2022
Si Jesucristo ay Nag-aalok sa Atin ng Pag-asa
Setyembre 2022


“Si Jesucristo ay Nag-aalok sa Atin ng Pag-asa,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022.

Si Jesucristo ay Nag-aalok sa Atin ng Pag-asa

Kapag naglilingkod tayo sa iba, binibigyan tayo ni Jesucristo ng pag-asa na magiging maayos ang mga bagay-bagay sa sarili nating buhay.

mga binatilyong nagtutulak ng wheelbarrow o baguleta

Mga binatilyong mula sa Cusco, Peru, na nagtutulungan upang makapaglingkod.

Ang buhay na ito ay puno ng maraming hamon. Marahil ay naranasan na ninyo ang ilan. Maraming dahilan ng stress at pag-aalala, takot at pagkabalisa. Kapag nararanasan natin ang mga bagay na ito, ang karaniwang ginagawa natin ay tumuon sa ating sarili—ang asikasuhin ang ating sarili at ang sarili nating mga pangangailangan nang higit sa lahat. Iniisip natin na kung gugugulin natin ang ating oras at lakas sa pagsisikap na “ayusin” ang mga bagay-bagay, maaayos natin ang ating mga problema.

Pero nagpakita sa atin si Jesus ng mas mainam na paraan. Itinuro Niya: “Sinumang nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon” (Lucas 17:33). Ang pinakamabilis na paraan para makahanap ng pag-asa sa inyong mga pagsubok ay ibaling ang inyong puso sa Tagapagligtas at tularan ang Kanyang halimbawa at paglingkuran ang iba.

Pinagagaling ni Jesucristo ang lalaki sa Betesda

The Healing at Bethesda [Ang Paggaling sa Betesda], ni Gary Smith

Ang buhay ng Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng pagmamahal at kabutihang-loob sa mga tao. Kinalimutan Niya palagi ang Kanyang sarili alang-alang sa iba. Ang Kanyang di-makasariling mga gawa ay nakita sa lahat ng Kanyang ginawa sa bawat araw ng Kanyang buhay at hindi naging limitado sa isang partikular na panahon o okasyon.

Kapag itinuon natin ang ating mga puso sa ibang tao tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, tinitiyak ko sa inyo na magkakaroon tayo ng napakaraming pagkakataong ibigay ang ating mga sarili nang tahimik at nang may kabaitan sa mga taong nangangailangan sa atin.

Tutulungan tayo nitong makilala nang mas mabuti ang Tagapagligtas at matagpuan para sa ating sarili ang kapayapaan sa mundo habang mas nagkakaroon pa tayo ng higit na pag-ibig sa kapwa-tao. Kapag “nawalan [kayo ng] buhay” habang tinutulungan ang iba at tinutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, tutulungan Niya kayo.

mga binatilyong nagbubuhat ng mga laryong putik

Mga Anghel sa Araw-araw

Kadalasan, inaakay ng Tagapagligtas ang iba sa ating buhay upang tulungan tayong maghatid ng kapayapaan at kapanatagan na kailangan natin sa mga oras ng pagsubok. Ang pakiramdam natin sa mga taong ito ay tulad sila ng mga anghel na isinugo mula sa langit, dahil ganoon talaga sila.

Naranasan ng pamilya namin sa ilang magkakaibang pagkakataon ang kapanatagan at kapayapaan na maaaring maidulot ng isang makabagong hukbo ng mga anghel. Nais kong gunitain ang isa sa mga pagkakataong iyon. Noong 2003, lumipat kami sa Utah sa Estados Unidos mula sa Brazil na bayang sinilangan namin.

Noong taglamig na iyon, hinagupit kami ng isa sa mga pinakamalakas na snowstorm na naranasan ng Utah sa loob ng maraming taon. Noon lang kami nakaranas ng ganoon sa buong buhay namin, dahil lumaki kami sa isang mas tropikal na lugar. Ang aming bahay ay nasa sulok ng isang burol na may napakahabang bangketa.

Nang magsimula ang pag-ulan ng snow, buong tapang na sinimulan ng asawa ko ang pag-aalis ng niyebe sa daang patungo sa garahe at sa bangketa. Hindi ako nakatulong dahil nadulas ako sa yelo at nabali ang buto sa may pulsuhan ko ilang araw na ang nakararaan. Inoperahan ako dahil sa aksidenteng iyon at nasemento ang braso ko.

