“Magagawa ni Jesucristo na …,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kawikaan; Eclesiastes; Isaias
Magagawa ni Jesucristo na …
Itinuturo sa iyo ng mga katotohanang isinulat libu-libong taon na ang nakararaan kung ano ang magagawa ng Panginoon para sa iyo ngayon.
Walang expiration date ang katotohanang mula sa Diyos. Ito ay dahil kaalaman ito “ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, at mga bagay kung ano talaga ang magiging ito” (Jacob 4:13).
Ang mga katotohanang isinulat libu-libong taon na ang nakararaan sa Lumang Tipan ay totoo pa rin ngayon. At tinutulungan ka ng ilan sa mga ito na makita kung ano ang magagawa ng Panginoon para sa iyo ngayon. Narito ang ilang gayong katotohanan mula sa mga aklat ng Mga Kawikaan, Eclesiastes, at Isaias (na pag-aaralan mo sa buwang ito). Ipinapakita ng mga ito sa iyo na magagawa ni Jesucristo na …
Ituwid ang Iyong mga Landasin
Kung minsan, nalilito tayong lahat, naliligaw, o nangangailangan ng patnubay. Kung ibibigay mo sa Panginoon ang iyong buong tiwala, pagpapakumbaba, at pasasalamat, “itutuwid niya ang iyong mga landasin” (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6).
Kung susundin mo ang Kanyang mga kautusan, “inaakay ka Niya sa daan na nararapat kang magtungo” at ang “iyong kapayapaan [ay ginagawa Niyang gaya ng sa] ilog” (Isaias 48:17–18).
Bigyan Ka ng Pananaw
Ang mga pag-uugali at estilo ng pamumuhay sa mundo ay tila maganda o kasiya-siya. Ngunit matutulungan ka ng mga turo ni Jesucristo na makita na napakawalang kabuluhan at hindi nagtatagal ang mga paraan ng mundo.
Lahat ng “ginawa sa ilalim ng araw … ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin” (Eclesiastes 1:14). Sa madaling salita, ang paraan ng mundo ay nagdudulot ng kabiguan. Para itong paghabol sa hangin at pagsisikap na mahuli ito. Ang kaligayahan ay dumarating kapag tayo ay nagbibigay ng paggalang at pagpipitagan sa Diyos at sinusunod ang Kanyang mga kautusan (tingnan sa Eclesiastes 12:13).
Maraming tao sa mundo ang “tumatawag sa masama na mabuti, at sa mabuti na masama; … inaaring liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag; … inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait” (Isaias 5:20). Ngunit ipinapakita sa atin ng Panginoon ang katotohanan. Sa pagsunod sa Kanyang paraan at sa Kanyang salita, tayo ay “lalabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan” (tingnan sa Isaias 55:8–12).
(Tingnan din sa Isaias 40:6–8; 51:7–8.)
Patawarin ang Iyong mga Kasalanan
Tayong lahat ay nagkakamali. Tayong lahat ay nagkakasala. Ngunit kung magsisisi tayo at patuloy na magsisikap na sundin ang mga utos ng Diyos, malilinis at mapagagaling tayong muli ni Jesucristo. “[Tayo’y] kanyang kaaawaan; … sapagkat siya’y magpapatawad nang sagana” (Isaias 55:7). Sinabi niya:
“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito’y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito’y mapulang-mapula, ang mga ito’y magiging parang balahibo ng tupa.” (Isaias 1:18).
“Ako, ako nga ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway … at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan” (Isaias 43:25).
Palakasin Ka
Lahat tayo ay nakadarama ng kahinaan o pagod kung minsan. Mabibigyan ka ni Jesucristo ng lakas. “Sapagkat ang Panginoong Diyos ay isang batong walang hanggan” (Isaias 26:4). Kung kayo ay mapagpakumbaba at nagtitiwala sa Kanya, matutulungan Niya kayong labanan ang tukso, gumawa ng mahihirap na desisyon, o magpatuloy sa kabila ng mga paghihirap. Sinabi niya:
“Huwag kang matakot, sapagkat ako’y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako’y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan” (Isaias 41: 10).
Hindi Ka Malimutan Kailanman
Isinakripisyo ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang Kanyang sarili para sa iyo dahil mahal Niya ang ating Ama sa Langit—at dahil mahal ka Niya. Ginawang posible ng Kanyang sakripisyo na ikaw ay mabuhay na mag-uli at magkaroon ng pagkakataong maging katulad ng Ama sa Langit. Hindi ka Niya pababayaan o kalilimutan kailanman. Sinabi niya:
“Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin … ? Oo, ang mga ito’y makakalimot, ngunit hindi kita kalilimutan.
“Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko (Isaias 49:15–16).
Dahil marami Siyang nagawa para sa atin at hindi niya tayo kalilimutan kailanman, dapat din nating sikaping “lagi Siyang alalahanin” (Doktrina at mga Tipan 20:77, 79).