“Ang Gustung-gustong Matutuhan ni Ark,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022.
Ang Gustung-gustong Matutuhan ni Ark
Bagong bansa, mga bagong kultura, mga bagong kaibigan … walang problema!
Mahilig si Ark sa maaanghang na pagkain. Medyo katutuklas niya pa lang ang tungkol dito. Sa Pilipinas, kung saan siya lumaki, hindi gaanong maanghang ang mga pagkain.
Pero nakakuha ng trabaho ang kanyang ama sa Malaysia.
Sa puntong iyon, nakilala ni Ark ang mga kaibigan sa simbahan na nagmula sa lahat ng uri ng pinagmulan, kabilang na ang ilan na mula sa India.
“Kumakain sila ng talagang maaanghang na pagkain!” sabi ni Ark C., edad 14, tungkol sa kanyang mga bagong kaibigan. “Ang pagkaing ito ay mas maanghang kaysa sa dati kong kinakain sa Pilipinas.”
Gayunman, ang nakakatuwa—ngayon lang nalaman ni Ark ang napapalampas niya. Ngayon ay nasisiyahan na siyang tuklasin ang isang bagong mundo ng mga pagkain.
Siyempre, hindi lang iyan ang paraan na mas pinabuti ng mga kaibigan ni Ark sa Simbahan ang kanyang buhay. “Masaya akong lumipat sa Malaysia, pero kasabay nito ay nalungkot din ako. Lahat ay mga bagong kaibigan, at mahirap makipag-usap sa mga bagong kaibigan.”
Ngunit tinulungan siya ng mga kabataan sa kanyang bagong branch na gawin ang pagbabagong iyon. Bilang bonus, marami na siyang alam ngayon tungkol sa maraming iba’t ibang lugar. “Nalaman ko ang tungkol sa iba’t ibang kultura,” sabi niya. “Iba ang pagkain, at gayon din ang mga damit. Makulay ang kanilang mga damit, at nakakatuwa kung paano nila ito ginagawa!”
Gayunman, may isang grupo ng mga kaibigan, na sumuporta sa kanya nang higit kaysa kaninuman sa oras at pagkatapos ng paglipat: ang kanyang pamilya.
Mga Laro Kasama ng mga Kaibigan
Gustung-gusto ni Ark na makasama ang kanyang pamilya, lalo na kapag naglalaro sila ng mga card game. Ang larong Uno ang kanyang pinakapaborito. Ang dahilan? “Lagi akong nananalo,” sabi niya nang tumatawa.
Mahilig din siyang maglaro ng Monopoly kasama ng kanyang mga magulang at nakababatang kapatid na si Leaf. (Ang kanyang nakababatang kapatid na babae ay napakabata pa para sumali.) Gayunman, maraming iba pang nangyayari sa mga laro kaysa sa pagpapagulong ng dice at paggasta ng pekeng pera. “Tinuturuan ako ng mga magulang ko ng mga estratehiya sa negosyo at mga alituntuning may kinalaman sa pera sa mga laro. Talagang makatutulong na payo ito para sa hinaharap.”
Ang tatay niya ay isang software developer, at ang kanyang ina ay nagpapatakbo noon ng sarili niyang negosyo sa Pilipinas. Marami silang mga kasanayan na maipapamana. Para naman sa kanya, sabik si Ark na matutuhan ang lahat ng makakaya niya mula sa kanila. May malalaking plano siya para sa kanyang magiging propesyon.
Ang kanyang mga paboritong asignatura sa paaralan ay biotech at engineering. Gusto ni Ark na maging biotechnician. Sa kanyang matataas na mithiin, ginagamit niya ang lahat ng pagkakataon para may matutuhang bago.
Gayunman, hindi palaging gusto noon ni Ark na matuto mula sa kanyang mga magulang. Tulad ng kanyang pagkagusto sa mga maanghang na pagkain, ang pagkakatuklas na ito ng isang mahalagang mapagkukunan ay dumating kalaunan sa kanyang buhay.
Mula sa Pagiging Matigas ang Ulo tungo sa Pagiging Madaling Matuto
“Matigas ang ulo ko noon,” pag-amin ni Ark. “Wala talaga akong pakialam kung matuto man ako sa mga magulang ko.”
Sinisikap niyang gawin ito nang mag-isa o matuto lamang mula sa kanyang mga kaibigan at guro sa paaralan. Pagkatapos ay may nabasa siya sa Aklat ni Mormon na nakagawa ng malaking kaibhan sa pananaw niya sa mga bagay-bagay.
