2023
Ang Hapunan sa Jerusalem
Abril 2023


“Ang Hapunan sa Jerusalem,” Kaibigan, Abr. 2023, 4–5.

Ang Hapunan sa Jerusalem

Inasam ni Gideon ang tradisyong ito taun-taon.

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Pamilyang naghahapunan sa nakalatag na kumot

Bisperas ng Pasko ng Pagkabuhay. Ibig sabihin ay magkakaroon ng hapunan sa Jerusalem ngayong gabi si Gideon at ang kanyang pamilya! Inasam ni Gideon ang tradisyong ito taun-taon. Pinangarap niyang magawa nila ito nang maraming beses sa isang taon. Pero sinabi ni Inay na kailangan nilang maghintay hanggang Pasko ng Pagkabuhay para panatilihin itong napakaespesyal.

Naglatag sina Gideon at Amelia ng kumot sa sahig na mauupuan ng lahat. Pagkatapos ay tinulungan ni Gideon sina Inay at Itay sa paghahanda ng pagkain. Mahilig siyang magluto. Paghahanda ng pagkain ang paboritong bahagi ni Gideon.

Lahat ng pagkain ay mga bagay na maaaring kinain ni Jesus noong narito Siya sa lupa. Siyempre, hindi sila sigurado. Pero masarap isipin na ang mga pagkain ding ito ang kinain ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo sa Jerusalem. Kaya nga tinawag ito ng pamilya ni Gideon na hapunan sa Jerusalem!

May bitbit si Gideon na isang basket ng flatbread at isang mangkok ng dried dates. Ipinatong niya ang mga iyon sa kumot. May honey ring puwedeng ipalaman sa flatbread. Nagdala si Amelia ng isang garapon ng olives at isang pinggan ng dried apricots at almonds. May dumating pang kaunting goat cheese at hiniwa-hiwang pipino. Sinundan ito ng isang plato ng isda at mga tasa ng tubig. Maingat na maingat ang mga bata sa pagdadala ng mga inumin para hindi tumapon ang mga ito.

Naupo ang lahat sa paligid ng kumot. Binasbasan ni Inay ang pagkain.

“Salamat po sa Inyo sa pagkakataong ito na alalahanin si Jesus sa Pasko ng Pagkabuhay,” dasal niya.

Pagkatapos manalangin, ipinasa-pasa ng mga bata ang mga pagkain. Kumuha sila ng ilang apricot at pipino. Hinawakan ni Gideon ang baby para hindi nito maitaob ang olives. Nagkamay ang lahat sa pagkain. Nag-usap-usap sila at nagtawanan.

Pinalamanan ni Gideon ng kaunting goat cheese ang tinapay niya. At dinagdagan pa niya ng kaunting honey. Napakasarap niyon!

“Ano ang paborito ninyong kuwento tungkol kay Jesus?” tanong ni Itay sa mga bata.

“Gustung-gusto ko po ang kuwento ng paglakad ni Jesus sa ibabaw ng tubig!” sabi ni Sullivan.

Itinuro ni Gideon ang plato ng isda. “At gustung-gusto ko po noong pinakain Niya ang lahat. Libu-libong tao ang pinakain Niya sa ilang tinapay at ilang isda lamang. Iyon po ang paborito ko.”

“Gustung-gusto ko rin ang mga kuwentong iyon,” sabi ni Inay. “Ginawang posible ni Jesus ang mga bagay na hinding-hindi natin magagawang mag-isa.”

“Nakakita na rin kami ng maraming himala sa buhay natin,” sabi ni Itay.

“Tulad ng paano tayo nagkaroon ng mga bagong kaibigan tuwing lilipat tayo ng bahay,” sabi ni Gideon.

“Tama!” sabi ni Inay. “Nakikita natin ang mga himala at pagpapala sa buong paligid natin.”

Pagkatapos ng hapunan, nabusog at masaya silang lahat. Tumulong si Gideon sa pagdadala ng mga plato sa lababo. Sa susunod na taon, magkakaroon silang muli ng hapunan sa Jerusalem. Pero hindi niya kailangang hintayin iyon para isipin si Jesus. Magagawa niya iyon araw-araw!

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Tania Rex