Mga Banal na Kasulatan
Abraham 2


Kabanata 2

Nilisan ni Abraham ang Ur upang magtungo sa Canaan—Si Jehova ay nagpakita sa kanya sa Haran—Lahat ng pagpapala ng ebanghelyo ay ipinangako sa kanyang mga binhi, at magmula sa kanyang mga binhi tungo sa lahat—Siya ay nagtungo sa Canaan, at hanggang sa Egipto.

1 Ngayon ang Panginoong Diyos ay pinapangyaring maging masidhi ang taggutom sa lupain ng Ur, kung kaya nga’t si Haran, na aking kapatid na lalaki, ay namatay; subalit si Thare, na aking ama, ay namuhay pa sa lupain ng Ur, ng mga Caldeo.

2 At ito ay nangyari na ako, si Abraham, ay kinuha si Sarai upang maging asawa, at si Nachor, na aking kapatid na lalaki, ay kinuha si Milca upang maging asawa, na anak na babae ni Haran.

3 Ngayon sinabi sa akin ng Panginoon: Abraham, umalis ka sa iyong bansa, at sa iyong mga kamag-anak, at sa bahay ng iyong ama, patungo sa lupaing ipakikita ko sa iyo.

4 Kaya nga, aking nilisan ang lupain ng Ur, ng mga taga-Caldeo, upang magtungo sa lupain ng Canaan; at ipinagsama ko si Lot, na anak na lalaki ng aking kapatid, at ang kanyang asawa, at si Sarai na aking asawa; at gayon din ang aking ama ay sumunod sa akin, patungo sa lupaing tinawag naming Haran.

5 At ang taggutom ay humupa; at ang aking ama ay namalagi sa Haran at nanirahan doon, sapagkat maraming kawan sa Haran; at ang aking ama ay muling bumaling sa kanyang pagsamba sa mga diyus-diyusan, anupa’t siya ay nanatili sa Haran.

6 Subalit ako, si Abraham, at si Lot, na anak na lalaki ng aking kapatid, ay nanalangin sa Panginoon, at ang Panginoon ay nagpakita sa akin, at sinabi sa akin: Magbangon, at iyong ipagsama si Lot; sapagkat hangad kong ilayo kayo sa Haran, at gawin kang isang mangangaral upang dalhin ang aking pangalan sa isang di kilalang lupain na aking ipagkakaloob sa iyong mga binhi na susunod sa iyo bilang isang walang katapusang pag-aari, kapag sila ay makikinig sa aking tinig.

7 Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos; ako ay nananahanan sa langit; ang lupa ang aking tuntungan ng paa; iniuunat ko ang aking kamay sa dagat, at ito ay sumusunod sa aking tinig; pinapangyayari ko na ang hangin at ang apoy ay maging aking karuwahe; sinasabi ko sa mga bundok—Umalis mula rito—at masdan, ang mga ito ay naalis sa pamamagitan ng isang buhawi, sa isang saglit, pagdaka.

8 Ang pangalan ko ay Jehova, at nalalaman ko ang wakas mula sa simula; samakatwid, ang aking kamay ang gagabay sa iyo.

9 At gagawin ko mula sa iyo ang isang dakilang bansa, at ikaw ay pagpapalain ko nang hindi masusukat, at padadakilain ang iyong pangalan sa lahat ng bansa, at ikaw ay magiging isang pagpapala sa iyong mga binhi na susunod sa iyo, na sa kanilang mga kamay ay dadalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa;

10 At aking pagpapalain sila sa pamamagitan ng iyong pangalan; sapagkat kasindami ng tatanggap ng Ebanghelyong ito ay tatawagin alinsunod sa iyong pangalan, at ibibilang sa iyong mga binhi, at magbabangon at papupurihan ka, bilang kanilang ama;

11 At aking pagpapalain sila na magbibigay-puri sa iyo, at susumpain sila na susumpa sa iyo; at sa iyo (iyon ay, sa iyong Pagkasaserdote) at sa iyong mga binhi (iyon ay, ang iyong Pagkasaserdote), sapagkat ako ay nagbibigay sa iyo ng isang pangako na ang karapatang ito ay magpapatuloy sa iyo, at sa iyong mga binhi na susunod sa iyo (ibig sabihin, ang tunay na mga binhi, o ang mga binhi ng katawan) ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo, na mga pagpapala ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan.

