Para sa Lakas ng mga Kabataan
Maghangad ng Kagalakan
Pebrero 2024


“Maghangad ng Kagalakan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Peb. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

2 Nephi 2:25

Maghangad ng Kagalakan

Ang nagtatagal na kagalakan ay matatagpuan sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo.

pamilya

Dahil sa Kanyang perpektong pagmamahal sa iyo, sabik ang Ama sa Langit na ibahagi sa iyo ang Kanyang ganap na kagalakan—ngayon at sa kawalang-hanggan. Iyan ang nagganyak sa Kanya sa lahat ng bagay sa simula pa lang, kabilang na ang Kanyang maluwalhating plano ng kaligayahan at ang sakripisyo ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Noong manirahan sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden, sila ay nasa kalagayan ng kawalang-malay. Sila ay “walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan,” at sila ay “hindi gagawa ng mabuti, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kasalanan” (2 Nephi 2:23). Kaya, tulad ng ipinaliwanag ni Lehi, “Si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25; tingnan din sa Moises 5:10–11).

Sa makasalanang mundong ito, malalaman ninyo ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuti at masama sa pamamagitan ng itinuro sa inyo at nararanasan ninyo. Inyong “matitikman ang pait, upang [inyong] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55). Dumarating ang kagalakan kapag hinangad ninyo ito sa pamamagitan ng pagtanggi sa kapaitan at higit na pagpapahalaga at pagkapit nang mahigpit sa kabutihan.

Pagkasumpong ng Kagalakan

Hindi ipinagpipilitan ng Diyos ang kagalakan o kaligayahan sa inyo, kundi itinuturo Niya sa inyo kung paano ito matatagpuan. Sinasabi rin Niya sa inyo kung saan hindi masusumpungan ang kagalakan—“ang kasamaan ay [hindi at] hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).

Ang walang-hanggang kagalakan ay matatagpuan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ang Kanyang mga utos, na matatagpuan sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay ibinigay Niya para maghatid sa inyo ng kagalakan. Hindi nakakabigat ang mga ito kundi nagpapagaan ng pasanin. Kung hindi ninyo nasusunod nang ilang panahon ang mga kautusan, maaari pa rin kayong bumalik, tumanggi sa kapaitan, at muling maghangad ng kabutihan sa pamamagitan ng pagsisisi, na ginawang posible ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Helaman 5:10–11).

Sabi ni Jesus:

“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:10–11).

Ito ang nadama ni Lehi sa kanyang panaginip nang matikman niya ang bunga ng punungkahoy ng buhay, na kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos. Sabi niya, “Nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan” (1 Nephi 8:12; tingnan din sa 1 Nephi 11:21–23).

Naghayag din si Lehi ng isa pang paraan para makadama ng kagalakan. Sabi niya, “Anupaʼt nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak” (1 Nephi 8:12).

Jesucristo

Pagtulong sa Iba na Makasumpong ng Kagalakan

Sa pamumuhay ng ebanghelyo, maaari kayong “mapuspos ng kagalakan” (Mosias 4:3). Ngunit karamihan ng kagalakan sa inyong buhay, kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, ay darating kapag nagtuon kayo sa ibang mga tao at naghangad kayong tumulong sa pamilya, mga kaibigan, at iba pa na maranasan ang kagalakan at kapayapaang iyon na bigay ng Diyos. Ito ang pinakamainam na paraan para maipakita ang inyong pagmamahal sa Diyos at sa inyong kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39).

Noong binata pa siya, naghangad ng kagalakan si Alma sa lahat ng bagay na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo. Matapos pagsabihan ng isang anghel, matindi niyang naranasan “ang kapaitan” at nakarating sa “kabutihan” sa pamamagitan ng pagsisisi at sa saganang biyaya ng Tagapagligtas (tingnan sa Mosias 27:28–29). Makalipas ang ilang taon, ipinahayag ni Alma sa kanyang anak na si Helaman:

“O, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit! …

“Oo, at magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman. …

“Oo, at ngayon masdan, … binigyan ako ng Panginoon ng labis na kagalakan sa bunga ng aking mga pagpapagal” (Alma 36:20, 24–25).

Nakadama rin si Alma ng matinding kagalakan nang magtagumpay ang iba sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo, kaya ang kanyang kaluluwa ay natangay ng napakalaking kagalakan (tingnan sa Alma 29:14–16).

Masusumpungan mo rin ang kagalakang iyon kapag minamahal mo ang iba nang may “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47; tingnan din sa talata 48), ibinabahagi mo sa kanila ang ipinanumbalik na katotohanan, at inaanyayahan silang makitipon sa mga pinagtipanang tao ng Diyos.

Makadarama Ka ng Kagalakan Kahit Mahirap ang Buhay

Hindi ka dapat matakot na makahadlang o makasira sa iyong kagalakan ang mga pagsubok at hamon na tiyak na daranasin mo sa mortalidad. Sa pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo, ang iyong mga hamon ay maaaring “malulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38).

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na ang kagalakan ay may papel na ginagampanan sa pagdurusa ng Tagapagligtas (tingnan sa Mga Hebreo 12:2). Sabi niya, “Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!” “Kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.

“Kung magtutuon tayo sa kagalakang darating sa atin, o sa mga mahal natin sa buhay, ano ang mapagtitiisan natin na sa ngayon ay tila hindi natin kaya, masakit, nakakatakot, hindi makatwiran, o talagang imposible?”1

Hinihikayat ko kayong maghangad ng kagalakan sa pamamagitan ng pagtanggap sa ebanghelyo ni Jesucristo at pagtulong sa iba na gawin din iyon. Sa landas ng ebanghelyo, may walang-hanggang kagalakan sa paglalakbay at kagalakan sa huli. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang landas ng kagalakan sa araw-araw.