating lahat. Halimbawa, maaaring may listahan ka ng mga gagawin sa tag-init, o kaya sa taglamig, at tiyak may listahan ka ng mga gagawin sa Kapaskuhan. Ano ang gagawin natin sa mga listahang iyon kapag mahirap ang buhay?

Sa mga panahon ng pagdiriwang, lalo nating nararamdaman kapag hindi maganda ang nangyayari sa atin. Ang mga naunang pangyayaring naganap sa buong taon, tulad ng pagpanaw ng miyembro ng pamilya, ay maaaring muling magpanariwa ng sakit na nadama kapag may mga pagdiriwang. Sa ganoong taon, malinaw na ang isang bagay na mahalaga ay maiiba sa Kapaskuhan.

Si Maria, isang 16-na-taong-gulang na dalagita mula sa Brazil, ay nakadama ng matinding lungkot sa Kapaskuhan dahil sa pagkamatay ng isa pang pinakamamahal na lolo. Ilang taon na ang nakararaan nang pumanaw ang lolo niya sa ina, ngayon ay namatayan na naman siya ng isa pang lolo.

“Naaalala ko na laging masaya at napakagandang karanasan ang Kapaskuhan” sabi ni Maria. “Naaalala ko ang pagkanta ko ng mga himno kasama ang aking pamilya, paggising sa gabi para makita ang pamaskong regalo sa akin, pagsasadula ng pagsilang ni Cristo sa paaralan, at marami pang ibang bagay na naging bahagi ng buhay ko noong bata ako.”

Laging masaya si Maria kapag kasama ang kanyang pamilya. Ngunit sa pagpanaw ng isa pa niyang lolo, nabawasan ang sayang nadarama niya sa Kapaskuhan. Upang mapaglabanan ang kalungkutan, ginawa niya ang tulad ng ginawa ni David, ang magtuon kay Cristo.

“Ang pagtutuon kay Jesucristo, lalo na sa Kapaskuhan, ay nagbibigay sa akin ng katiyakan na ang mga kalungkutan at pangungulilang ito ay lilipas din,” sabi ni Maria. “Alam ko na lagi kong kasama ang Diyos. Sa paglipas ng panahon nadama ko na pinunan ng pagmamahal ng Tagapagligtas ang kalungkutang ito.”

May isang lola pa si Maria—ang lola niya sa kanyang ina. “Palagi akong masaya kapag kasama ko ang aking lola, “ sabi niya. “Kahit hindi ko na kapiling ang iba ko pang mga lolo’t lola at kamag-anak, alam kong makikita ko silang muli balang-araw. May kawalang-hanggan na naghihintay sa amin.”

Jesucristo

Ang Pinagmumulan ng Kapayapaan

Ibinahagi ng Unang Panguluhan ang mensaheng ito sa mundo kamakailan: “Alam namin na ang walang hanggang kapayapaan ay matatagpuan sa pamamagitan ni Jesucristo. Mapapayapa at mapapanatag Niya ang ating kaluluwa kahit sa gitna ng matinding kaguluhan.”4

Tila nawawasak man nang personal o nang pangkalahatan ang inyong mundo, iisa lang ang solusyon. Magtuon kay Jesucristo. Susundan iyan ng kapayapaan.

Mga Tala

  1. John A Widstoe, “If Ye Are Prepared Ye Shall Not Fear,” sa Conference Report, Apr. 1942, 33; tingnan din sa Saints 3:434.

  2. Widstoe, “If Ye Are Prepared Ye Shall Not Fear,” 33; tingnan din sa Mga Banal 3:434.

  3. Tingnan sa Saints 3:433–35.

  4. First Presidency Statement on Armed Conflict,” Peb. 25, 2022, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.