“Ang Matindi, Masama, at Nakakainis na Text,” Kaibigan, Abr. 2023, 36–37.
Ang Matindi, Masama, at Nakakainis na Text
“Naku!” sabi ni Zack.
Ang kuwentong ito ay naganap sa USA.
“Sige na, Rachel!” pagmamakaawa ni Zack sa ate niya. “Makipaglaro ka pang minsan sa amin!”
“Hindi na puwede, Zack. May homework ako,” sabi ni Rachel. “Baka bukas ng gabi.” Lumabas na siya ng kuwarto.
“Hindi ka na nakikipaglaro sa akin!” sabi ni Zack, nang mas malakas kaysa binalak niya.
“Zack,” sabi ni Itay, “hayaan mong gawin niya ang homework niya.” Ipinasa nito ang iba’t ibang piraso para sa laro habang nakasalampak si Zack sa upuan niya. Parang laging may ginagawang homework si Rachel. At sa susunod na taon ay nasa kolehiyo na siya! Halos hindi na niya ito makikita.
“Ikaw na, Zack,” sabi ni Inay.
Isinulong ni Zack ang pato niya at hinintay ang susunod na pagtira niya sa laro. Napatingin siya sa cell phone ni Inay. May naisip siya. Dinampot ni Zack ang cell phone at mabilis na nag-type ng text.
Hi, Rachel. Isa kang matindi, masama, at nakakainis na tao. Nagmamahal, Zack.
Hayan. Ngumisi si Zack at pinindot ang send. Naupo na siyang muli. Ngayon para manalo sa laro.
Pagkaraan ng ilang pagtira sa laro, tumunog ang cell phone ni Inay. Binasa ni Inay ang nasa screen.
“Um, Zack?” sabi niya. “Palagay ko para sa iyo ito.”
Ngumiti si Zack. Inisip niya kung ano ang magiging sagot ni Rachel. Kinuha niya ang cell phone at binasa ang text.
Hi, Zack. Isa kang banal na anak ng Diyos! Nagmamahal, Sister Stewart.
Bumaligtad ang sikmura ni Zack. “NAKU!” sabi niya. “Naku, naku, naku!”
“Ano na?” tanong ni Itay.
Hindi ang ate niyang si Rachel ang na-text ni Zack. Naipadala niya ang text kay Sister Stewart! Rachel Stewart. Sinabi niya sa ministering companion ni Inay na isa siyang matindi, masama, at nakakainis na tao! Isinubsob ni Zack ang kanyang mukha sa mga kamay niya. Gusto niyang gumapang sa ilalim ng mesa at manatili roon nang isandaang taon. Siguro’y isang libong taon.
“Ano’ng nangyayari, Zack?” tanong ni Inay.
“Nagpadala po ako ng masamang text kay Sister Stewart sa halip na kay Rachel. Hindi ko po sinasadya!” Mabilis na nag-text ulit si Zack kay Sister Stewart.
Sori po, Sister Stewart. Para po sa ate ko ang text na iyon.
Nakakagat-labi si Zack, habang naghihintay ng sagot nito. Magagalit po ba siya? Napakabait palagi ni Sister Stewart sa lahat. Paano kung nasaktan niya ang damdamin nito?
Tumunog ang cell phone ni Inay.
Zack, pinatatawad kita! Masaya akong makarinig mula sa iyo, kahit medyo parang hindi sa iyo nanggaling ang mga salita. Matagal na kitang kilala, at alam kong mabuti kang bata na gagawa ng mlalaking bagay balang-araw. Siguro may gagawin ka pang magandang bagay ngayong gabi!
Huminga nang malalim si Zack. Mas maganda na ang pakiramdam niya ngayon.
“OK ka lang ba?” tanong ni Inay.
“Palagay ko po,” sabi ni Zack.
“Masuwerte ka at kay Sister Stewart ka nag-text at hindi sa ibang tao,” sabi ni Inay. “Lagi siyang mabilis magpatawad.”
Tumango si Zack. Si Sister Stewart ay isang mabuting halimbawa. At alam niya na hindi pa rin niya dapat na ipinadala ang text na iyon, kahit sa kapatid pa niya. Alam niya na mahalagang gamitin ang kanyang mga salita para magsabi ng mabubuting bagay, hindi para saktan ang iba.
Bigla siyang tumayo. “Babalik po ako kaagad.” May kailangan po akong sabihin kay Rachel!”