“Pagsisikap na Marating ang Mars,” Kaibigan, Abr. 2023, 40–41.
Pagsisikap na Marating ang Mars
Nagkaroon ng misyon si Michelle. At nagsimulang lahat iyon sa pag-aaral.
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.
Naglagay ng patatas si Michelle sa kanyang plato. Tumingin siya sa kanyang pamilya na nakapaligid sa mesa. Siya ang bunso sa 10 magkakapatid, at ang ilan sa kanila ay nasa kolehiyo na ngayon. Gusto niyang marinig silang nagkukuwento tungkol sa pinag-aaralan nila.
“Ano ang gusto mong pag-aralan kapag nasa kolehiyo ka na?” tanong ng kuya niya. Nag-aaral ang kuya para maging engineer.
“Hindi ko pa talaga alam,” sabi ni Michelle.
“Maaari ka ring maging engineer,” sabi nito sa kanya. “Napakatalino mo.”
Gusto ni Michelle ang ideyang iyon. Gustung-gusto niya ang math at science. Mahusay din siya sa mga iyon. Alam niya na nais ng Diyos na matuto siya. At alam niya na tutulungan siya ng Diyos.
Nang tumanda na si Michelle, nag-aral nga siya sa kolehiyo para maging engineer. Nag-aral siyang mabuti para matuto. Mahirap ang ilang klase. Pero hindi sumuko si Michelle kailanman.
Habang nasa kolehiyo siya, ibinahagi niya ang ebanghelyo sa kaklase niyang si John. Kalaunan ay ikinasal sila sa templo. Nagtapos si Michelle at tumanggap ng kanyang master’s degree. Siya ay naging ina. Natanggap pa siya sa pangarap niyang trabaho na tumulong sa pagpapalipad ng mga rocket para galugarin ang kalawakan! Siya ay isang lider at nag-organisa siya ng mga proyekto para sa kanyang team.
Isang araw hiniling ng boss ni Michelle na magtrabaho siya sa isang espesyal na proyekto. Tutulong siyang lumikha ng isang robot na tinatawag na rover na ipadadala sa Mars. Tuwang-tuwa si Michelle! Sa loob ng ilang buwan, bumuo siya ng mga bagong disenyo at sinubukan niya ang mga iyon.
Pero matapos niyang gawin ang Mars rover sa loob halos ng isang taon, nakatanggap ng mahalagang video call si Michelle at ang kanyang asawa. Mula iyon kay Pangulong Henry B. Eyring. “Nais namin kayong anyayahan na maging mga mission leader,” sabi ni Pangulong Eyring. “Tatanggapin ba ninyo ang calling na ito?”
Nagtinginan sina Michelle at John. Ang pagpunta sa misyon ay nangangahulugan na kailangang iwan ni Michelle ang kanyang pangarap na trabaho. Hindi niya makikita ang paglipad ng Mars rover! Pero alam niya na mas mahalaga ang paglilingkod sa Panginoon. Nang binyagan siya, nangako siya na gagawin niya ang anumang ipagawa ng Panginoon.
“Opo,” sabi niya. Tumango ang kanyang asawa. “Maglilingkod kami.”
Ilang linggo matapos simulan nina Michelle at John ang kanilang misyon, lumipad ang isang rocket na lulan ang Mars rover. Hindi ito napanood ni Michelle. May ginagawa siyang iba pang mahahalagang bagay. Ibinahagi niya ang ebanghelyo at tinulungan ang mga missionary sa kanilang mission. Araw-araw, suot niya ang itim na name tag na may nakasulat na “Sister Amos,” na may pangalan ng Tagapagligtas sa ilalim.
Pagkaraan ng pitong buwan, sa wakas ay nakarating sa planetang Mars ang rocket na naglulan sa rover—mahigit 100 milyong milya (160 milyong km) ang layo. Pinayagan si Sister Amos na panoorin ang paglapag niyon online. Inanyayahan din niyang manood ang kanilang mga missionary.
Kinabahan si Sister Amos. Pinagsikapan niya nang husto at ng marami pang iba ang proyektong ito! Makakalapag kaya nang maayos ang rover?
Nakalapag nga iyon! Nagpalakpakan ang lahat ng missionary. Pagkatapos ay nagpatotoo si Sister Amos. “Lumikha si Jesucristo ng mga daigdig na walang katapusan,” sabi niya. “Nilikha Niya ang mga bituin, ang mga planeta, at ang buong sansinukob. Nais Niyang matuto tayo, lumago tayo, at gamitin natin ang ating mga talento para sa kabutihan.”
Ngumiti siya. Nagpasalamat siya sa mga paraan na pinatnubayan siya ng Diyos sa kanyang buhay. At nagpasalamat siya na maging missionary—na ibinabahagi ang Kanyang kamangha-manghang pagmamahal.