“Isang Pagsubok sa Pagkatao,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Set. 2022.
Mga Saligang Kaytibay
Mga kabataang Banal sa mga Huling Araw, na isinasalig ang kanilang buhay sa Bato ni Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12).
Isang Pagsubok sa Pagkatao
Hindi ito ang sinang-ayunan kong gawin. Handa naman akong tumulong na lagyan ang bakod ng aking lola-sa-tuhod ng langis ng linseed para maprotektahan ito. Pero sa paglipas ng araw, napuno ng pawis ang mukha ko at ang bukal sa loob kong paggawa ay nauwi sa hapo sa init.
Iminungkahi ng nanay ko na magpahinga at uminom ako bago bumalik sa trabaho, pero sumimangot ako, at determinado akong maging miserable.
“Dallin, walang tunay na gantimpala sa pagkakaroon ng magandang saloobin kapag maganda ang lahat ng bagay sa buhay,” sabi niya. “Ang tunay na pagsubok ng pagkatao at ang tunay na gantimpala ay dumarating kapag maganda ang saloobin mo kahit tila nakalulungkot ang lahat.”
Pagkaraan ng isang linggo, itinanong ng lolo ko kung maaari kong pahiran ang kanyang bakod ng langis ng linseed. Mas mahaba ang bakod niya, at kailangan naming pahiran ang dalawang panig.
Sa pagkakataong ito, determinado akong ayusin ang saloobin ko kahit mahirap ang trabaho. Maaga kaming nagsimula, pero hindi nagtagal ay natusta na kami sa araw gaya ng inaasahan. Tila walang katapusan ang gawain nang dalhin namin ang mabibigat na timbang iyon ng malagkit at mabahong langis. Natusok ang mga binti namin ng matitinik na palumpong. Pero nang maalala ko ang sinabi ng nanay ko, hindi ako nagreklamo. Hindi ako huminto. Maingat akong nagtrabaho at sinikap kong manatiling mayroong magandang saloobin.
Nang matapos kami, tiningnan ko ang bagong pininturahang bakod at natuwa ako sa nagawa namin. Pagod na ako at nanlalagkit, pero alam kong nakapasa rin ako sa isang mahalagang pagsubok ng pagkatao. Nalaman ko na maaari akong magkaroon ng magandang saloobin kahit tila nakakalungkot ang lahat.
Dallin H., Oklahoma, USA