“Isang Sorpresa sa Araw ng Linggo,” Kaibigan, Abr. 2023, 28–29.
Isang Sorpresa sa Araw ng Linggo
“Itay, bakit hindi kayo sumama sa aming magsimba?”
Ang kuwentong ito ay naganap sa Malaysia.
Gusto ni Janarthn na magsimba bawat linggo. Ayaw niyang pumalya ng kahit isang Linggo! Nag-iisang anak siya sa kanyang pamilya, kaya parang mga kapatid na niya ang mga kaibigan niya sa Primary. Gusto niyang mag-aral tungkol kay Jesus na kasama nila at kumanta na kasama nila. Kasama niyang magsimba ang nanay niya, pero hindi sumama kailanman ang tatay niya. Hindi miyembro ng Simbahan si Itay noon.
Isang gabi sa hapunan, nagtanong si Janarthn, “Itay, bakit hindi kayo sumama sa aming magsimba?”
Nagtaas ng ulo si Itay mula sa pagkakayuko sa plato nito. “Marami akong ginagawa tuwing Linggo.”
“Pero, Itay, mahalaga pong panatilihing banal ang araw ng Sabbath,” sabi ni Janarthn. “Iyon po ang sabi sa mga banal na kasulatan.”
Mukhang nagulat si Inay. “Nakinig ka talaga sa mga lesson mo sa simbahan. Pero OK lang na hindi sumasama sa atin ang tatay mo. Tinutulungan naman niya tayo sa maraming paraan.”
Habang naghahandang matulog si Janarthn, pinag-isipan niya kung ano kaya ang mangyayari kung magsisimba si Itay. Kung minsa’y medyo nalulungkot siya kapag nakikita niya na katabi ng mga kaibigan niya sa upuan ang mga magulang nila. Hinangad niyang makasama nila ni Inay si Itay.
Bago matulog, lumuhod si Janarth para magdasal. “Mahal na Ama sa Langit,” sabi niya, “hayaan po sana NInyong magkaroon ng oras ang tatay ko tuwing Linggo para makasama siya sa amin ni Inay. Gusto ko po talagang makatabi siya sa upuan sa simbahan.”
Isang araw ng Linggo pagkaraan ng ilang linggo, tinawag ni Inay si Janarthn sa kuwarto niya.
“Sori, pero hindi tayo makakasimba ngayon,” sabi nito. “Hindi maganda ang pakiramdam ko.”
Sumimangot si Janarthn. “Pero mami-miss ko po ang mga kaibigan ko at ang lesson ngayon. Gusto ko talagang magsimba.”
“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Inay. “Isang Linggo lang naman. At kung gusto mo, puwede nating tawagan ang Primary teacher mo para alam mo kung tungkol saan ang lesson.”
Hinagkan ni Janarthn sa noo si Inay. “OK lang po. Magpahinga na lang kayo, Inay. Alam ko po na malalaman ng Ama sa Langit kung bakit hindi ako makakasimba ngayon.”
Nagpunta si Janarthn sa kuwarto niya at kumuha ng kopya ng magasing Kaibigan. Kahit hindi siya makapagsimba, puwede pa rin niyang basahin ang mga kuwento para panatilihing banal ang araw ng Sabbath.
“Janarthn!” pagtawag ni Itay.
Lumabas ng kuwarto niya si Janarthn. “Ano po iyon, Itay?”
Nakangiti si Itay. “Magbihis ka. Alam ko kung gaano mo kagustong magsimba, at ayaw kong ma-miss mo iyon. Sasamahan kita.”
Nanlaki ang mga mata ni Janarthn. Hindi siya makapaniwala! Malaki ang ngiti niya habang nagmamadali siyang maghanda.
Sa simbahan ipinakilala ni Janarthn si Itay sa mga kaibigan niya. Naupo si Itay sa tabi niya sa sacrament meeting. Masayang-masaya si Janarthn na makasama ang tatay niya sa simbahan!
Pagkatapos ng miting, sinabi ni Itay, “May kailangan akong puntahan. Susunduin kita pagkatapos ng klase mo sa Primary, OK?”
“OK po,” sabi ni Janarthn. Ayaw sana niyang umalis si Itay, pero masaya siya na nakasama ito. Talagang napakagandang sorpresa noon sa araw ng Linggo!