2023
Ikapu o Ice Cream?
Abril 2023


“Ikapu o Ice Cream?” Kaibigan, Abr. 2023, 10–11.

Ikapu o Ice Cream?

Puwede namang bayaran iyon ni Katy kalaunan, hindi ba?

Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.

Garapon na may mga barya sa loob, chocolate ice cream cone, at batang babaeng nakatingala na nakaturo ang daliri sa kanyang baba

Inihiga ni Katy at ng kapatid niyang si Christian ang kanilang mga bisikleta sa damuhan.

“Gusto mong bumili ng ice cream sa tindahan?” tanong ni Christian.

“Oo!” sabi ni Katy. Mainit sa labas, at mahirap magbisikleta. Parang masarap ngang mag-ice cream!

Tumakbo si Katy sa loob. Nakita niya ang maliit na bag na lalagyan niya ng pera. Nang buksan niya iyon, sumimangot siya. Kulang ang pera niya para sa ice cream.

Pagkatapos ay sinulyapan niya ang garapon ng pera sa kanyang istante. Doon niya inilalagay ang pambayad niya ng ikapu para ibigay sa bishop. Sapat ang pera doon para sa ice cream!

Kumuha ng kaunting pera si Katy mula sa garapon ng kanyang ikapu. Pagkatapos ay nagmadali silang pumunta ni Christian sa tindahan at pumili ng gusto nilang flavor. Medyo nakonsiyensya si Katy nang dilaan niya ang kanyang chocolate ice-cream cone. Pero kaunti lang naman ang kinuha niyang pera. Puwede naman niyang ibalik iyon kalaunan.

Makalipas ang ilang linggo, muling bumili ng ice cream si Katy. Kulang pa rin ang pera niya, kaya kumuha siya ng kaunti pa sa garapon ng kanyang ikapu. Babayaran ko rin ito, sabi niya sa sarili.

Patuloy na kumuha ng pera si Katy mula sa garapon ng kanyang ikapu. Palagi siyang nangangakong babayaran iyon. Pero mahirap nang tandaan kung magkano na ang nakuha niya. At wala siyang sapat na pera para palitan iyon.

Hindi nagtagal ay oras na para sa interbyu sa ikapu ng kanyang pamilya. Kakausapin sila ni Bishop Leavitt. Tatanungin nito ang bawat isa sa kanila kung nagbayad sila ng buong ikapu sa lahat ng perang kinita nila sa taong iyon.

Noong Linggong iyon, inilagay ni Katy ang natitira niyang pambayad ng ikapu sa isang sobre at ibinigay iyon sa bishop. Pero alam niyang hindi iyon sapat. Parang kumukulo ang tiyan niya.

Kalaunan, sama-samang naupo ang pamilya ni Katy sa opisina ni Bishop Leavitt.

“Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?” tanong ni Bishop Leavitt kay Christian.

“Oo!” sabi ni Christian.

Alumpihit si Katy sa kanyang upuan. OK lang bang sabihin sa kanya na nagbabayad din siya ng buong ikapu? Hindi pa niya nababayaran nang buo ang kanyang ikapu, pero babayaran niya iyon!

“Nagbabayad ka ba ng buong ikapu?” tanong ni Bishop Leavitt kay Katy.

Yumuko si Katy. Masamang magsinungaling.

“Hindi po,” mahina niyang sagot. “Ipinambili ko po ng ice cream ang kaunti sa pambayad ko ng ikapu.”

“Alam ko na nagpapasalamat ang Ama sa Langit sa ikapung ibinayad mo. At kapag nagkakamali tayo ng pasiya, maaari tayong magsisi at magsikap na magpakabuti.” Ngumiti si Bishop Leavitt kay Katy. “Alam kong sisikapin mong bayaran ang iyong buong ikapu sa hinaharap.”

Tumango si Katy. Gusto niyang magbayad ng buong ikapu!

Nang sumunod na kumita siya ng kaunting pera, inilagay ni Katy ang 10 porsiyento sa garapon ng kanyang ikapu. Pagkatapos ay nagdagdag pa siya ng kaunti. Sapat na kaya ito para palitan ang nakuha ko? naisip niya. Nagdagdag pa siya, sakaling hindi pa sapat iyon.

Pero nakokonsiyensya pa rin siya. Siguro puwede siyang magbayad ng mas malaking ikapu hanggang sa madama niya na napalitan na niya ang lahat ng nakuha niya. At nangalumbaba siya.

Pumasok si Inay sa kuwarto. “Ano’ng problema?”

Bumuntong-hininga si Katy. “Hindi ko po alam kung magkano ang kailangan kong bayarang ikapu para mapalitan ang ginastos ko.”

Niyakap ni Inay si Katy. “Natutuwa ako’t gusto mong itama ang mali mo,” sabi nito. “Pero kung minsa’y kailangan lang tayong magsimula kung nasaan tayo at subukang muli. Patatawarin tayo ng Ama sa Langit kapag ginawa natin ang lahat para magsisi.”

Totoo ba iyon? Kahit sa pagkakamali niya sa ikapu?

Pag-alis ni Inay, nagdasal si Katy. “Ama sa Langit, sori po at hindi ko binayaran nang buo ang aking ikapu. Gusto ko pong bayaran iyon, pero hindi ko alam kung magkano ang utang ko. Patatawarin po ba Ninyo ako at hahayaan akong magsimulang muli at subukan itong muli?”

Napanatag si Katy. Maganda sa pakiramdam ang paghingi ng tawad. Alam niya na tutulungan siya ng Ama sa Langit na magpakabuti mula noon!

PDF ng Kuwento

Larawang-guhit ni Matt Smith