“Isang Mas Magandang Gawi,” Kaibigan, Abril 2024, 10–11.
Isang Mas Magandang Gawi
Sa Primary, natutuhan ko na espesyal ang pangalan ng Panginoon.
Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.
Nagsimula ito sa four square.
Ang four square ay isang laro na nilalaro ng ilang bata sa labas ng paaralan kapag rises. Apat na manlalaro ang tatayo sa isang kuwadrado at patatalbugin ang isang bola papunta sa isa’t isa. Kung hindi nila nasalo ang bola, tanggal na sila sa laro.
Kabado ako noong una akong maglaro nito. Pero medyo magaling ako rito. Masaya!
Pagkatapos ay hindi nasalo ng batang babaeng katapat ko ang bola. Binanggit niya ang pangalan ng Ama sa Langit at tumawa. “Ang galing mo, Gwen,” sabi niya. “Tanggal na yata ako!”
Hinawakan ko nang mahigpit ang bola. Ginamit niya ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan! Parang pagmumura iyon.
Pero walang ibang nag-iisip na masama iyon. Nagtawanan silang lahat, na para bang nakakatawa o astig iyon.
Patuloy kaming naglaro. Pagkatapos ay naulit iyon. Mayroong hindi nakasalo sa bola at binanggit ang pangalan ng Ama sa Langit na parang nagmumura.
Makalipas ang ilang minuto, hindi ko rin nasalo ang bola. At tulad lang ng iba, ginamit ko ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Nagtawanan ang mga bata at nakipag-high five sa akin nang bumalik ako sa linya para maglaro ulit.
Pagkatapos niyon, araw-araw na akong naglaro ng four square … at paulit-ulit kong binabanggit ang pangalan ng Panginoon.
Isang araw sumali ang kaibigan kong si Abby sa laro. Ipinasa niya sa akin ang bola. Hindi ko iyon nasalo at binanggit ko ang pangalan ng Ama sa Langit.
Napakurap si Abby sa gulat. “Hindi mo naman sinasabi iyan dati.”
Tama siya. Sa bahay at sa Primary, natutuhan ko na ang pangalan ng Panginoon ay espesyal at hindi natin iyon dapat gamitin para magmura o magbiro. At ginawa ko iyan—nang ilang linggo! Sumama ang pakiramdam ko.
Pagkatapos ng klase, nakita ko si Inay sa opisina niya.
“Hi, anak,” sabi niya.
Napaiyak ako. Sinabi ko sa kanya ang lahat tungkol sa four square at ang pagbanggit ng pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. “Hindi ko po alam kung makakatigil ako,” pasinghot na sabi ko.
Niyakap niya ako nang mahigpit. “Maaaring ganyan ang pakiramdam mo ngayon. Pero alam kong matutulungan ka ng Ama sa Langit.”
“Paano po?” tanong ko.
“Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbalik sa Ama sa Langit at pagsisikap namagpakabuti pa,” sabi ni Inay. “Hindi magiging madali, pero maaari kang humingi ng tulong sa panalangin. Kapag gumamit ka ng mas mabubuting salita, maaalis ang dati mong gawi.”
Tinulungan ako ni Inay na gumawa ng listahan ng mga bagong salitang maaari kong sambitin sa halip na sambitin ang pangalan ng Panginoon. Pagkatapos ay magkasama kaming nagdasal. Sinabi ko sa Ama sa Langit na sising-sisi ako at humingi ako ng tulong na makagamit ako ng mabuting pananalita.
Kinabukasan huminga ako nang malalim bago ako naglaro ng four square. Nang hindi ko nasalo ang bola, muntik ko nang banggitin ulit ang pangalan ng Ama sa Langit, pero nagpigil ako. Sa halip, bumigkas ako ng isang salitang nasa listahan ko.
“Ay, naku!” sabi ko. Ang sarap sa pakiramdam!
Araw-araw sinikap kong gumamit ng mas magandang pananalita. Nagkakamali pa rin ako kung minsan. Pero patuloy akong nagdasal at nagsikap. Hindi nagtagal natapos ko ang buong laro nang hindi binabanggit ang pangalan ng Panginoon. Pagkatapos ay buong isang linggo. Pagkatapos ay buong isang buwan!
Alam ko na tinulungan ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magsisi at baguhin ang aking gawi—at mas maganda sa pakiramdam iyon kaysa manalo sa anumang laro!