“Problema sa Biyahe,” Kaibigan, Abril 2024, 4–5.
Problema sa Biyahe
“Magdasal tayo ulit,” sabi ni Emma.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Germany.
Ipinasok ni Emma ang huling sleeping bag sa camper van. Magbibiyahe ang kanyang pamilya papunta sa Italy para sa isang holiday weekend. Sabik na sabik silang lahat!
Naupo siya sa kanyang upuan na may dalang kumot at kaunting meryenda. Naupo sa tabi niya ang kanyang kapatid na si Max.
“Handa na ba lahat?” tanong ni Itay.
“Opo!” sabi nina Emma at Max.
Nadaanan nila ang mga gusali at puno. Napakaraming tao sa kalye. Pagkaraan ng ilang oras, masyado nang siksikan kaya tumigil ang lahat ng kotse.
Dinungaw ni Emma sa bintana ang mga tao sa mga kotseng katabi nila. Ang ilan ay mukhang inip na. Ang iba ay mukhang inis na.
Isang lalaki sa likuran nila ang lumabas ng kotse niya. Lumapit siya at kumatok sa bintana ni Itay.
Ibinaba ni Itay ang bintana niya. “Hi. “May maitutulong ba ako?”
Itinuro ng lalaki ang van nila. “Putok ang isang gulong ninyo.”
“Naku!” sabi ni Itay. Lumabas siya para tingnan iyon at kausapin ang lalaki.
Bumalik si Itay sa van. “Dalawa ang mapagpipilian natin. Maaari tayong tumigil sa susunod na rest area o pahingahan. O maaari tayong magdahan-dahan papunta sa pinakamalapit na camper site. Ipagdasal natin ito.”
Nagdasal si Inay. Hiniling niya sa Ama sa Langit na tulungan silang malaman kung ano ang dapat nilang gawin.
Tahimik silang lahat. Nakinig na mabuti si Emma para pakinggan ang Espiritu Santo. “Palagay ko po dapat tayong magbiyahe papuntang campsite,” sabi niya.
“Palagay ko nga,” sabi ni Itay.
Pagdating nila roon, may tinawagan sina Inay at Itay para hingan ng tulong. Makalipas ang ilang oras, dumating ang isang mekaniko para tingnan ang gulong.
“Mahihirapan tayong makahanap ng kasukat na gulong,” sabi nito. “Mag-order tayo ng bago, pero sarado ang lahat ng tindahan dahil holiday. Sa Martes pa tayo makakabili ng gulong.”
Sumimangot si Emma. Malayo pa ang Martes—at paano kung mahuli ng dating ang gulong? Sabik na siyang makapunta sa Italy. Pero ngayo’y baka hindi sila makarating doon!
“Magdasal tayo ulit,” sabi ni Emma.
“Magandang ideya,” sabi ni Inay. “Tandaan lang natin na kahit hindi tayo mabiyayaan ng gulong, laging naririnig ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin. Maaari pa ring maging masaya ang biyahe natin.”
Tumango si Emma. “Mahal na Ama sa Langit,” pagdarasal niya, “salamat po na pinanatili Ninyo kaming ligtas sa biyahe namin. Kung maaari po, tulungan Ninyo kaming mahanap ang tamang gulong para sa camper namin.”
Kinaumagahan, bumalik ang mekaniko. Pinagugulong nito ang isang malaking gulong papunta sa kanila.
“Mukhang makakarating talaga tayo sa Italy!” sabi ni Itay. Tuwang-tuwa sina Emma at Max.
“Paano ka nakahanap ng bagong gulong nang napakabilis?” tanong ni Max sa mekaniko.
“Nagtanong ako sa iba pang mga tao rito kung mayroon silang reserbang gulong na makakasukat,” sabi ng mekaniko. “At mayroon ngang isa!”
Ikinabit na ng mekaniko ang bagong gulong. Handa na silang magbiyahe! Tahimik na nagpasalamat si Emma sa panalangin. Hindi nakabiyahe ang kanilang pamilya ayon sa plano nila, pero narinig ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin.