Kaibigan
Ang Tanong sa Panalangin
Abril 2024


“Ang Tanong sa Panalangin,” Kaibigan, Abril 2024, 36–37.

Ang Tanong sa Panalangin

Nakikinig ba talaga ang Diyos nang magdasal si Xóchitl?

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Batang babaeng nakahiga sa kama

Nakahiga si Xóchitl sa kanyang bunk bed, na nakatingin sa kama sa itaas niya. Katatapos lang magdasal ng pamilya, at oras na para matulog. Hindi pa siya nakapagdarasal nang personal bago matulog.

Bakit kailangan nating magdasal? naisip niya. Paulit-ulit lang ang dasal ng kanyang pamilya, tulad ng pasasalamat sa Diyos at paghiling sa Kanya ng magagandang panaginip. Talaga bang nasagot ang mga dasal nila? Kung minsa’y mayroon pa rin siyang masasamang panaginip.

Ano ang mangyayari kung tumigil siya sa pagdarasal? Handang subukan ang kanyang bagong ideya, tumagilid siya sa kama at natulog.

Nang sumunod na ilang araw, hindi nagdasal si Xóchitl. Pagkatapos ay naging mga linggo ang mga araw. Wala naman talagang nagbago. Wala naman siyang naramdamang kakaiba.

Tinapos niya ang natitirang mga buwan ng pasukan sa eskuwela, at hindi nagtagal ay tag-init na. Masaya si Xóchitl sa mga swimming lesson at pakikipaglaro sa mga aso niya. Nakita niya ang kanyang mga pinsan sa isang malaking pagtitipon ng pamilya.

Gabi-gabi, kasama siya ng pamilya sa pagdarasal. Pero hindi pa rin siya nagdarasal nang personal.

Hindi nagtagal at natapos na ang tag-init, at nagsimulang maghanda si Xóchitl sa pagpasok sa eskuwela. Pero hindi man lang siya natuwa roon. Ilang araw bago nagsimula ang pasukan, nakilala niya ang bago niyang guro, nakita ang locker niya, at nagkaroon siya ng bagong backpack. Kapag naiisip niya ang pagpasok sa eskuwela, sumasama ang pakiramdam niya. Lumala ang pakiramdam na iyon araw-araw.

Batang babaeng naka-backpack sa harap ng mga locker

Isang gabi nanatili siyang gising sa kama niya, na nag-iisip tungkol sa eskuwela. Ayaw kong pumasok. Nakakatakot, naisip niya. Pagkatapos ay naalala niya ang itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang tungkol sa panalangin. Sabi nila maaari siyang magdasal kahit saan at na maaari siyang humingi ng tulong at kapanatagan sa panalangin.

Lumuhod si Xóchitl sa tabi ng kama niya at huminga nang malalim. Sa unang pagkakataon sa loob ng ilang buwan, nagdasal siya. Nagdasal siya sa Ama sa Langit. Pinasalamatan niya ang Ama at hiniling sa Kanya na magkaroon ng magagandang panaginip tulad ng ginawa nila noon sa mga panalangin ng pamilya. Nang matapos siya, wala siyang gaanong nadamang kakaiba.

Nang sumunod na gabi, sinubukan niyang muli. At muli. Hiniling niya sa Ama sa Langit na basbasan ang propeta at ang kanyang pamilya. Hindi nagtagal ay sinasabi na niya sa Ama ang kanyang damdamin at ang inaasam niya sa bago niyang eskuwela.

“Ama sa Langit,” sabi niya isang gabi, “Takot na takot po akong pumasok sa eskuwela. Hindi po ako makatulog. Maaari po bang tulungan Ninyo ako na hindi na matakot?” Binalot siya ng matinding kapayapaan, na halos parang mainit na kumot. Agad-agad, nabatid niya na iyon ang Espiritu Santo.

Batang babaeng nakaluhod at nagdarasal sa tabi ng kama

Ito pala ang dahilan kaya tayo nagdarasal, naisip niya. Para madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Napakaganda ng pakiramdam na iyon. Sa lahat ng buwang iyon na hindi siya nagdasal, hindi siya nagkaroon ng gayong pakiramdam.

Napangiti si Xóchitl. Kabado pa rin siyang magsimulang pumasok sa eskuwela, pero mas matapang na siya dahil alam niya na maaari siyang aliwin ng Diyos. Maaari niya talagang ipagdasal na mapanatag siya kahit kailan, kahit saan, dahil talagang nakikinig ang Diyos.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Kevin Fales