2022
Apat na Susi ni Nephi sa Pag-unawa sa Isaias
Setyembre 2022


“Apat na Susi ni Nephi para Maunawaan ang Isaias,” Para sa Lakas ng mga Kabataan , Set. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Isaias

Apat na Susi ni Nephi sa Pag-unawa sa Isaias

Nahihirapan ka bang basahin ang Isaias? Narito si Nephi para tumulong!

Larawan
si Nephi na nagsusulat sa mga laminang ginto

Mga paglalarawan ni Kevin Keele

Malinaw na ang mga isinulat ng propetang si Isaias sa Lumang Tipan ay mahalaga dahil madalas banggitin ang mga ito sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon. Sinabi mismo ng Panginoon, “Dakila ang mga salita ni Isaias” (3 Nephi 23:1).

Kahit na ganoon, bakit napakahirap pa ring maunawaan ang mga ito?

Huwag panghinaan ng loob! Alam ni Nephi ang ating paghihirap. Sumang-ayon siya na “nangusap si Isaias ng maraming bagay na mahirap maunawaan” (2 Nephi 25:1). Mabuti na lang, binigyan tayo ni Nephi ng apat na susi na makatutulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng mga salita ni Isaias.

Unang Susi: Nabubuhay sa mga Huling Araw

Isinulat ni Nephi na ang mga nabubuhay sa “mga huling araw” ay “mauunawaan” ang mga salita ni Isaias (2 Nephi 25:8). Marahil ay dahil may pananaw ang mga tao sa mga huling araw na wala sa mga tao sa panahon ni Isaias. Noong araw, maaaring hindi pa nauunawaan ng mga tao kung paano “[tatawagin ng mga tao] ang mabuti na masama, ang masama [na] mabuti” (Isaias 5:20) ngunit nakikita natin itong nangyayari sa buong paligid natin.

Gayundin, maaaring hindi naunawaan ng mga tao noon ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito, kahanga-hanga at kagila-gilalas” (Isaias 29:14).

Sinabi na sa atin ng mga makabagong propeta na ang “kahanga-hanga at kagila-gilalas [na gawa]” na ito ay tumutukoy sa pagdating ng Aklat ni Mormon at sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Mapalad kayong mabuhay sa panahong masasaksihan ninyo ang katuparan ng marami sa mga propesiya ni Isaias.

Pangalawang Susi: Magkaroon ng Diwa ng Propesiya

Itinuro ni Nephi na ang mga salita ni Isaias ay “malinaw … sa lahat ng yaong puspos ng diwa ng propesiya” (2 Nephi 25:4). Maaaring nakakatakot iyan sa simula, ngunit hindi ito nangangahulugan na mga propeta lamang ang makauunawa kay Isaias. Itinuturo din ng mga banal na kasulatan na “ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya” (Apocalipsis 19:10). Sa madaling salita, kung naniniwala ka kay Jesucristo, nasa iyo na ang simula ng kinakailangan para maunawaan ang Isaias!

Ang mga isinulat ni Isaias ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Maging ang kanyang pangalan ay nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas! Ang ibig sabihin ng pangalan ni Isaias ay “ang Panginoon ay Kaligtasan,” o “nagliligtas si Jesus.”

Pangatlong Susi: Unawain ang mga Tula at Simbolo

Ipinaliwanag ni Nephi na ang mga salita ni Isaias ay mahirap para sa mga hindi pamilyar sa “paraan ng pagpopropesiya sa mga Judio” (2 Nephi 25:1). Nagiging mas madaling maunawaan ang mga salita ni Isaias kapag mas natututuhan natin ang tungkol sa mga tradisyon sa pagsusulat sa Silangan noong panahon ni Isaias, tulad ng mga tula at simbolo. Madalas gumamit si Isaias ng mga kumplikadong simbolo sa kanyang mga isinulat.

Halimbawa, sumulat si Isaias tungkol sa mga taong “matatayog at matataas” bilang tulad ng “mga sedro ng Libano” at ng “mga encina ng Basan [Siria]” (2 Nephi 12:13). Ang mga sedro at encina ay matitigas na puno. Gumamit si Isaias ng makatang paraan upang sabihin na ang mga palalo at matatayog na tao ay parang matatayog na puno dahil pinatigas nila ang kanilang puso at iniisip nila na mas mabuti sila kaysa sa iba. Ang pagbabasa ng Isaias na tulad ng tula ay makatutulong sa atin na mas maunawaan ang itinuro niya.

Pang-apat na Susi: Alamin ang Heograpiya

Binanggit ni Isaias ang 108 na iba’t ibang lugar sa kanyang mga isinulat. Maaaring nakalilito ito na subaybayan, lalo na kung hindi ka pa kailanman natira roon! Ang pang-apat na susi ni Nephi ay ang malaman ang “mga lugar sa paligid” ng Jerusalem (2 Nephi 25:6).

Ang Jerusalem ay nasa lugar ding iyon noon pa man, ngunit noong unang panahon ay nasa sentro ito ng tatlong nagtatagisang makapangyarihang mga bansa. Sa silangan ay ang Babilonia, isang sentro ng sining at moda ng pananamit. Sa hilaga ay Asiria, ang kapangyarihang militar noong panahon ni Isaias. Sa timog-kanluran ay Egipto, isang sentro ng kalakalan. Ang kaalaman tungkol dito ay makatutulong na sa atin na masubaybayan kung sino ang nagbabalak na sumalakay sa Israel at tumangay ng mga bihag. Sa simbolikong paraan, ang Babilonia ay kumakatawan sa kamunduhan, ang Assiria ay sa kapalaluan, at ang Egipto ay sa kayamanan.

Ang mga Salita ni Isaias ay Para sa Iyo

Itinuro ni Isaias ang maraming iba pang bagay na mahalagang maunawaan natin. Pinatotohanan niya ang pagkalat at pagtitipon ng Israel, na sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson na “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. … At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito” (“Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], 8, HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org; tingnan sa Isaias 49:13–23).

Larawan
Ikalawang Pagparito ni Jesucristo

Nagpatotoo rin si Isaias tungkol sa pagtatayo ng Sion bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito at paghahari sa milenyo ng Tagapagligtas (tingnan halimbawa sa Isaias 5152). Nang may patotoo tungkol kay Jesucristo, mapapatotohanan sa iyo ng Espiritu ang kahalagahan ng mga salita ni Isaias at kung paano nito matutulungan at mapagpapala ang iyong buhay ngayon.

Print