“Si Louie, si Nephi, at ang Piyano,” Kaibigan, Abril 2024, 30–31.
Si Louie, si Nephi, at ang Piyano
PLUNK! Mahirap ang bahaging ito ng awitin.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa Taiwan.
“Handa ka na, Louie?” tanong ni Miss Li.
Tumango si Louie. Ipinuwesto niya ang kanyang mga daliri sa itim at puting mga teklado ng piyano at nagsimulang tumugtog. Plink, plink, plink. Gustung-gusto niyang tugtugin nang sabay-sabay ang lahat ng nota para makakatha ng musika. Tinugtog niya ang buong unang pahina at tumuloy sa sumunod na pahina.
PLUNK. Oops. Palagi siyang nahihirapang tugtugin ang bahaging iyon. Napakaraming mabibilis na nota. Nagsimulang muli si Louie mula sa umpisa.
PLUNK. Sumimangot si Louie. Na naman!
“OK lang,” sabi ni Miss Li. “Subukan natin ulit nang dahan-dahan.”
Ilang beses pang nagpraktis si Louie sa tulong ni Miss Li. Pero hindi pa rin niya matugtog nang maayos ang bahaging iyon.
“Medyo mahirap ang bahaging ito, pero alam kong kaya mo ito,” sabi ni Miss Li. “Sa palagay mo ba makakapagpraktis ka pa sa bahay bago ang pagtatanghal?”
“Palagay ko po,” sabi ni Louie.
Kinabukasan, muling nagpraktis ng piyano si Louie. Pero patuloy siyang nagkakamali sa bahaging iyon! Plink, plink, PLUNK.
Pumasok si Itay sa kuwarto. “Kumusta na?” tanong nito.
Itinuro ni Louie ang mga nota sa piyesa. “Mahirap po talaga ang bahaging ito. Paulit-ulit ko pong tinutugtog ito!”
“Mukhang mahirap iyan,” sabi ni Itay. “Pero nagpapaalala ito sa akin ng isang kuwento sa Aklat ni Mormon. Ang kuwento tungkol sa pagbalik ni Nephi para kunin ang mga lamina.”
Nanlaki ang mga mata ni Louie. “Gustung-gusto ko po ang kuwentong iyan! Nagpabalik-balik si Nephi para subukan iyong muli. At tinulungan siya ng Ama sa Langit.”
Ngumiti si Itay. “Tama iyan. Palagay ko kung patuloy kang magsisikap, tutulungan ka ng Ama sa Langit tulad ng pagtulong niya kay Nephi.”
Tumango si Louie at nagsimulang muli. Naupo si Itay sa isang silya malapit kay Louie at nakinig. Nagtuon si Louie sa mahirap na bahagi. Dahan-dahan niyang tinugtog ang bawat nota.
Pagkatapos ay muling tinugtog ni Louie ang buong awitin. Tuwing tutugtog siya, mas bumibilis siya. Sa wakas ay natugtog niya nang tama ang lahat ng nota! Napakaganda ng pakiramdam niya. Ni hindi niya napansin kung gaano katagal iyon inabot.
“Nagawa mo rin! Ang galing,” sabi ni Itay.
Tumayo si Inay sa may pintuan. “Ang ganda ng tugtog mo, Louie!
“Salamat po,” sabi ni Louie. “Natutuhan ko na rin sa wakas ang mahirap na bahagi.”
Niyakap ni Inay si Louie. “Ipinagmamalaki kita sa pagsisikap nang husto.”
Sa gabi ng pagtatanghal, kinabahan si Louie. Kumakabog ang puso niya. Pinagpapawisan ang mga kamay niya.
Sa huli, tinawag ang pangalan niya. Naglakad siya papunta sa entablado at tumingin sa mga magulang at mga batang nakikinig. Sinabi niya ang pamagat ng kanyang tutugtugin, pagkatapos ay umupo na siya sa matigas na bangko.
Huminga nang malalim si Louie at ipinuwesto ang mga kamay niya sa makikintab na teklado. Alam niyang nagawa na niya ang lahat ng kaya niya. Tutulungan siya ng Ama sa Langit.
Nagsimulang tumugtog si Louie. Natugtog niya ang mga nota tulad ng napraktis niya. Pagkatapos ay dumating siya sa mahirap na bahagi.
Tinugtog niya nang tama ang bawat nota. Parang hindi na ito gaanong mahirap sa sandaling ito!
Sa wakas ay tinugtog niya ang huling nota ng awitin. Pumalakpak ang lahat nang angatin niya ang kanyang mga daliri mula sa mga teklado. Ngumiti si Louie at yumukod. Nakita niya sina Inay, Itay, at ang kanyang mga kapatid na pumapalakpak at nakangiti. Nagawa niya iyon! Paulit-ulit niyang sinubukan iyon kahit mahirap, tulad ni Nephi. At natulungan siya ng Ama sa Langit.