Kaibigan
Magliwanag
Abril 2024


“Magliwanag,” Kaibigan, Abril 2024, 18–19.

Magliwanag

Gustong gawin ni Lynn ang gagawin ng Tagapagligtas.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Zimbabwe.

Masikat ang araw, at tumakbo si Lynn sa labas para maglaro. Naglalaro ng kickball ang iba pang mga bata sa baryo. Nakagawa sila ng sarili nilang bola sa paglukot ng mga papel at pagbabalot ng mga ito nang mahigpit sa mga plastic bag.

Nagmadali si Lynn para makisali sa kanila. Pero biglang may pumigil sa kanya.

Nakaupo sa ilalim ng puno sa malapit ang isang batang babaeng nagngangalang Awesome. Nakaturo sa kanya ang ilang bata at nagtawanan. Pero hindi tumawa si Awesome. Sa halip, tinakpan niya ng kanyang mga kamay ang kanyang mukha. Dumaloy ang malalaking patak ng luha sa kanyang pisngi.

Hindi nagtagal ay sumali ang iba pa sa kickball game at naiwang mag-isa si Awesome.

Tiningnan ni Lynn ang mga batang nagkakasayahan. Pagkatapos ay tiningnan niya si Awesome. Gusto niyang gawin ang gagawin ni Jesucristo.

Dalawang batang babaeng nakaupo sa ilalim ng puno at nakaturo ang iba pang mga bata sa kanila

“OK ka lang ba?” tanong ni Lynn. Nginitian niya si Awesome.

Pinahid ni Awesome ang kanyang mga luha at tumango.

Dinampot ni Lynn ang dalawang maliliit na patpat at inabutan ng isa si Awesome. “Gusto mo bang magdrowing tayo?

“Sige.” Kinuha ni Awesome ang patpat at nagdrowing ng bilog sa lupa.

“Mukhang araw iyan,” sabi ni Lynn. “Lagi akong pinasasaya ng araw.” Naghagikgikan ang mga bata habang nagdodrowing sila ng iba pang mga larawan. Gusto ni Lynn si Awesome.

Pagkatapos ay may naisip si Lynn. “Gusto mo bang sumama sa aking magsimba bukas? Kakanta tayo at mag-aaral tungkol kay Jesucristo. Masaya talaga.”

“OK,” sabi ni Awesome. “Magpapaalam ako sa nanay ko.”

Nang tumakbo si Awesome para hanapin ang kanyang ina, medyo kinabahan si Lynn. Alam niya na may ilang tao sa lugar nila na ayaw sa Simbahan.

Pero hindi nagtagal ay patakbong bumalik si Awesome. “Pumayag ang nanay ko!” Niyakap niya nang mahigpit si Lynn. “Sabi ko sa kanya ikaw na ang pinakamatalik kong kaibigan!”

Kinabukasan, nagsimba sina Lynn at Awesome. Mahabang paglalakad iyon. Tinuruan ni Lynn si Awesome ng ilang awitin sa Primary habang naglalakad sila.

Dalawang batang babaeng naglalakad sa daan

Habang nasa daan, nakita nila ang iba pang mga batang naglalakad kasama ang pamilya nila papunta sa simbahan. Ang ilan sa kanila ay siya mismong mga naging salbahe kay Awesome.

“Magsisimba rin ba sila?” kinakabahang tanong ni Awesome.

“Huwag kang mag-alala,” sabi ni Lynn. “OK lang iyan.” Tahimik na ipinagdasal ni Lynn na maging mabait sana ang iba sa bago niyang kaibigan.

Nang pumasok sila sa Primary, nginitian ng iba pang mga bata si Lynn. Pero nang makita nila si Awesome, naglaho ang ngiti ng ilan sa kanila. Parang medyo nag-aalala at kabado rin sila.

Binasa ni Sister Moyo ang isang talata sa banal na kasulatan. “Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”* Tumingala siya. “Maaari nating ibahagi ang ating liwanag sa pagpapakita ng pagmamahal sa iba. Mayroon bang makakapagbahagi kung paano ninyo ipinadama sa isang tao na minamahal siya?”

Walang kumibo. Nagkuyakoy ang paa ng ilan sa mga bata sa ilalim ng upuan nila.

Sa wakas, sinabi ng isa sa mga batang lalaki, “Ah, Awesome, naging salbahe kami sa iyo. Sori at pinaiyak ka namin. Puwede mo ba kaming patawarin?”

Tumingin si Lynn kay Awesome. Ano ang sasabihin niya?

Dahan-dahang tumango si Awesome. “Oo,” sagot niya. “Pinapatawad ko na kayo.”

Mga bata sa Primary class

Ngumiti si Sister Moyo. “Ang lalakas ng loob at ang babait ninyo. Alam kong pinasaya ninyo nang husto ang Tagapagligtas.”

Kinabukasan, naupo sina Lynn at Awesome sa ilalim ng puno at kumanta ng mga awiting natutuhan nila sa Primary. Maya-maya ay narinig sila ng iba pang mga bata na kumakanta at sumali sa kanila. Napuno ng musika ang paligid nang kumanta silang lahat.

Pakiramdam ni Lynn ay sumisikat ang araw sa puso niya. Nagpasalamat siya na naibahagi niya ang pagmamahal ni Jesucristo sa kanyang kaibigan.

PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Katie Rewse