12 Ngayon, matapos na ang Panginoon ay umalis mula sa pakikipag-usap sa akin, at ilayo ang kanyang mukha sa akin, ay nasabi ko sa aking puso: Ang inyong tagapaglingkod ay masigasig na naghanap sa inyo; ngayon, aking natagpuan kayo;

13 Isinugo ninyo ang inyong anghel upang iligtas ako mula sa mga diyos ni Elkenah, at makabubuti sa akin ang makinig sa inyong tinig, samakatwid, pabangunin ang inyong tagapaglingkod at palisanin nang mapayapa.

14 Kaya’t, ako, si Abraham ay lumisan tulad ng sinabi ng Panginoon sa akin, at kasama ko si Lot; at ako, si Abraham, ay animnapu’t dalawang taong gulang nang ako ay umalis sa Haran.

15 At ipinagsama ko si Sarai, na kinuha ko upang maging asawa noong ako ay nasa Ur, sa Caldeo, at si Lot, na anak na lalaki ng aking kapatid, at lahat ng aming ari-arian na aming natipon, at ang mga taong aming nahikayat sa Haran, at sumapit sa daanan patungo sa lupain ng Canaan, at nanirahan sa mga tolda habang kami ay naglalakbay;

16 Anupa’t, kawalang-hanggan ang aming panakip at ang aming bato at ang aming kaligtasan, samantalang kami ay naglalakbay mula sa Haran sa pagdaraan sa Jershon, upang makarating sa lupain ng Canaan.

17 Ngayon ako, si Abraham, ay nagtayo ng isang dambana sa lupain ng Jershon, at gumawa ng pag-aalay sa Panginoon, at nanalangin upang humupa na ang taggutom sa sambahayan ng aking ama, upang sila ay hindi masawi.

18 At pagkatapos ay dumaan kami sa Jershon sa lupaing nasa lugar ng Sichem; ito ay nasa mga kapatagan ng More, at narating na namin ang mga hangganan ng lupain ng mga Cananita, at ako ay nag-alay ng hain doon sa mga kapatagan ng More, at nanawagan sa Panginoon nang buong taimtim, sapagkat kami ay nakarating na sa lupain nitong bansang mapagsamba sa mga diyus-diyusan.

19 At ang Panginoon ay nagpakita sa akin bilang tugon sa aking mga panalangin, at sinabi sa akin: Sa iyong mga binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.

20 At ako, si Abraham, ay tumayo mula sa lugar ng dambana na aking itinayo sa Panginoon, at lumipat mula roon sa bundok na nasa silangan ng Betel, at itinayo roon ang aking tolda, ang Betel sa kanluran, at Hai sa silangan; at doon ay nagtayo ako ng isa pang dambana sa Panginoon, at muling nanawagan sa pangalan ng Panginoon.

21 At ako, si Abraham ay patuloy pa ring naglakbay patungo sa dakong katimugan; at nagkaroon ng patuloy na taggutom sa lupain; at ako, si Abraham, ay nagpasiyang magtungo sa Egipto, upang pansamantalang manirahan doon, sapagkat naging napakatindi ng taggutom.

22 At ito ay nangyari na nang malapit na akong pumasok sa Egipto, ang Panginoon ay nagsabi sa akin: Masdan, si Sarai, na iyong asawa, ay isang napakagandang babae sa paningin;

23 Kaya nga, ito ay mangyayari, na kapag makikita siya ng mga taga-Egipto, ay sasabihin nila—Siya ay kanyang asawa; at ikaw ay kanilang papatayin, subalit kanilang hahayaan siyang mabuhay; kaya nga, tiyaking iyong gawin ang ganito:

24 Sabihin niya sa mga taga-Egipto, siya ay iyong kapatid, at ang iyong kaluluwa ay mabubuhay.

25 At ito ay nangyari na ako, si Abraham ay sinabi kay Sarai na aking asawa, ang lahat ng sinabi sa akin ng Panginoon—Kaya nga, sabihin sa kanila, isinasamo ko sa iyo, na ikaw ay aking kapatid, upang ako ay mapabuti para sa kapakanan mo, at ang aking kaluluwa ay mabubuhay dahil sa iyo.