“Mga Leon sa Kakahuyan,” Kaibigan, Abril 2024, 32.
Kaibigan sa Kaibigan
Mga Leon sa Kakahuyan
Mula sa isang interbyu ni Linda Davies.
Noong anim na taong gulang ako, nag-hiking ang aming pamilya sa kabundukan. Sa daan pabalik, patakbo na kaming nagpauna ng kuya kong si Barrie. Tuwang-tuwa kami!
Gustung-gusto naming makita ang mga bato, bulaklak, ibon, at maliliit na nilikha. Pero hindi nagtagal natanto namin na wala na kaming kasama, at nawala na ang daan.
Hindi namin alam kung paano bumalik. Napapaligiran kami ng mga puno. Naisip ko na baka may mga leon na nagtatago sa likod ng bawat puno! Sabi ni Barrie dapat kaming sumigaw para humingi ng tulong. Matagal kaming nagsisigaw, pero walang nakarinig sa amin.
Sa huli, bumaling sa akin si Barrie at nagsabing, “Palagay ko dapat tayong magdasal.”
Magandang ideya ang naisip niya. Habang nagdarasal siya, nanatiling bukas ang isang mata ko para bantayan kung may mga leon. Pagkatapos naming magdasal, kumalma kami.
Noon din, nakarinig kami ng kaluskos sa mga puno. Sigurado akong leon iyon! Pero bago ako natakot nang husto, nakita ko kung sino iyon. Si Itay pala! Nagpasalamat kami na nasagot ang panalangin namin.
Habang naglalakad kami pabalik sa daan, sinabi namin kay Itay na nagdasal kami. Tumigil siya at sinabing, “Kailangan nating magdasal ulit para pasalamatan ang Ama sa Langit sa tulong Niya.”
Masaya kaming yumuko, at pinasalamatan ko Siya sa pagsagot sa panalangin namin. Sa pagkakataong ito, siniguro ko na nakapikit ang dalawang mata ko!