Sa Alma kabanata 36 at 37, nagbigay si Alma ng payo sa kanyang anak na si Helaman. Itinuro ni Alma kay Helaman ang tungkol sa lahat, mula sa sariling kahanga-hangang kuwento ng pagbabalik-loob ni Alma (na kinabibilangan ng tatlong araw na pagkawala ng malay niya matapos sabihin sa kanya ng isang anghel na hindi niya talaga ginagawa ang pinakamabubuting pagpili ng buhay [tingnan sa Alma 36:6–10]) hanggang sa mga panganib ng lihim na pakikipagsabwatan.
Sa gitna ng lahat ng ito, isang talata ang pinakatumatak kay Ark: “O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sundin ang mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35).
Isang bagay ang pumasok sa isipan ni Ark dahil sa mga salitang iyon. “Matuturuan din ako ng aking mga magulang ng karunungan,” sabi niya. Bigla niyang natanto na may napakaraming impormasyon sa harap niya. “Ngayo’y napakahalaga sa akin ng kanilang karunungan. Mahal nila ako at matutulungan nila akong maghanda para sa aking hinaharap.”
At ang kanilang karunungan ay higit pa sa mga tip sa negosyo na ibinabahagi nila habang nagbo-board game.
Karunungan nina Inay at Itay
Ang isang mahalagang aral na itinuro ng mga magulang ni Ark sa kanya ay ang hindi pahintulutan ang masasamang impluwensya sa kanyang paligid na tisurin siya. “Dito sa paaralan ko, maraming bata ang may gusto na subukan ko ang kape, tsaa, sigarilyo, at iba pa.”
Isa itong paksa na regular na pinag-uusapan sa bahay. “Pinag-usapan na namin ng mga magulang ko ang tungkol dito nang maraming beses. Palagi silang paulit-ulit,“ biro niya.
Gayunpaman, lahat ng pag-uulit na iyon ay nagbunga. Tuwing hihilingan siyang gawin ang isang bagay na labag sa kanyang mga paniniwala, humuhugot si Ark ng lakas mula sa itinuro sa kanya ng kanyang mga magulang.
Ang isa pang aral na isinapuso niya ay kung paano manamit. Hindi kailangan ni Ark ng payo mula sa kanyang mga magulang para mas makibagay sa paaralan. Sa katunayan, alam na niya ang gagawin sa bagay na ito. “Nagsusuot ako noon ng mga astig na damit,” sabi ni Ark. “Sinisikap kong pahangain ang mga babae.”
Gayunman, tinulungan siya ng kanyang mga magulang na makita na may ilan ding hindi sinasadyang mga bunga ang pananamit sa ganoong paraan. “Ang mga damit na isinusuot natin ay maaaring makaimpluwensya sa iniisip ng ibang tao tungkol sa iyo,” paliwanag ni Ark. Nang mas bigyan niya ito ng pansin, natanto ni Ark na hindi niya gusto ang ilan sa mga ideya ng mga tao sa kanya ukol sa pananamit niya noon.
Ngayon ay pinipili niya ang mas konserbatibo, disente—o, tulad ng gusto niyang tawag dito na “nerdy”—na mga damit. Gusto niya ang bago niyang hitsura at mas maganda ang pakiramdam niya sa espirituwal na paraan sa pananamit niya. (Dagdag pa rito, Ark, astig ang mga nerd! Hindi mapag-aalinlanganang katotohanan.)
Habambuhay na Pag-aaral
Gustung-gusto ni Ark kung saan siya nakatira, mahal niya ang kanyang pamilya, at gustung-gusto niyang natututo mula sa kanyang mga magulang.
Gustung-gusto rin niyang pinag-aaralan ang ebanghelyo.
“Naniniwala ako na buhay si Jesucristo,” sabi ni Ark. “Naniniwala ako na ang ating buhay na propeta ay si Pangulong Russell M. Nelson at na sa pamamagitan ni Joseph Smith, ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan. Naniniwala ako na matutulungan tayo ng ebanghelyo sa ating buhay at sa anumang balakid o pagsubok na nararanasan natin.”
Anuman ang kahanga-hangang mga bagay na matututuhan ni Ark sa hinaharap, natutuhan na niya ang ilan sa pinakamahalaga sa lahat. Malapit sa itaas ng listahang iyon ay ito: ang pag-uukol ng oras sa pamilya ay nagdaragdag ng maraming rekado sa buhay!