2023
Magpakailanman at Palagi
Abril 2023


“Magpakailanman at Palagi,” Kaibigan, Abr. 2023, 12–13.

Magpakailanman at Palagi

“Makikita ko bang muli si Rosie?” tanong ni James.

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Ina, ama, at anak na nakatingin sa isang photo album habang nakaupo sa harap ng templo

Nakaupong mag-isa si James sa kama niya. Napakatahimik ng bahay. Na-miss niya ang kanyang bunsong kapatid na si Rosie. Kailan lang ito pumanaw. Dalawang linggo lang ang edad nito noon.

Natagpuan ni James si Inay sa silid nito. Tiningnan niya ang kuna ni Rosie na walang laman. Nalungkot siya roon.

“Inay,” mahinang sabi niya, “nami-miss ko po talaga si Rosie.”

Ngumiti si Inay, pero mukhang malungkot din ito. Niyakap nito nang mahigpit si James. “Ako rin naman.”

“Makikita ko po ba siyang muli?” tanong ni James.

“Oo,” sabi ni Inay. “Balang-araw muli nating makikitang lahat si Rosie.”

Sinikap ni James na ilarawan si Rosie sa kanyang isipan. Naisip niya ang kulot na buhok at maliliit na kamay ni Rosie. Minahal niya si Rosie. Masaya siya na makikita niya itong muli balang-araw. Pero ngayon, malungkot siya na wala na si Rosie.

Larawan ng munting sanggol

Makalipas ang ilang araw, oras na para sa home evening. Kung minsa’y nagtuturo si Inay o si Itay ng lesson. Sa ibang pagkakataon naman ay sama-sama silang nagluluto ng pagkain. Pero sa linggong ito ay sinabi ni Itay, “Tara, pasyal tayo.”

Kinuha ni Inay ang isang malaking aklat, at sumakay sila ng kotse. Hindi nagtagal ay nakita ni James ang isang hardin na may pink, pula, at dilaw na tulips. Nakita niya ang isang mataas at puting gusali na may ginintuang estatwa sa tuktok. May espesyal na pakiramdam sa lugar na ito.

“Alam mo ba kung nasaan tayo?” tanong ni Itay.

“Sa templo po!” sabi ni James.

“Tama ka,” sabi ni Inay. “Dito kami ikinasal ni Itay.”

Lumabas sila ng kotse at umupo sa isang bangko. Binuklat ni Inay ang aklat. Nakita ni James ang isang larawan ng templo. Nasa larawan din sina Inay at Itay. Nakasuot ng mahaba at puting damit si Inay.

“Mukha po kayong reyna,” sabi ni James kay Inay. “At mukhang kastilyo ang templo.”

Ngumiti si Inay. “Ang templo ay mas espesyal kaysa sa kastilyo. Dahil sa templo, maaari nating makapiling ang ating pamilya magpakailanman.”

Binuklat ni Inay ang pahina. Itinuro ni James ang larawan ng isang sanggol na lalaki. “Ako po ba ito?” tanong niya.

“Oo,” sabi ni Inay. “Napakabait mong baby. Masayang-masaya ako na makakasama ka namin magpakailanman.”

Muling binuklat ni Inay ang pahina. May larawan doon si Rosie.

“Si Rosie rin?” tanong ni James.

“Si Rosie rin,” sabi ni Itay. “Kapag oras na para pumunta tayo sa langit, makakasama nating muli si Rosie.”

“Magpakailanman?” tanong ni James.

“Magpakailanman at palagi,” sabi ni Inay. Binuklat niya ang aklat sa huling pahina. Nakita ni James ang isang larawan niya na kasama sina Itay, Inay, at Rosie.

Tumingala si James sa templo. Na-miss niya si Rosie. Pero natuwa siya na gumawa ng paraan ang Ama sa Langit para magkasama-sama ang kanyang pamilya magpakailanman.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Hollie Hibbert