2022
Tumulong at Humanap ng Kabutihan
Setyembre 2022


“Tumulong at Humanap ng Kabutihan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022.

Tulong sa Buhay

Tumulong at Humanap ng Kabutihan

Magkakaiba tayong lahat, tayong lahat ay anak ng Diyos, at iyon ay napakaganda!

dalagitang nakatingin sa isang iginuhit na larawan

Larawang mula sa Getty Images

Isipin na kunwari ay nakatira kayo sa isang mundo kung saan ang bawat ipinintang larawan ay ipininta gamit lamang ang kulay asul, lahat ng pagkain ay pareho ang lasa, at bawat awitin ay may iisang nota lamang. Hindi ko alam kung sang-ayon kayo, pero palagay ko ay sukdulang walang kabuhay-buhay ito!

Ang mga pagkakaiba sa sining, lasa, at musika ang dahilan kaya mas kawili-wili at maganda ang mundo. Sa katulad na paraan, ang mga tao ay may mga natatanging pinagmulan, paniniwala, hitsura, nasyonalidad, etnisidad, at karanasan na nagpapaganda sa mundo.

Noong bata pa ako, tumira ako sa loob ng maraming taon sa Arabia na isang bahagi sa mundo na ang karamihan ng tao ay Muslim. Sa ilang bahagi ng panahong iyon, nag-aral ako sa isang boarding school sa England. Sa dalawang lugar na ito, sa Arabia at England, nakasalamuha ko ang maraming iba’t ibang tao. Noong una, mahirap na mapaligiran ng iba’t ibang tao na hindi ko katulad. Ngunit kalaunan, nalaman ko sa pamamagitan ng karanasan na karamihan sa mga pagkakaiba ay mabuti, at napakaganda pa nga! Ang buhay ko ay napagyaman sa hindi masusukat na paraan ng pakikipag-ugnayan sa mga taong iba’t iba ang kultura at paniniwala sa maraming panig ng mundo.

Narito ang ilang bagay na natutuhan ko na makatutulong sa inyo na igalang at maunawaan ang mga taong naiiba sa inyo.

dalagita at binatilyo

Humanap ng Kabutihan

Kung minsan ang kabutihan ng mga tao ay maaaring hindi kaagad nakikita, ngunit kamangha-mangha kung paano tayo nakakakita ng kabutihan kapag hinahanap natin ito nang may pagmamahal at habag. Kapag ginawa ninyo ito, mabubuksan ang inyong puso na matuto mula sa iba.

Makatutulong na alalahanin na maaaring kumikilos ang mga tao sa mga paraang hindi ninyo nauunawaan dahil nasaktan na sila sa ilang paraan. Halos lahat ay nakadarama ng panghihina o nahihirapan sa isang bagay. Siguro’y ganito rin ang pakiramdam ninyo. Kapag nauunawaan ninyo ito, mas madaling mahanap ang kabutihan sa iba dahil mas nauunawaan ninyo kung bakit ganoon ang mga tao. Pagkatapos ay makahahanap kayo ng mga paraan para matulungan at mapagpala sila.

binatilyong nakikinig

Aktibong Makinig

Ang landas tungo sa paggalang at pag-unawa ay nagsisimula kapag nakikinig tayo—talagang nakikinig—sa iba. Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, madalas ay mabilis tayong magbahagi ng ebanghelyo, at magandang bagay iyan! Tutal, ang ebanghelyo ni Jesucristo ang pinakamaluwalhati at walang-hanggang kaloob na maibabahagi natin. Ngunit kung minsan ibinabahagi natin ang ating mga paniniwala sa iba bago pa man natin maunawaan ang anumang bagay tungkol sa kanila. Kailangan nating aktibong makinig sa iba at matuto mula sa kanila. Maaari nating palawakin ang ating pagkaunawa—at pagpapahalaga—sa lahat ng nakikilala natin.

dalagitang may mga kamay na nakahugis puso

Humanap ng mga Pagkakatulad

Sa pagbisita kamakailan sa Arabian Gulf, nakilala ko ang maraming tao na ibang-iba sa akin. Ngunit nang makilala ko sila, nalaman ko na ang aming mga pangunahing pinaniniwalaan ay hindi lubhang magkakaiba. Nabigyan ako ng inspirasyon ng mga pagkakatulad namin.

Ang isang bagay na natuklasan kong magkatulad sa amin ay ang hangaring tumulong sa mga refugee na napalipat at nasaktan dahil sa kaguluhan. Napakalaking bagay na makita ang pagkakatulad na iyon. Nagalak ako dahil dito at nakadama ako ng malaking pagmamahal sa mga taong nakilala ko.

Nang makakita kami ng pagkakatulad, napag-usapan namin ang aming mga pagkakaiba, gayundin ang aming magkakatulad na pinahahalagahan, na may tunay na interes na malaman ang tungkol sa isa’t isa. Ipinaalala sa akin ng karanasang ito na ang mabubuting tao sa lahat ng dako ay nagsisikap na gumawa ng mabuti ayon sa kanilang mga paniniwala.

binatilyong nagbibisikleta

Maging Mapagmasid

Ang isang magandang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba ay ang maging mapagmasid at humanap ng ilang paraan para masimulan ang pakikipag-usap. Halimbawa, kung napansin ninyo na may magandang bisikleta ang isang tao, magsabi ng, “Wow, gusto ko ang bisikleta mo!” at pagkatapos ay tanungin sila tungkol dito.

Ang isang simpleng tanong na tulad ng “Kumusta ang araw mo?” ay makakatulong sa inyo na makipag-ugnayan sa isang tao. Maaaring hindi kayo maging komportable sa una. Kailangan ng ensayo, ngunit masaya ito kapag nagkaroon na kayo ng ilang magagandang karanasan dito.

smartphone

Magtuon sa Ibang Tao

Nakilala ng Tagapagligtas ang maraming tao na may ibang mga kultura. Tinulungan din Niya ang mga taong iniiwasan ng lahat. Gumawa Siya ng paraan para makipag-ugnayan sa mga maysakit at itinakwil. Kinausap Niya sila, at pinagaling Niya sila.

Kung gagawin natin ang Kanyang di-makasariling paraan, ang mundo ay magiging mas mabuting lugar. Tulungan ang iba sa malalaki o maliliit na paraan. Magpadala ng text na nagpapahayag ng kabaitan, magbahagi ng pagkain, isama ang isang taong ibinubukod ng iba. Ang mabubuting gawaing tulad nito ay tutulong sa inyo na makipag-ugnayan sa mga nasa paligid ninyo. Kamangha-mangha na ang mga gawaing ito ay nagpapaganda rin sa ating pakiramdam.

Jesucristo

Huwag Itong Palampasin

Ang ikalawang dakilang utos ay “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Tandaan na tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Lumalawak ang aking pananaw sa mundo at nagiging mas mabuti ako kapag nakikilala ko ang iba—ang aking mga kapwa—na naiiba sa akin. Huwag palampasin ang maaari ninyong matutuhan mula sa iba.

Kung makikipag-ugnayan kayo at matututuhan ninyong mahalin at igalang ang mga pagkakaiba ng lahat ng nakapaligid sa inyo, mamamangha kayo kung gaano kaganda at kamangha-mangha ang mundo.