Nang simulan niyang alisin ang niyebe sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay, walang kaalam-alam ang mahal kong asawa na kailangan niyang baguhin ang direksyon ng chute pagkatapos linisin ang isang panig ng daan patungo sa garahe. Kaya, nang magpunta siya sa kabilang panig para maglinis, doon napunta ang niyebeng galing sa chute. Nagparoo’t parito siya, pero walang nangyari. Ang laking problema!

Dahil sa kanyang matagal na pagkalantad sa lamig, nagkaroon siya ng impeksyon sa magkabilang tainga at naging halos lubusang bingi sa loob ng dalawang buwan. Kasabay nito, napinsala ang likod ng 16 na taong gulang kong anak na lalaki habang nag-i-sledding at kailangang manatili sa higaan para gumaling. Kaya hayun kami, isang nakaratay sa kama, isang bingi, isang nakasemento ang braso, at giniginaw lahat.

Natitiyak ko na awang-awa sa amin ang mga kapitbahay namin. Sa isa sa malalamig na umagang iyon, mga bandang alas-5 ng umaga, nagising ako sa tunog ng snowblower sa labas ng aking bintana. Dumungaw ako sa labas at nakita ko ang kapitbahay ko na nakatira sa kabila ng kalye na si Brother Blain Williams. Sa edad na halos 70 anyos, lumabas siya sa kanyang komportableng bahay at tahimik na pumunta at tinanggal ang niyebe mula sa garahe namin at sa bangketa, batid na hindi namin iyon kayang gawin.

snowblower

Larawang kuha mula sa Getty Images

Dumating din sa aming bahay ang isa pang kaibigan na si Brother Daniel Almeida para ihatid ako sa Salt Lake City upang makapasok ako sa trabaho, sapagkat hindi ako makapagmaneho dahil sagabal ang nakasementong braso ko. Naroon sila para sa akin tuwing umaga, ipinapakita ang kanilang pagmamahal sa mga simpleng pagpapakita ng kabaitan na ito, hanggang sa gumaling ang pamilya ko at nakaya na naming gawing muli ang mga bagay-bagay nang kami na lang.

Noong taglamig na iyon ng 2003, ipinadala sa amin ang mga mala-anghel na kapatid na ito. Tinularan ng dalawang kalalakihang ito ang halimbawa ng ating Tagapagligtas at inuna nila ang aming pangangailangan bago ang sa kanila.

Ang Tagapagligtas ay Nag-aalok ng Kapayapaan

Ang paglilingkod sa iba ay nagbibigay sa atin ng mas mataas at mas banal na pananaw. Kapag naglilingkod tayo sa iba, binibigyan tayo ni Jesucristo ng pag-asa na magiging maayos ang mga bagay-bagay sa sarili nating buhay.

Ang pagbaling ng ating puso sa ibang tao tulad ng ginawa ng Tagapagligtas ay magpapala sa atin ng walang hanggang oportunidad na ibigay ang ating sarili nang tahimik at may kabaitan sa mga taong nangangailangan sa atin. Ang pamumuhay na tulad ng Tagapagligtas ay tumutulong din sa atin na magkaroon ng higit na pag-ibig na tulad ng kay Cristo sa iba. Tinutulungan tayo nitong magkaroon ng mas malaking pagmamahal, kapayapaan, liwanag, at panibagong lakas.

mga sister

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na hanapin Siya sa bawat pag-iisip at sumunod sa Kanya. Ito ay nagbibigay sa atin ng pangako na maaari tayong magsilakad sa Kanyang liwanag at na pipigilan ng Kanyang patnubay na makapasok ang impluwensya ng kadiliman sa ating buhay. Kapag kayo ay “nawalan” ng inyong buhay sa Kanya, tutulungan Niya kayong matagpuan ang inyong sarili.

mga batang lalaki sa eskuwela

Larawang kuha mula sa Getty Images

Bumaling kay Cristo, sa Tuwina

Tapat kong pinatototohanan na si Jesus ay nagbangon mula sa mga patay at na Siya ay buhay. Pinatototohanan ko sa inyo na sa pamamagitan Niya at ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, naglaan ang Tagapagligtas ng paraan upang madaig ang kamatayan, kapwa sa pisikal at espirituwal.

Dagdag pa rito, nag-aalok din Siya sa atin ng kapanatagan at kasiguruhan sa mahihirap na panahon. Tinitiyak ko sa inyo na kapag nagtiwala tayo kay Jesucristo at sa Kanyang selestiyal na nagbabayad-salang sakripisyo, na nagtitiis nang may pananampalataya hanggang sa huli, matatamasa natin ang mga pangako ng ating minamahal na Ama sa Langit, na ginagawa ang lahat ng bagay na nasa kapangyarihan Niya upang tulungan tayong makabalik sa piling Niya balang-araw.